Mga talumpati sa paglulunsad ng librong Hay, Naku! 2013

N.B. – Ito ang mga talumpati nina Pambansang Alagad ng Sining Bienvenido Lumbera, UP CMC Dekano Roland Tolentino, Dr. Ramon Guillermo at awtor Danilo Arao sa paglulunsad ng Hay, Naku! 2013: Pagsusuma ng Isang Peryodista noong Agosto 26, 2014 sa auditorium ng Kolehiyo ng Komunikasyong Pangmadla sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman.

Pambungad na Pananalita
Dr. Roland B. Tolentino (dekano, UP CMC)

tolentino

Sa maglulunsad ng libro Prof. Danilo Arao, mga kasamahan sa Kolehiyo, Unibersidad, media, pakikibaka, panulat, pag-ibig, sa Stand Up, Sign Up, No to All Pork, mga bisita, at kung wala kayo sa mga nabanggit na kategorya, kayo rin na nandirito,

Kagaya ng pagsisimula ni Danny sa lahat ng kanyang talumpati, isang mapagpalayang hapon sa ating lahat.  Ikinagagalak ng Kolehiyo ng Komunikasyong Pangmadla na maging lunsaran ng ikaapat na libro ni Danny, Associate Dean, Professor sa Peryodismo, kasamahan sa CONTEND at UP Kilos Na, at groom sa kasal kay Joy, na mabanggit ko lang, na nag-best man ako.  Ito ang politikal at personal na kredensyal sa karapatan kong magbigay ng napakahalagang pambungad na pananalita o welcome remarks.

Natatangi ang Departamento ng Peryodismo dahil sa kagalingan ng akademikong programa nito—dalawang beses ginawaran ng Center of Excellence ng Commission on Higher Education—na nakaangkla naman sa mataas na kalidad ng pagtuturo, skolarsyip, publikasyon, at gawaing extensyon ng mga fakulti nito.  Si Danny ang maningning na halimbawa ng kagalingang ito dahil sa kanyang publikasyon:  tatlo sa iba’t ibang university presses, at ang kasalukuyang inilulunsad mula sa inisyatiba ng organisasyon sa alternatibong media, ang Pinoy Media Center.  Si Danny rin, katuwang si Dekano Luis Teodoro at ang Departamento ng Peryodismo ang naging susi sa muling revitalization ng Graciano Lopez Jaena Workshop for Community Journalism, ang napakahalagang gawaing extensyon ng Kolehiyo na nagbibigay ng karampatang kakayahan at talas sa mga mamamahayag sa komunidad na pinakavulnurable sa karahasan at pagdambong sa malayang pamamahayag.  Ang Departamento ng Peryodismo rin ang naglunsad ng plataporma sa pananaliksik nito ngayong taon, ang National Conference on Journalism, na inaasahang maging taunang aktibidad.

Maganda ang katayuan ng Kolehiyo dahil sa mga unit nito na nagbibigay-prestihiyo sa kanilang mga programa.  Maganda ang katayuan ng mga unit dahil sa mga fakulti, staff, at mag-aaral na kolektibong katuwang sa pagdadala sa unit at Kolehiyo sa mas matatag at mas maniningning na kalagayan.  At malaki ang pasasalamat ng Kolehiyo kay Danny sa hindi lamang pagpapanatili kundi pagtataas pa ng pamantayan ng kagalingan at gawaing extensyon, maging ng serbisyo publiko na hangad ng UP para sa kanyang mga kasapi.

Kahapon, sa aktibidad ng People’s Initiative para makalikom ng pirma para maabolisa na ang anumang bahid ng pork, PDAF, DAP at mga bagong kategorya sa budget na hinahangad ng mga nanunungkulan na makakapagtago ng taba, ay iniulat sa media na hindi gaanong nakamit ang pagdagsa ng tao sa paglulunsad na pagkilos.  Pero may pahabol ang media, kahit na ang pinakareaksyonaryo, na hindi man umabot sa inaasahang bilang ng mamamayan, hindi naman matatawaran ang taas ng enerhiya at pagiging masigasig ng mga nandoroon.

Patunay si Danny at ang alternatibong libro at skolarsyip na inilulunsad ngayong hapon na paratihang handa ang makabayang guro sa pagiging masigasig—sa abot ng kanyang makakaya—sa politikal na gawain ng pagmumulat, pagpapakilos, at pag-oorganisa ng pinakamaraming bilang ng mamamayan para sa tunay at ganap na pagbabago.  Pagbati sa iyo, Danny at sana ay dumami pa ang tulad mo sa hanay ng kaguruan sa Unibersidad.

Isang mapagpalaya at pork-less na hapon sa ating lahat!

Rebyu ni Dr. Bienvenido Lumbera (Pambansang Alagad ng Sining)

lumberaAng paglulunsad-aklat natin sa hapong ito ay hindi lamang pagpapakilala sa awtor ng Hay, Naku! 2013 kundi isa ring paglilinaw sa tungkulin sa katotohanan ng isang peryodista. Si Danilo Araña Arao ay may ilang beses nang naipakilala ng kanyang mga libro bilang akademikong peryodistang nakabase sa Unibersidad ng Pilipinas, matatas ang paggamit ng wikang Filipino sa kanyang mga kolum at artikulo, kagalang-galang sa katinuan ng kanyang paghahatid ng balita at sa talisik ng kanyang mga opinyon.

Sa Hay, Naku! 2013 ang namumukod na katangian ng koleksiyong ito ng mga sanaysay ay ang kanyang ibinabahaging mga kuro-kuro tungkol sa dapat kilalaning panuntunan ng mga peryodista sa kanilang paghahain ng totoo. Hindi na miminsang may nagpanukala na ang peryodismo ay mapaghahanguan ng mga nagaganap sa lipunan natin, at ang publiko naman sa pangkalahatan ay sumasang-ayon sa ganoong panukala. Bilang bahagi ng propesyong peryodismo, si Arao ay may pasubali sa panukalang nabanggit.

Ayon kay Arao, nariyan ang dominanteng midya na siyang nangingibabaw sa paghahatid ng diumano’y “obhetibong” pag-uulat sa mga pangyayaring pumapasok sa mga pahayagan. Sabi niya, “sa mata ng dominanteng midya, masama ang mga aktibista. Bigyan man sila ng espasyo, asahan mo ang negatibong anggulo…Sa pagitan ng mga awtoridad at ng mga aktibista, kapansin-pansin sa mga ulat ang pagkiling sa una. Kung may masaktang pulis sa gitna ng rally, strike o piket, may papuri sa diumanong epektibong paggampan sa gawain. Para naman sa nasugatang aktibista, walang masyadong simpatiya dahil hindi naman lubusang ipinaliliwanag ang konteksto ng ipinaglalaban. At dahil walang konteksto, malinaw ang paghusga sa pulis na ginagawa ang kanyang trabaho at sa aktibistang hindi raw maintindihan kung ano ang gusto.”

Ano ba itong hinahanap ni Arao na “konteksto”? Mga detalye itong ibinubunga ng masinop na pananaliksik sa mga aspekto ng kaso na sa kabuuan ay magpapalitaw sa “totoo” at magiging batayan na magbibigay sa ulat ng peryodista ng karapatang tawaging “obhetibo.” Siyempre ang pagpapalitaw ng “totoo” ay kumakain ng panahon at sa larangan ng peryodismo, sa madaliang pagsusulat ng ulat ay nasasakripisyo ang mga detalyeng manggagaling lamang sa pananaliksik.

Ang paggigiit ni Arao sa “konteksto” ay kahingian ng progresibong pag-akda ng isang peryodistang may paninindigang pampolitika na ang salalayan ay ang “obhetibong” totoo. Walang pagkukubling ginagawa ito ni Arao sa kanyang pagiging peryodistang aktibista, at ang mga sanaysay sa Hay, Naku! 2013 ay katibayan ng kanyang oryentasyong pampolitika. Hindi namumukod ang peryodismong kinakatawan ni Arao. Marami na ang kabataang nagsusulat tungkol sa lipunan ang namulat na sa peryodismo ng “totoo” at makakaasa tayo na sa hinaarap, hindi na nag-iisa si Danilo Araña Arao bilang peryodistang makatotoo.

Rebyu ni Dr. Ramon Guillermo (KAL-DFPP, UP Diliman)

guillermoTulad ng kanyang librong Hay, Buhay! (UP Press, 2012) na naglalarawan ng panahon ng rehimeng Arroyo sa pamamagitan ng isang serye ng mga kolum, ang Hay, Naku! 2013 naman ay parang talaarawan ng dinaranas pa natin hanggang sa kasalukuyan sa ilalim ng  pamahalaang Aquino. Naaaliw ako sa magkaibang pamagat ng dalawang akda. Magkatumbas ba ang kahulugan ng pagkangitngit o pagkainis ang “Hay, Buhay!” at “Hay, Naku!”? Ano kaya ang masasabing mas malala?

Bago ang lahat, masasabi kong sigurado akong magkakaroon ng importansya ang dalawang aklat na ito para sa mga historyador ng politika at ng midya sa darating na mga dekada. Nagtataglay ang dalawang aklat na ito ng mga mabilisan at matatalas na larawan ng dalawang magkaiba ngunit magkahawig na rehimen.

Ayon kay Danny, “Para sa isang peryodista, ang pag-aakda ay palaging nakatakda. Parating may hinahabol dahil laging nagmamadali ang balita. Parating may inuulat dahil ang bansa’y hindi nauubusan ng problema…May mga problemang paikot-ikot, may mga isyung hindi matapos-tapos. May mga kontekstong dapat masuri para ang balita’y hind kapos.” (77)

May tiyaga si Prop. Arao harapin ang mga problemang paikot-ikot at hindi matapos-tapos. May tiyaga siyang busisiin, pag-aralan at, higit sa lahat, ipaliwanag ang konteksto at batayan ng mga ito sa mga ordinaryong mambabasa para, ayon nga sa kanyang sariling mga salita, “ang balita’y hindi kapos.” Sinisikap palagi ni Danny na ang balita ay hindi maging kapos upang hindi rin maging kapos ang pag-unawa ng mambabasa na mga mamamayan ng Pilipinas. Para sa akin ang mga sulatin ni Danny Arao ay napakahalagang ambag ng makatwiran, responsable, makatao at mapagpalayang pamamahayag sa Pilipinas. Makatao ito dahil hindi niya tinatalikdan ang napakahalagang responsibilidad ng isang intelektwal sa ating panahon na isali at maipaloob sa diskursong politikal ang nakararaming mamayang Pilipino. Binibigyan niya ang pinakasimpleng tao ng lakas ng loob upang magkilatis, magbusisi, sumuri at manindigan. Ito’y sa kabila ng labis na pagdidiin ng kasalukuyang akademya ng paglalathala ng mga propesor sa mga sikat na dayuhang akademikong journal na hindi na pumapaksa at wala nang kinalaman sa buhay ng mga ordinaryong tao. Kayang ipaliwanag ni Danny ang mga usaping masasalimuot hinggil sa batas, ekonomiya at kultura sa isang malinaw at madaling maunawaang paraan. Masasabi kong siya na ang pinaka-“master” nito ng kanyang henerasyon. May kahalintulad siyang papel na ginagampanan tulad ng iba pang mamamahayag sa Internet tulad nina Roland Tolentino at Teo Marasigan.

Pero hindi pala ganito na sa simula pa lamang si Danny. Natuwa ako sa maikling sanaysay niya hinggil sa kanyang pagkamulat sa panahon ng Batas Militar. Isang bahagi ng pagkatao ni Danny ito na hindi ko pa nakilala kahit pa matagal na kaming magkakilala mula noong dekada otsenta nang pareho kaming naging mga Philippine Collegian staffer. Sinulat niya rito, “Mula sa pagtatanong, natuto akong humanap ng sagot. Ang dating mahiyain at mapag-isa’y natutong makihalubilo, lalo na sa mga okasyong kinailangan ng organisadong pagkilos laban sa diktadura. Ang pagbabasa ay ginawang regular na gawain hindi para mapataas ang akademikong katayuan kundi para mapataas ang politikal na kamalayan.” (20) Mula noong una kong nakitang pumasok si Danny sa Collegian office nang siya’y magtanong kung kalian ang exam para sa news section  ay hindi ko na nakilala ang batang sinasabi niya noon na labis na masunurin at hindi mapagtanong.

Puwedeng ihanay bilang mga makabuluhang islogan para sa atin ngayon ang mga subheading ng kanyang mga sanaysay sa Hay, Naku! 2013: “Alamin ang Kasaysayan”, “Suriin ang Batas”, “Busisiin ang Retorika”, “Pag-aralan ang Midya”, “Kumilos para Baguhin ang Lipunan”! Nararapat lamang na ipagpatuloy ni Prop. Arao ang kanyang walang kapagurang pag-alam, pag-aaral, pagsusuri, pagbubusisi at pagkilos. Alang-alang na rin ito sa ating lahat na naghahangad ng pagbabago sa lipunang Pilipino.

Tugon Mula sa Awtor
Danilo A. Arao

araoMarami pong salamat sa inyong pagpunta sa paglulunsad na ito. Ang Hay, Naku! 2013 ay isang agaran pero maingat na paglilimbag ng mga sanaysay na kahit paano’y masasabing napapanahon, kahit sa antas lang ng pagiging bago. Kung pagbabatayan ang nakasulat sa introduksiyon ng libro ko, kailangan ang mabilisang paglilimbag sa larangan ng peryodismo dahil ang diskurso ay peryodisado. At kung matatandaan, hindi ba’t ang kahulugan ng peryodismo ay nagmamadaling kasaysayan o “history in a hurry” kung gagamit ng wikang Ingles? Ibig sabihin, kailangang panatilihing sariwa sa alaala ng lahat ang mga pangyayari sa pamamagitan ng permanenteng pag-imprenta ng mga sanaysay na isinulat, kahit isang taon pa lang ang nakalipas sa kaso ng librong hawak ninyo ngayon.

Nitong mga nakaraang araw at buwan, kinaharap natin ang maraming isyung may kinalaman sa ating politika, ekonomiya at kultura. At sa ating pagharap sa mga problema, kailangang balik-balikan ang nakaraan. Para sa mga panlipunang usapin, puwedeng sanggunian ang mga librong tulad ng Hay, Naku! 2013 dahil sa titulo pa lang, alam mo nang mapapa-“Hay, Naku!” ka sa mga paksang tinatalakay.

Malaki ang pasasalamat ko sa Pinoy Media Center na naglimbag ng librong ito, lalo na kina Kenneth Guda at Darius Galang na pangunahing responsable sa disenyo at layout. Kay Fred Dabu naman ng UP System Information Office nanggaling ang litrato sa pabalat. Malaki rin ang utang na loob ko kina Prop. Jose Maria Sison, Luis Teodoro at Rogelio Ordoñez sa pagsulat ng blurb na makikita sa likod ng pabalat. Gusto ko ring bigyang pugay ang asawa kong si Judith “Joy” Arao na nagbigay sa akin ng ideya para sa titulo ng librong ito, pati na rin ang disenyo hindi lang ng librong ito kundi ng iba pa. Ideya niya, halimbawa, ang paggamit ng sarili kong sulat-kamay bilang font ng pangalan ko sa pabalat.

Hinggil sa mismong aktibidad sa araw na ito, gusto kong pasalamatan si Prop. Sarah Raymundo ng Center for International Studies para sa pagtulong bilang tagapagdaloy ng programa. Salamat din nang marami kina Gina Villegas at iba pang kawani ng UP College of Mass Communication para sa pagtugon sa ilang teknikal na bagay sa pag-oorganisa ng aktibidad na ito. Para sa video documentation, kinikilala ko ang suporta ng Kodao Productions. Para naman sa photo documentation, salamat sa iyo, Prop. Loujaye Sunido. Malaking pasasalamat din sa TV5 para sa media coverage.

Para kina Pambansang Alagad ng Sining Bienvenido Lumbera at Dr. Ramon Guillermo, salamat po sa inyong makabuluhang rebyu ng libro. Karangalan ko pong marinig ang inyong mga komento.

Bilang panghuli, nais kong pasalamatan ang dalawang inang naririto ngayon – at nararapat lang dahil ang “Naku” ay pinaikling “Ina Ko.” Una siyempre ang mismong nanay ko, si Mrs. Dolores Arao, na nagsilbing guro at gabay ko noon at ngayon. Ikalawa naman si Mrs. Connie Hina, ina ni Lordei. Alam nating hindi sapat ang ganitong klaseng aktibidad para matugunan ang lahat ng pinansiyal na pangangailangan sa pagpapagaling ni Lordei. Pero ang pagpunta ni Ma’am Connie, pati na rin ang kanyang pamilya, ay may dalawang paalala sa ating lahat – una ay ang kagyat na pagtulong kay Lordei, ikalawa ay ang pagpapatuloy sa aktibismong ginawa ni Lordei bago ang trahedya.

Nawa’y patuloy nating itaguyod ang katotohanan at ang makabuluhan at, tulad ni Lordei, maigpawan ang anumang trahedya sa ating buhay, personal man o politikal. Marami pong salamat sa inyong pakikinig. Mabuhay po tayong lahat!

arao with hina

Personal Blog of Danny Arao

%d bloggers like this: