Sa harap ng manibela

N.B. – This was published in the October 10-16, 2008 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://www.pinoyweekly.org/cms/2008/10/sa-harap-ng-manibela.

Sa limitado kong karanasan sa pagmamaneho sa Metro Manila, may isang bagay akong natutuhan: Parating maging mapagmatyag sa mga lugar na unang pagkakataon mo pa lang pupuntahan.

Hindi lang ito patungkol sa mga magnanakaw ng side mirror, hub caps at iba pang puwedeng makuha sa isang sasakyang nakaparada sa madilim at hindi mataong lugar. Mas gusto kong pagtuunan ng pansin ang ilang pulis-trapikong handang magsamantala sa mga motoristang hindi pamilyar sa kalyeng dinaraanan nila.

Sa bahaging ito kasi ng mundo, tila iba ang nakasulat sa batas sa implementasyon nito. Ang biro nga ng isang kakilala kong matagal nang nagmamaneho, wala raw batas sa mga kalye, kundi mga suhestiyon lang. At ang mga suhestiyon ay depende sa pananaw ng mga nasa kapangyarihan sa lansangan – ang mga nakaunipormeng enforcer.

Kung matagal ka na sa Metro Manila, alam mong may mga lugar na hindi gumagana ang ilaw-trapiko. O kung gumagana man ito, may mga pagkakataong iba ang sinesenyas ng pulis-trapikong naroon. Sa isang kalyeng madalas kong daanan, alam kong ang hindi-nakasulat na alituntunin (unwritten rule) ay deretso lang ang arangkada kahit na pula ang ilaw.

Huwag na nating pag-usapan pa nang mahaba ang ilang paradahan. Alam mo na sigurong kahit ang ilang lugar na may mga nakalagay na ”No Parking” ay puwede pa ring gamitin basta’t may pambayad ka sa kung sinumang ”magbabantay” ng sasakyan mo. Aba, kahit ang ilang pangunahing lansanga’y nagiging paradahan o kahit terminal ng mga pampublikong sasakyan na nagiging dahilan ng matinding trapiko.

Kung bago ka sa isang lugar, mas mainam na maging mabagal sa pagpapatakbo ng sasakyan at huwag na lang pansinin ang mga pasaring (minsan pa nga’y pagmumura) ng ilang motoristang tila nagmamadali sa kanilang pupuntahan. Dahil kailangang iwasan ang mga concrete barrier sa dulong kaliwang lane at ang anumang nakaparada’t nakabalandra sa dulong kanan, ginagawa ko nang estilo ang pananatili sa mga gitnang lane.

Mainam itong gawin ng mga motorista sa mga kalyeng maraming interseksiyon, dahil may nadiskubre akong mga lugar na hinuhuli ang motoristang nananatili sa mga dulong bahagi ng kalye (kaliwa man o kanan) pero ang direksiyon nila ay deretso.

Pero ang pananatili sa gitnang lane ay nangangahulugan ng mas ibayong pag-iingat dahil may mga motoristang bigla na lang mag-swerve at hindi gumagamit ng signal light bilang babala sa pagpunta sa kaliwa o kanan. Mas lalong nakakairita kung sobrang bilis ang kanilang pagpapatakbo at nagiging limitado ang iyong mga opsiyon (i.e., hihinto ka ba o magmamaniobra paiwas?).

Tungkol naman sa mga lansangang one-way, minsa’y hindi nakakatulong ang mga babala dahil hindi madaling makita ang mga ito. Kung minsan pa nga, wala talaga! Batay sa aking karanasan (at ilang beses na akong muntik na magkamali sa pag-counter flow), dalawang bagay ang dapat na itanong sa sarili. Una, sobrang kipot ba ng lansangan para sa trapikong two-way? Ikalawa, lahat ba ng mga sasakyan sa loob ng kalyeng gustong puntahan ay iisang direksiyon lang ang tinatahak? Kung oo ang sagot sa dalawang ito, huwag mo nang salubungin ang mga sasakyang tinatahak ang kalyeng iyon. Baka may nag-aabang na pulis-trapikong handang hulihin ka.

Kung pula o isa hanggang dalawang numero ang plaka mo (lalo na ang numero otso!), hindi mo problema ang lahat ng mga binanggit ko: Mas mataas pa sa diyos ang turing sa iyo ng mga pulis-trapiko. Kahit na labagin mo ang lahat ng mga batas-trapiko, hahayaan ka lang dahil alam ng mga pulis-trapiko na napakahalaga ng oras mo kumpara sa nakararaming sumasakay sa pampublikong transportasyon.

Siguro’y kailangan kong kunin ang pagkakataong ito para humingi ng paumanhin sa sinumang kongresistang nakasakay (kung mayroon man!) sa isang malaking SUV na may plakang otso. Nang mag-counter flow kasi ito papunta sa aking lane, binusinahan ko ito’t inilawan. Pero napilitan din akong huminto dahil ayaw nitong bumalik sa tamang lane. Sa katunayan, gumanti pa ang drayber ng malaking SUV ng mas mahabang busina’t paulit-ulit na pag-ilaw ng headlights. Gaya ng nabanggit kanina, mas mahalaga ang oras ng mambabatas na ito kumpara sa akin.

Baguhan man ako sa pagmamaneho, minsa’y para na akong beterano sa pagmamaniobra para makuha ang pinakamagandang puwesto sa gitna ng matinding trapiko, lalo na sa mga lugar na pamilyar ako. Natuto na akong maging listo sa mga motoristang ang konsepto ng pagmamaneho ay wala silang kamatayan at ang lahat ay dapat na umayon sa kanilang kagustuhan. Pero mas maingat ako sa ilang pulis-trapikong naghihintay lang ng iyong pagkakamali, kahit na ito ay hindi dahil sa iyong kakulangan kundi sa sinadyang kaguluhan sa lansangan.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

One thought on “Sa harap ng manibela”

  1. Iyan ang isang nakaka-stress talaga sa Maynila ang magmaneho. Parang parte na ng ‘industriya’ ang pagkuha ng ‘multa’ at pagkakaroon ng kita sa mga lugar gaya ng ‘no parking zones’ atbp. tapos magtataka pa ang karamihan, bakit trapik sa maynila? nakakalungkot pero gusto mo sana na maalis ito pero sa dami pa kasi ng dapat tutukan sa bansa gaya ng kahirapan, ekonomiya atbp. may maliliit na bagay (na maaring magkaroon ng malaking pagbabago sa bansa), gaya ng batas trapiko at pagpapatupad nito, ang ‘di napapagtuunan ng pansin. :(

    Sagot: Tama ka tungkol sa malaking sakit ng ulo sa pagmamaneho sa Maynila. Kaya nga ang estilo ko, inaalam ko muna ang lugar na pupuntahan ko. Buti na lang at may Google Earth na puwedeng gamitin! Sa tingin ko, kailangang maging prayoridad pa rin ang pagpapatupad ng mga batas-trapiko dahil mahalagang bahagi ang transportasyon sa pag-unlad ng bansa. Salamat sa makabuluhang komento!

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.