Anomalya sa estruktura

N.B. – This was published in the August 15-21, 2008 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://www.pinoyweekly.org/cms/2008/08/anomalya-sa-estruktura.

Iba ang intensiyon sa nakasulat sa teksto. Kabaligtaran ng opisyal na pahayag ang aktuwal na adyenda.

Hindi man lubusang nauunawaan ang mga partikular na probisyon ng MOA (memorandum of agreement) sa pagitan ng gobyerno at MILF (Moro Islamic Liberation Front), madaling makita ng ordinaryong mamamayan ang iregularidad hindi lang sa aktuwal na proseso kundi sa kasalukuyang estruktura ng pamamahala.

Unang una, bakit tila napakaikling panahon at minadali pa ang pagbubuo ng nasabing MOA? Kung noon ay napakahabang diskusyon ang nangyari bago bigyan ng awtonomiya ang mga probinsiyang bahagi ng Cordillera at ng Muslim Mindanao, bakit ngayon ay basta na lang bumulaga ang balita tungkol sa pagbibigay ng hiwalay na estado sa ilang bahagi ng Mindanao?

Kung pagbabatayan ang pahayag ng mga opisyal ng gobyerno, ang MOA ay isang malaking tagumpay sa prosesong pangkapayapaan. Pero hindi natin masisisi ang mamamayan kung duda pa rin sila sa adyenda ng mga nasa kapangyarihan.

Hindi na kailangang maging dalubhasa sa agham pampulitika para malamang ang sistema ng gobyerno sa kasalukuyan ay hindi akma para magbigay ng isang hiwalay na estado sa isang rehiyon o anumang bahagi ng bansa. Kung tutuusin nga, masasabing problemado ang ibinigay na awtonomiya sa dalawang rehiyon dahil hindi dapat na nangyayari ito sa ilalim ng isang presidential system.

Sa konteksto ng pagbibigay ng anumang porma ng awtonomiya, alam nating lahat na hindi lang magkakaroon ng estruktural na anomalya kung magkakaroon ng sistemang pederal (federal system) sa ating bansa.

Pero hindi tulad ng isyung MOA na basta na lang nabalita ang nakatakdang pirmahan sa Malaysia at kinailangan ang mabilisang desisyon ng Korte Suprema para pansamantalang itigil ito, matagal nang debate ang pagbabago sa sistema ng pamahalaan. May nagnanais na baguhin ito para magkaroon ng sistemang parlamento sa Pilipinas at may naninindigan naman para sa sistemang pederal.

Sa kabila ng mga pahayag ng mga nagtataguyod ng pagbabago sa sistema ng gobyerno na walang intensiyong palawigin ang termino ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, hindi pa rin maiwasang mag-isip nang ganito ang mga mamamayan. Dahil sa napakaraming isyu ng korupsiyon at iba pang katiwalian laban sa kanya, siguradong hinihintay ng napakaraming grupo ang kanyang pagbaba sa puwesto para sampahan siya ng kaso.

Matatapos ang kanyang termino sa taong 2010 at maraming nagsasabing ginagawa niya ang lahat para palawigin pa ang kanyang termino. Ang pagbibigay ng hiwalay na estado sa Muslim Mindanao ay tinitingnan tuloy bilang isang paraan para isulong ang pagbabago sa Saligang Batas para magkaroon ng isang sistemang pederal. At kung magkakaroon ng pagbabago sa sistema ng gobyerno, malamang na hindi na magkakaroon ng legal na balakid para mapatagal pa sa puwesto hindi lang si Macapagal-Arroyo kundi ang mga tauhan niya.

Kailangang tandaang noong panahon ng Batas Militar, binago rin ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ang sistema ng gobyerno para maging parlamento. Pero nakakatawa ang ibinunga nito dahil ang Pilipinas ay nagkaroon ng Presidente (Marcos) at Punong Ministro (Cesar Virata). May anomalya man sa estruktura noon, nagpatuloy pa rin ang kalakaran dahil ang malinaw na adyenda naman ng administrasyon noon ay bigyan ng legal na batayan ang diktadura.

Sa kasalukuyang panahon, ang mga anomalya sa istruktura ay repleksiyon ng pagsusulong ng pansariling interes ng mga nasa kapangyarihan. Hindi tuloy masisisi ang mga mamamayan kung sa bawat plano ng pamahalaan ay may pagdududa sila.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.