Pinakamahusay na gurong nagmulat sa akin

N.B. – Updates (Sept. 26, 2:08 p.m. and Oct. 1, 12:45 p.m.): This was published in Vol. 6, No. 37 (September 26-October 2, 2007) of Pinoy Weekly (p. 5), the full text of which may also be retrieved from http://www.pinoyweekly.org/pw6-37/op_ed/ed-6_37_3.htm. My wife Joy was touched by this, hence this advance posting. Hope you will feel the same way. Thanks for reading!

Pinoy Weekly | Konteksto (kolum ni Danilo A. Arao)Pinoy Weekly onlineHindi ko na po kayo masyadong nakikita dahil may sarili na akong pamilya, bukod pa sa malayo na ang bahay namin sa tinitirhan po ninyo. Pero tandang tanda ko pa ang mga itinuro n’yo sa akin.

Noon pa man, sinabi n’yo na pong magiging maganda ang buhay ko basta’t mag-aral nang mabuti at gumawa ng kabutihan sa kapwa. Walang masama sa paglalaro o paglilibang hangga’t hindi ko nakakalimutan ang mga responsibilidad ko sa bahay at eskuwelahan.

Sa tulong ninyo, natuto po akong magbasa sa murang edad at nabuksan ang aking interes sa mga libro at iba pang babasahin. Dahil naging hilig ko sa partikular ang pagbabasa ng mga tula, hinikayat po ninyo akong sumali sa mga declamation contest sa wikang Ingles at Filipino. Kahit hirap na hirap akong kabisaduhin ang mahahabang tula, buong pasensiya po ninyo akong tinuruan sa pagmememorya, paglalapat ng tamang aksyon sa aking pagbigkas at pagbibigay-diin sa mga salita para maiparamdam ang emosyon ng mensaheng inilalahad.

Dahil po sa inyo, maraming beses po akong nanalo sa mga patimpalak at lalo akong nahikayat na pagbutihin ang aking pag-aaral para makakuha rin ng mga medalya sa iba’t ibang larangan. Sa mga pagkakataong natalo ako, parati po ninyo akong sinabihang huwag masyadong malungkot at, higit sa lahat, huwag sumuko. Sabi po ninyo noon, marami pa pong pagkakataon para patunayan ko ang mga kaya kong gawin.

Dahil iniidolo ko po kayo, lahat po ng mga payo n’yo ay sinunod ko. Tandang tanda ko pa ang mga ngiti sa inyong labi tuwing may magandang balita akong inihahatid sa inyo. Alam ko pong ang inyong mga ngiti ay indikasyon ng tuwa at pagmamalaki.

Sa pagtuntong ko sa hayskul, nag-iba ang aking perspektiba dahil na rin sa pagkamulat ko sa mga nangyayari sa lipunan.

Bagama’t sinunod ko pa rin ang payo ninyong mag-aral ako nang mabuti, hindi na limitado ang aking pag-aaral sa apat na sulok ng klasrum. Naging kaakibat ng pagbabasa ang pagmamasid para mas maintindihan ko ang mga pangyayari.

Kahit nasa isip ko pa rin ang paggawa ng kabutihan, unti-unti ko nang nakita ang pangangailangang bigyang prayoridad ang mga pinagkaitan sa halip na iilang nakakaluwag sa buhay.

Mapapansin n’yo rin po sigurong sa panahong ito, nagkaroon na ng distansiya sa ating dalawa. Ang dating batang makulit, malambing at magiliw na nakilala n’yo noon ay naging isa nang binatilyong tahimik, impersonal at seryoso. Oo, alam po ninyong marami pa rin akong gustong gawin sa buhay, pero ang personal ay nagkaroon na ng pulitikal na dimensiyon. Naging abala ako hindi lang sa pagpapabuti ng aking pang-akademikong katayuan (academic standing) kundi sa pagpapatakbo ng konseho ng mga estudyante (student council).

Hindi n’yo man intensiyong magkaroon ako ng progresibong pag-iisip, ganoon na rin po ang nangyari dahil sa pagsasapraktika ko ng mga itinuro ninyo. Nasa mata po ninyo ang pag-aalala nang magpaalam po ako para sumali sa isang malawakang kilos-protesta na nagpatalsik sa diktadura noong makasaysayang buwan ng Pebrero 1986. Pero hinayaan po ninyo ako at sinabihan lang na mag-ingat.

Wala man ang tahasang pag-amin na nasa tamang direksiyon ang aking disposisyon sa buhay, hindi po ninyo tinutulan ang mga pagsusuri’t plano ko kaugnay ng nangyayari sa ating bayan. Kahit hindi n’yo po sabihin, alam kong nakikita n’yo ang pangangailangang kumilos para sa pagbabago. At kahit bihirang bihira na po tayong magkita, namumutawi pa rin ang ngiti sa inyong labi tuwing naaalala n’yo po ako at ang aking kasalukuyang pagkatao.

Malaking kontradiksiyon para sa nakararami ang sitwasyong ang aking pinakamahusay na guro ay hindi man lang nakapagtapos ng hayskul at ang buong buhay ay ibinuhos sa pagpapalaki ng mga anak. Kaya po sa okasyon ng inyong ika-66 na kaarawan ngayong Setyembre 26 (Miyerkules), nais ko po sana kayong bigyang pugay sa inyong husay at dedikasyon.

Hindi lang bilang pinakamahusay na guro, kundi bilang ulirang ina!

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Leave a Reply