Manila Pen at ang polemiko ng adbenturismo

N.B. – This was published in Vol. 6, No. 46 (December 5-11, 2007) of Pinoy Weekly (p. 5), the full text of which may also be retrieved from http://www.pinoyweekly.org/cms/2007/12/manila-pen-ang-polemiko-ng-adbenturismo.

Pinoy Weekly | Konteksto (kolum ni Danilo A. Arao)Pinoy Weekly onlineMadaling sabihing “adbenturismo” lamang nina Sen. Antonio Trillanes IV, Brig. Gen. Danilo Lim at ng mga tagasuporta niya ang nangyaring tensiyon sa The Peninsula Manila (o Manila Pen) noong Nobyembre 29. Ano nga ba naman ang inaasahan nilang mangyari sa puwersahang pag-okupa ng isa sa mga pinakasikat na hotel sa Pilipinas?

Alam nating ang adbenturismo ay isang pagsugal: Hindi man alam ang kahihinatnan, isinasagawa pa rin ang isang aksiyon dahil baka ito ang paraan para makamit ang pampulitikang layunin. Malinaw na sinubukan nina Trillanes na kunin ang suporta ng taumbayan para sa isang sama-samang pagkilos sa Makati City para mapatalsik na si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Kahit na hindi sila sigurado kung ano ang mangyayari, pinili pa rin nilang isugal ang kanilang buhay para matupad ang kanilang hangarin.

Lohikal ang pagpili ng lugar dahil si Mayor Jejomar Binay ay kilalang personalidad sa oposisyon at kahit siya mismo ay nananawagan ng pagpapatalsik kay Macapagal-Arroyo. Kahit na sabihing naglakad sila nang medyo malayo papunta sa Manila Pen, masasabing pinili nilang mabuti ang lugar hindi lang dahil ito ay kilalang hotel. Katulad ng Oakwood na inokupa ng grupong Magdalo noong Hulyo 27, 2003, ang Manila Pen ay malapit sa mga mall sa Makati at maraming establisimyentong apektado ng kanilang aksiyong gumulat sa buong bansa.

Pero kahit na sabihing nagulantang ang nakararami sa ginawa nina Trillanes, duda akong hindi organisado o biglaan ang pagkilos na ito. Sa aking pagmomonitor ng mga pangyayari sa Internet, napansin kong ang website na “Sundalo: Tagapagtanggol ng Pilipino” (http://www.sundalo.bravehost.com/Index.htm) ay mabilis na nakapag-upload ng mga larawan sa pagmartsa nina Trillanes papuntang Manila Pen. Bukod sa paglalagay ng teksto ng kanilang mga pahayag at panawagan, nailagay din kahit sa loob ng maikling panahon ang pangalan ng mga personaheng nasa Manila Pen noong araw na iyon.

Masasabing kalkulado ang naging galaw ng mga sundalong sumama kina Trillanes kahit na maraming naaresto sa kanila. Mapapansing nakahanap ng paraan sina Capt. Nicanor Faeldon at ilang sundalo para makatakas kahit na napaligiran na ng mga sundalo’t pulis ang buong hotel. Hindi ba’t kahit ang mga taga-midya na nasa loob ng Manila Pen ay hindi nakaligtas sa nangyaring maramihang pag-aresto? Gusto ko tuloy isipin na baka ginawa ang armadong kilos-protesta nina Trillanes noong Nobyembre 29 para lang patakasin ang ilang sundalong Magdalo para maipagpatuloy sa labas ang kanilang hangarin.

Matatandaang sa kaso ni Faeldon, nakatakas siya noong Disyembre 14, 2005 pero nahuli rin noong Enero 27, 2006. Sa maikling panahong nasa labas siya, nanawagan siya ng civil disobedience at ang kanyang website na Pilipino.org (http://www.pilipino.org.ph, kasalukuyang naka-redirect sa http://www.trapo.ph) ay nakakuha ng mahigit na isang milyong hits mula nang makatakas siya. Naging kahiya-hiya rin noon ang Armed Forces of the Philippines (AFP) dahil ipinakita niya ang kanyang mga larawan sa website na pagala-gala lang sa ilang kampo nito.

Hindi man tayo sumusuporta sa ganitong uri ng adbenturismo, masasabi pa ring lehitimo ang mga argumento nina Trillanes hinggil sa kabulukan ng kasalukuyang sistema at ang pangangailangang palitan na ang mga nanunungkulan. Bagama’t nahuli na ang karamihan sa kanila at inihahanda na ang mga demanda, mahirap sabihing tapos na ang rebelyon. At ito ay hindi lang dahil sina Faeldon ay hindi pa nahuhuli.

Ang rebelyon ay inaasahang magpatuloy hindi dahil sa pagiging panatiko ng mamamayan sa adbenturismo kundi dahil sa organisadong pagkilos para sa pagbabago.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.