Diskusyon sa deregulasyon

N.B. – This is expected to be published in the July 4-10, 2008 issue of Pinoy Weekly online.

Pinoy Weekly | Konteksto (kolum ni Danilo A. Arao)Pinoy Weekly onlineSimple lang naman ang prinsipyo ng deregulasyon na siya ngayong kalakaran sa downstream oil industry.

Para umunlad ang ekonomiya, kailangang tanggalin ang lahat ng balakid sa malayang kompetisyon. Hindi dapat direktang makipagkompetensiya ang pamahalaan sa mga lokal at dayuhang mamumuhunan, kaya kailangang ibenta sa sinumang interesado (dayuhan man o hindi) ang anumang GOCCs (government-owned and controlled corporations) tulad ng Petron na nakikipagsabayan sa iba pang kompanya tulad ng Shell at Chevron. At kung noon ay limitado lang ang puwedeng pumasok sa isang pang-ekonomiyang sektor, sa ilalim ng deregulasyon ay maaari nang mamuhunan ang kahit sinong interesado. Ayon sa datos ng DOE (Department of Energy), umabot na sa 601 ang mga bagong kompanyang nakikipagkompetensiya sa tinaguriang Big Three – Petron, Shell at Chevron (dating Caltex).

Sa pagtatanggal ng mga regulasyong pumipigil sa malayang kompetisyon, inaasahan ang pagbibigay ng ”kapangyarihan” sa mga konsumer. Sa partikular, ito ay ang kapangyarihang magkaroon ng mas maraming pagpipilian. Kung noon ay tatlong kompanya lang ang pinagkukunan ng mga produktong petrolyo, ngayon ay napakarami na.

Para sa mga naniniwala sa patakarang globalisasyon (na kung saan ang deregulasyon ay isa sa tatlong prinsipyo, kabilang ang liberalisasyon at pribatisasyon), ang sukatan ng kapangyarihan ng konsumer ay ang dami ng kanyang pagpipilian.

At sa pagdami ng mga kompanya, inaasahan ang malayang kompetisyong magbubunga ng mababang presyo at magandang serbisyo para sa mga konsumer. Ang tendensiya raw kasi ng isang kapitalista ay makaengganyo ng mas maraming mamimili sa anumang paraan, tulad ng epektibong patalastas, substansiyal na diskwento at, siyempre pa, mas mababang presyo.

Ganito ba ang nangyari sa paglipas ng panahon? Malamang na alam mo na ang sagot, pero balikan pa rin natin ang mga datos.

Tandaan nating nagsimula ang deregulasyon sa downstream oil industry noong Abril 1996. Ang presyo noon ng gasolina at diesel ay P9.50 at P7.03.

Alam mo na sigurong dahil sa sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo nitong mga nakaraang buwan, ang gasolina at diesel ay umaabot na sa mahigit P60 at P50 bawat litro.

Madaling sabihing abnormal ang kasalukuyang sitwasyon dahil ang presyo ng krudo sa pandaigdigang pamilihan ay patuloy ang pagtaas, at sa kasalukuyan nga ay umabot na ang Brent North Sea crude oil sa $145 bawat bariles. Ayon sa ilang eksperto, baka umabot pa ito sa $200 bawat bariles sa loob ng anim hanggang 24 na buwan. Batay sa pahayag ng mga opisyal ng pamahalaan, wala raw magagawa sa ganitong sitwasyon.

Pero kung susuriin ang kasaysayan ng industriya ng langis sa Pilipinas, may nagawa noong dekada 70 nang mangyari ang tinatawag na oil shock na kung saan ang OPEC (Organization of Petroleum Exporting Countries) ay nagdesisyong itakda nang napakataas ang krudong mula sa kanila. Ito ang panahong itinatag ang PNOC (Philippine National Oil Corporation), Petron (na nagsimula bilang marketing arm ng PNOC) at ang OPSF (Oil Price Stabilization Fund) na nakatulong sa pagkokontrol sa presyo ng mga produktong petrolyo.

May mga kahinaan man ang regulasyon noong panahon ng dekada 70 – bukod pa sa adyenda ni dating Pangulong Ferdinand Marcos na huwag nang palalain pa ang sitwasyon sa Pilipinas bunga ng imposisyon ng Batas Militar – mainam na maging bukas tayong lahat sa pagtalikod sa deregulasyon bilang kalakaran sa downstream oil industry.

Tandaan nating 12 taon na ang nakaraan mula nang ipatupad ang deregulasyon at ang tanging positibong ibinunga nito ay ang mas malaking tubo mula sa mga kompanya ng langis at mas malaking koleksiyon ng pamahalaan sa pamamagitan ng buwis.

Ang inaasahang pagbaba ng presyo ay naging imposible sa sitwasyong ang mga produktong petrolyo, hindi tulad ng ibang produkto, ay demand inelastic. Ibig sabihin nito, ang demand para sa mga ito ay hind naapektuhan ng pagtaas ng presyo dahil lubos na kailangan ang mga ito ng publiko.

Sa aking pag-aaral noon ng paggalaw ng presyo ng mga produktong petrolyo ng iba’t ibang kompanya, ang kadalasang ginagawa ng Big Three ay manguna sa pagtataas ng presyo, at ang iba pang mga industry player ay sumusunod sa kanilang itinatakda. Ang kadalasang kaibahan sa mga presyo ng iba’t ibang kompanya ng langis ay umaabot lang ng P0.50 bawat litro.

Simple lang naman talaga ang deregulasyon pero madalas na nagbibigay ng komplikadong paliwanag ang mga nasa kapangyarihan para sabihing mas mainam pa rin ang deregulasyon sa kabila ng nangyayari sa pandaigdigang pamilihan.

Bakit hindi na lang nila amining ang ugat sa sunud-sunod na pagtaas ng presyo ay ang mismong deregulasyon sa downstream oil industry? Dahil sa deregulasyon, walang kontrol ang pamahalaan sa mga presyo, at ang kapitalista ay may kalayaang magtakda ng anumang naising presyo. Kung sabagay, walang dahilan para tuligsain ang isang sitwasyong kapaki-pakinabang para sa kapitalista, pati na rin sa pamahalaan.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.