Medalya bilang gantimpala

(Updated April 4, 7:01 pm): N.B. – This was published in Vol. 7, No. 12 (April 2-8, 2008) of Pinoy Weekly (p. 5), the full text of which may also be retrieved from http://www.pinoyweekly.org/cms/2008/04/medalya-bilang-gantimpala. I’ve decided to post this in advance as a “gift” to my sister whose son and daughter graduated this year.

Pinoy Weekly | Konteksto (kolum ni Danilo A. Arao)Pinoy Weekly onlineMay dalawang commencement exercises na dinaluhan kaming mag-asawa noong Pebrero at Marso. Nagtapos kasi ang dalawa kong pamangkin sa kolehiyo at elementarya.

Wala man silang nakuhang medalya, ibang klaseng karangalan ang naibigay nila kay Ate na nagpakahirap para makapagtapos sila. Para sa kanya, may magandang ibinunga ang halos walang tulog na pagtatrabaho para lang bayaran ang mataas na matrikula ng mga eskuwelahan nila.

Ang panganay kasi’y nagtapos sa De La Salle College of Saint Benilde sa Maynila; at ang nakababata, sa St. Scholastica’s Academy sa Marikina. Alam nating hindi biro ang matrikula’t iba pang bayarin sa mga eskuwelahang ito bagama’t napakataas ng kalidad ng edukasyong ibinibigay ng mga ito.

Malaking sakripisyo para kay Ate ang pagpapaaral sa dalawa niyang anak. Kahit na nasa ibang bansa siya, parati niyang kinukumusta ang kalagayan nila.

Gusto man niyang makapunta sa Pilipinas sa araw ng kanilang pagtatapos, nanghinayang siya sa malaking gastos sa pamasahe. Ito ang dahilan kung bakit nagkasya na lang siya sa pagbati sa mga anak niya sa pamamagitan ng telepono. Hindi man siya pisikal na nakita, narinig naman ang boses niya.

Katulad ng iba pang magulang, ginawa ni Ate ang lahat para mabigyan ng magandang kinabukasan ang mga anak niya. Ako at ang aking asawa ay lubos na nanghinayang na hindi niya nakita ang kanyang mga anak sa matatawag na “espesyal na araw” nila. Sabihin mang puwede namang ipadala ang mga larawan, iba pa rin ang pisikal na presensiya sana ni Ate sa araw ng kanilang pagtatapos.

Naaalala ko tuloy ang sarili kong pagtatapos noong elementarya, hayskul at kolehiyo. Masaya ako noon, pero hindi lang ito dahil naroon sa aking pagtatapos ang aking mga mahal sa buhay. Ang aking kasiyahan ay masasabing napakababaw dahil nasilaw ako noon sa kinang ng mga gintong medalya.

Aaminin kong ibang kasiyahan ang nadama ko kumpara sa mga tinagurian kong “ordinaryong” gradweyt. Sa loob-loob ko noon, espesyal ako dahil sa aking pagiging honor graduate. Pero ang aking kasiyahan ay may iba’t ibang antas.

Hindi po ito personal na pagyayabang kundi pagtutuwid ng isang kamalian.

First Honorable Mention (o Third Honor) “lang” ako noong nagtapos sa elementarya kaya hindi ako masyadong masaya noon. Dagdag pa rito ang sitwasyong sa dinami-dami ng mga medalyang pang-akademiko, ang nakuha ko lang na karangalan ay “Best in Religion.” Para sa akin noon, hindi ako “magaling” dahil dalawa lang ang medalya ko.

Pero hindi masukat ang aking kasiyahan noong hayskul dahil naging Valedictorian ako’t sa akin napunta ang ang karamihan sa mga medalya sa larangan ng akademiko at pamumuno sa student council. Hindi tuloy nakakagulat na abot-tainga ang ngiti ko noon. Huwag mo sana akong pagtawanan kung sa aking pagtulog sa gabi ng aking pagtatapos noong hayskul, katabi ko sa kama ang mga medalya ko!

Kahit cum laude “lang” ako noong kolehiyo, masasabing may kasiyahan din naman ako dahil nakuha ko ang karangalang “Most Outstanding Journalism Student.” Masasabi mong “bumawi” na lang ako noong nagtapos ng master’s sa isa pang unibersidad na naggawad sa akin ng gradwadong karangalang “With High Distinction” (na katapat ng summa cum laude sa antas na undergraduate.)

“Kay galing naman ng anak ko!” Ilang beses kong narinig ito sa nanay ko habang sinasabitan ako ng mga medalya. Masakit mang aminin, wala akong pagkilala sa pinagdaanan niya para lang makapagtapos ako.

Sa aking valedictory speech noong hayskul, parang pabalat-bunga lang ang aking pasasalamat sa kanya. Mas inisip ko noon ang aking personal na kagalingan at hindi ang konteksto ng aking karanasan, lalo na ang hindi-masukat na sakripisyo ng nanay ko.

Sa okasyon ng pagtatapos ng dalawa kong pamangkin, pumasok sa aking isipan ang aking kamalian. Para sa kabataan, ang pagtatapos ay dapat na okasyon para kilalanin ang mga magulang, lalo na ang mga nagbuhos ng dugo’t pawis tulad ni Ate at ng nanay namin.

Para sa mga magulang ng mga nagsipagtapos, higit pa sa gintong medalya ang kanilang gantimpala, lalo na kung ang mga anak nila’y tutulong sa pag-unlad hindi lang ng pamilya kundi ng buong bansa.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.