Motorsiklo bilang alternatibo?

N.B. – This was published in Vol. 7, No. 22 (June 11-17, 2008) of Pinoy Weekly (p. 5), the full text of which may also be retrieved from http://www.pinoyweekly.org/cms/2008/06/motorsiklo-bilang-alternatibo.

Pinoy Weekly | Konteksto (kolum ni Danilo A. Arao)Patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo. Kung susuriin ang mga pahayag ng ilang opisyal ng gobyerno at mga kompanya ng langis, lalo pang tataas ang presyo ng mga ito sa mga susunod na linggo.

Hindi na natin kailangang maging dalubhasa sa ekonomiks para malamang may matinding epekto ang sitwasyong ito sa presyo ng mga produkto’t serbisyo. Kumusta naman ang umento sa suweldo? Hulaan kong sagot mo: ”Huwag na nating pag-usapan ito!”

Hindi ka masisisi kung sa ngayon ay iniisip mo kung ano ang kailangang gawin para magtipid. Kahit kaming mag-asawa, napagkasunduan na naming huwag nang masyadong gumamit ng sasakyan sa mga lakad namin. Sa kabila ng napipintong pagtaas ng pamasahe, hindi hamak na mas matipid pa rin ang sumakay na lang sa pampublikong transportasyon kaysa gumamit ng sariling sasakyan.

Kung ganito mag-isip sa kasalukuyan ang nakararaming pribadong motorista, baka medyo lumuwag na ang trapiko sa mga pangunahing lansangan. Sa kabilang banda, ang kasalukuyang sitwasyon ng mataas na presyo ng mga produktong petrolyo ay maaaring magresulta sa pagdami ng mga motorsiklo na bukod sa mas mura ay mas matipid sa gasolina.

Isipin mo na lang: Sa halagang P3,000 bilang downpayment, maaari ka nang bumili ng bagong motorsiklo. Kumpara sa mga sasakyang may apat o higit pang gulong, mas mura ang taunang rehistrasyon ng motorsiklo. Noong nakaraang taon, nagbayad lang ako ng P536.06 sa LTO (Land Transportation Office) at P370 sa insurance para sa aming motorsiklo. (Kasama sa ibinayad ko sa LTO ang change venue fee na P100.)

Para sa isang motorsiklong 125 cc o mas mababa pa, mas maraming kilometro ang itinatakbo ng full tank kumpara sa isang sasakyang may mas malaking makina’t gumagamit ng iba’t ibang accessories tulad ng aircon at stereo sa pagbiyahe. At kung pag-uusapan ang maintenance, panalong panalo rin ang motorsiklo dahil kakaunti lang ang kailangang ayusin, kung kinakailangan man.

Pero alam mo ang mga aksidenteng may kaugnayan sa motorsiklo na halos araw-araw ay laman ng mga balita. Madaling sabihing ang mga walang pakundangan sa pagpapatakbo lang ang naaaksidente, pero sigurado akong may alam kang mga insidente ng maiingat sa pagmomotorsiklo na naaaksidente rin. Iba rin kasi kapag dalawang gulong lang ang hawak mo at wala kang sapat na proteksiyon sa katawan mo bukod sa helmet.

Kung may mga kaskaserong nagmomotor, halimbawa, may mga kaskasero ding nagmamaneho ng kotse na kung saan ang kanilang aksidenteng pagbangga sa isang motorsiklo ay maaaring magresulta na sa pagkamatay ng mga nakasakay sa huli.

Pag-isipan mong mabuti kung bibili ka’t gagamit ng motorsiklo, dahil maaaring ito pa ang maging mitsa ng buhay mo kahit na responsable kang gumamit nito. Kailangan ding tandaang sa sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, nagiging magastos na rin ang pagpapakarga ng gasolina sa kahit na anong sasakyan pa ang hawak mo.

Ano ba ang kailangang gawin para magtipid sa panahong ito? Puwedeng maglakad na lang o gumamit ng pampublikong transportasyon. Sa konteksto ng pagkonsumo ng kuryente, maaaring huwag nang masyadong gumamit ng telebisyon at iba pang kagamitang may malaking konsumo sa kuryente. Kung may sapat na pera, maaaring bumili ng mga de-kuryenteng gamit na mas matipid sa konsumo.

Pero sana’y huwag lang pagtitipid ang isipin mo sa panahong ito. May malaki kang papel na gagampanan sa pagsusulong ng makabuluhang pagbabago, basta’t huwag mo lang bilhin ang argumento ng iilang wala na tayong magagawa pa kundi maghigpit ng sinturon.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.