Kadayawan at selebrasyon sa ngalan ng turismo

N.B. – This was published in the August 22-28, 2008 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://www.pinoyweekly.org/cms/2008/08/
kadayawan-selebrasyon-sa-ngalan-ng-turismo
.

Lungsod Davao (Agosto 21) – Isang malaking atraksiyong panturismo ang Kadayawan sa Dabaw Festival 2008. Kahit na ang taunang selebrasyon ay tuwing ikatlong linggo ng Agosto, ang mga aktibidad na may kinalaman sa Kadayawan ay hindi lang sa buong buwan ng Agosto kundi hanggang katapusan ng Setyembre (i.e., ang huling aktibidad ay ang “Hulagway sa Kaliwatan: Kadayawan Photo Exhibit and Competition sa Museo Dabawenyo” mula Setyembre 1 hanggang 31).

Napansin kong ang tinatawag na selebrasyon ng kabutihan (na ibig sabihin ng Dabawenyong salitang “kadayawan”) ay isa nang patalastas na pandaigdigan. Ayon sa brochure ng “WOW Davao” na inihanda ng DOT (Department of Tourism), “As Davao continues to be a prime tourist destination in the Philippines, (tourism) packages are carefully designed to showcase the natural wonders and rarities of Davao. The `island’s best kept secret destination’ is down here. Let us show you the exotic south of the islands of the Philippines.”

Iba man ang katangian ng Boracay sa Aklan at Puerto Princesa sa Palawan, hindi naiiba ang Lungsod Davao sa pagpapalakas ng turismo bilang industriyang nagbibigay at magbibigay pa ng ikabubuhay sa mga residente roon.

Maraming hotel na pagpipilian ang mga bisita, bagama’t fully booked na ang marami sa kanila sa panahong ito. Ayon sa datos ng DOT, mayroong 2,692 kuwartong maaaring gamitin ng mga turista sa Lungsod Davao.

Sa likod ng kasiyahan sa lugar na ito ng Mindanao na hindi apektado ng bagyong Karen kamakailan (at bihirang dumating ang mga bagyo sa lugar na ito), alam nating ang sobrang pagdepende sa kita mula sa turismo ay hindi nakapagbibigay ng stabilidad sa kalagayan ng buong komunidad. May direktang epekto rin ang maling paggamit ng turismo sa komersiyalisasyon ng katutubong kultura.

Iba ang promosyon ng kultura para mapayaman ang kamalayan sa paggamit nito bilang paraan ng pagkakakitaan. Ang esensiya ng mga ritwal ay nawawala sa paulit-ulit na demonstrasyon sa mga turistang ang kadalasang interes lang ay kumuha ng litrato o video at, siyempre pa, bumili ng mga souvenir item.

Posible ring mangyari ang tinatawag na trivialization ng mga dating sagradong paniniwala na kung saan ang historikal na konteksto ng isang selebrasyon ay naglalaho. Isang magandang halimbawa ng trivialization ang pagkamatay ng katutubong kultura sa Hawaii dahil sa sobrang pagdepende sa turismo.

Sa opisyal na promotional materials ng lokal na pamahalaan ng Davao, hindi masyadong malinaw ang pinag-ugatan ng taunang Kadayawan. Pero ang papel nito sa turismo ay halatang halata: “Today, Kadayawan has metamorphosed into a `Festival of Festivals,’ as it honors Davao’s heritage, its past personified by the ancestral ‘lumads’ its people as they celebrate on the streets, and its industry as they parade in full regalla in thanksgiving for the blessings bestowed on the city.”

Sa opisyal na website (http://www.kadayawan.com) lamang makikita ang ilang datos hinggil sa pinanggalingan ng Kadayawan pero hindi ito iniugnay sa pagpapaunlad ng kamalayan sa paglipas ng panahon. Nang inorganisa nga ang presentasyon ng mga ritwal ng mga katutubo sa mga lansangan ng Davao noong dekada 70, sinabi lang sa website, “The performances take the city folks and tourists to the richness and deeply ingrained cultural rituals of the natives.” Wala ring pagkukunwari nang iniulat noong 1996: “The 11th Kadayawan sa Dabaw Festival focused on promoting the city as a tourist destination.”

Walang masama sa taunang selebrasyon ng isang tradisyon pero sana’y hindi makalimutan ng kasalukuyan at susunod na henerasyon ang dahilan ng pag-oorganisa nito. Ang anumang selebrasyon ay komemorasyong dapat magpalalim sa kultural na kaisipan, at hindi dapat isagawa sa ngalan lang ng turismo.

Mula sa awtor: Kailangang malaman ng mambabasa na nasa Lungsod Davao ako mula Agosto 21 hanggang 24 para magbigay ng isang workshop sa online journalism na inorganisa ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) sa pakikipagtulungan ng Department of Tourism (DOT)-Davao.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.