Ano ngayon kung may rollback?

N.B. – This was published in the September 12-18, 2008 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://www.pinoyweekly.org/cms/2008/09/ano-ngayon-kung-may-rollback.

Panahon na ba para magsaya’t kalimutan ang sinasabing pang-aabuso ng mga kompanya ng langis?

Kung noon ay linggo-linggo ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, ngayon naman ay sunud-sunod na ang rollback. Malayo man ang presyo sa nakaraang taon, dapat na raw tayong ngumiti’t huminga nang maluwag dahil tapos na ang ating paghihirap.

Kung pagbabatayan ang pahayag ng OPEC (Organization of Petroleum Exporting Countries), magkakaroon diumano ng pagbabawas sa produksiyon ng krudo para bumaba ang suplay at mapanatili sa $100 bawat bariles ang presyo nito. Ngayong buwan ng Setyembre, bumaba na ang presyo ng krudo sa halos $97 bawat bariles.

Ayon sa DOE (Department of Energy), ang average retail price ng unleaded gasoline at diesel ay umabot sa P60.46 at P60.02 noong Hulyo 30 na pinakamataas na average ngayong 2008. Ngayong Setyembre, mababa na sa P55 ang presyo ng dalawang ito. Ayon sa ilang kompanya ng langis, inaasahan pa ang pagbaba ng mga produktong petrolyo sa mga susunod na araw.

Pero bago tayo sabay-sabay na tumalon sa tuwa, tingnan muna natin ang palitan ng piso sa dolyar. Matatandaang noong Enero, ang palitan ay nasa P40.938 bawat dolyar, ayon sa BSP (Bangko Sentral ng Pilipinas). Noong Hulyo at Agosto, ito ay nasa P44.956 at P44.877 bawat dolyar. Habang isinusulat ito, umabot na ang palitan sa mahigit P47 bawat dolyar.

Ayaw ko mang bigyan ng ideya ang mga kompanya ng langis, malamang na gagamitin nila itong dahilan para sa halaga ng mga rollback na ibibigay nila sa buwang ito. At sa mga susunod na buwan, kung patuloy na humina ang palitan ng piso sa dolyar, baka ito pa ang maging batayan sa muling pagtataas ng presyo ng langis.

Posible bang humina ang palitan ng piso sa dolyar? Tulad ng iba pang produkto, ang halaga ng dolyar ay depende rin sa law of supply and demand. Mas maraming dolyar, mas matutugunan ang demand para dito (na kadalasang galing sa mga Pilipinong eksporter at iba pang nakikipagtransaksiyong gamit ang dolyar).

Sa teorya, ang pagkakaroon ng mataas na suplay ng dolyar ay magpapababa sa demand para dito, na mangangahulugan naman ng mas ”mababang presyo” nito – sa konteksto ng halaga ng piso, nangangahulugan ito ng paglakas ng piso kumpara sa dolyar. Sa madaling salita, posibleng bumaba sa kasalukuyang P47 bawat dolyar ang palitan sa mga susunod na buwan kung darami ang suplay ng dolyar sa Pilipinas.

Ano ba ang maaasahan natin sa malapit na hinaharap? Bukod sa kita mula sa eksport, pangunahing pinagkukunan ng dolyar ng Pilipinas ang pinapadala ng mga OFW (overseas Filipino worker). Dahil malapit na ang Pasko, makakaasa tayo ng pagdami ng padalang pera mula sa ating mga mahal sa buhay na nasa ibang bansa.

Ganito ang nangyari sa pagtatapos ng 2007, nang ang palitan noong Oktubre ay nasa P44.380 bawat dolyar, at bumaba sa P43.218 at P41.743 bawat dolyar noong Nobyembre at Disyembre.

Sa ating pagbabalik-aral sa mga teorya at pagsusuri sa mga estadistika, maaalala natin ang nakaraan at, sa unang tingin, mukhang may maganda nang hinaharap ang sitwasyon ng downstream oil industry, kahit man lang sa susunod na tatlong buwan. Bumababa na ang presyo ng krudo sa pandaigdigang pamilihan. Inaasahan din ang patuloy na paglakas ng piso sa dolyar, at ang projection ng ilang analysts ay aabot ito sa P45 bawat dolyar sa pagtatapos ng 2008.

Pero dapat nating tandaang nangyayari ang pagtaas at pagbaba ng presyo ng mga produktong petrolyo hindi lang dahil sa sitwasyon ng pandaigdigang pamilihan kundi sa patakarang deregulasyon.

Bakit tayo patuloy na maghihintay sa desisyon ng mga kompanya ng langis kung kailan sila magtataas o magbababa ng presyo? May dahilan ba para maniwala sa mga pahayag ng mga opisyal ng pamahalaan at ng mga kompanya ng langis hinggil sa presyo ng mga produktong petrolyo? Basta na lang ba natin tatanggapin ang mga pahayag nila, lalo na sa mga pagkakataong gumagamit sila ng mga teknikal na terminong hindi basta-basta naiintindihan ng nakararami?

Sa likod ng retorika ng mga nasa kapangyarihan, kailangan nating tandaang nananatiling may malinaw na programa para isabansa ang downstream oil industry, lalo na ang pagkokontrol sa presyo ng mga produktong petrolyo.

Ang sitwasyon ng pagiging direktang apektado ng mga nangyayari sa pandaigdigang pamilihan, bukod pa sa spekulasyon sa magiging palitan ng piso sa dolyar, ay lalo pang nagpapakita ng kahinaan ng deregulasyon.

Hindi pa panahon para magsaya sa sitwasyon ng rollback, dahil hindi pa naibabasura ang deregulasyon.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

One thought on “Ano ngayon kung may rollback?”

  1. Bumaba nga po ang presyo ng mga langis pero yung itinaas ng pamasahe ay hindi na mababawi ng mga mananakay.

    Matutuwa ang may sasakyan pero hindi nakakatuwa para sa isang ordinaryong tao na araw-araw sumasakay.

    Sagot: Tama ka, dahil ang mga walang sariling sasakyan ay hindi hamak na mas marami kaysa mga mayroon. At kahit may sasakyan ka na, minsa’y mas naeengganyo kang magtraysikel, magdyip o mag-LRT dahil hindi hamak na mas mura ito’t baka mas mabilis pa. Ang problema lang sa panawagang ibaba ang pamasahe, kawawa ang mga drayber na hindi pa rin nababawi ang pagkalugi dahil sa walang habas na pagtaas ng langis nitong mga nakaraang buwan.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.