Usapang lalaki (2)

N.B. – This was published in the May 8-14, 2009 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://pinoyweekly.org/new/usapang-lalaki-2-huli-sa-dalawang-bahagi/.

Malas kung babae, masuwerte kung lalaki.

Sinusukat ang kahusayan ng babae batay sa pamantayan ng pagiging lalaki. Ang kahinaan naman ng lalaki ay hinuhusgahan batay sa diumanong katangian ng babae.

Para sa isang babaeng kasing-tapang ng lalaki, binabansagan siya sa wikang Ingles na “woman with balls.” Ang isang lalaking mahina ang loob o iyakin ay tinatawag namang “sissy” (na pinaikling sisterly).

Hindi nahuhuli ang wikang Filipino sa mga terminong nagpapakita ng dominasyon ng lalaki (bagama’t maraming nagsasabing mas nyutral sa kasarian (gender-neutral) ito kumpara sa wikang Ingles). Kahit sa panahong wala nang hari’t reyna sa bansa, ginagamit pa rin ang mga terminong ang salitang-ugat ay “hari” (e.g., kaharian, naghaharing-uri, naghahari-harian) para ipakita ang pangingibabaw ng oligarkiya (na alam nating binubuo ng kalalakiha’t kababaihan). Kung ang isang lalaki naman ay nakaloko o nakaisa sa isang kapwa lalaki, sinasabing siya ay “nakalalaki.” Ang patuloy na paggamit ng mga salitang ito’y lalong nagpapalakas sa kasalukuyang patriyarkal na kaayusan.

Mainam na suriin ang mga salitang ginagamit natin sa komunikasyon sapagkat sinasalamin ng mga ito ang klase ng lipunang mayroon tayo. Sa personal na antas, ang klase ng wikang ginagamit natin ay nagpapakita rin ng ating pagkatao. Kung pormal ang diskurso (tulad ng sanaysay na ito), maaasahan ang seryosong atensiyon ng sinumang interesadong makibahagi.

Pero paano kung hindi pormal ang paraan ng komunikasyon? Ang pabiro bang paliwanag sa isang seryosong bagay ay dapat ipagwalang-bahala na lang?

Marahil ay itinatanong mo ito sa iyong sarili sa pagbasa mo ng sikat na blog na Hay! Men! Ang Blog ng mga Tunay na Lalake (http://tunaynalalake.blogspot.com).

Mula nang magsimula ito noong Abril 22, puro katatawanan (madalas pa nga’y kabastusan) ang ipinakita sa paghusga nito kung sino nga ba ang tunay na lalaki. Ang mga tao sa likod ng blog na ito ay gumawa ng isang manipesto na nagsisilbing pamantayan ng kanilang pagsusuri kung ang napiling lalaki, babae, organisasyon o gawain ay tunay na lalaki.

Sa manipesto pa lang na inihanda ay talagang matatawa ka na:

  1. Ang tunay na lalaki ay hindi natutulog.
  2. Ang tunay na lalaki ay hindi nagte-textback, maliban na lang kung papasahan ng load. Gayunpaman, laging malabo ang kanyang mga sagot.
  3. Ang tunay na lalaki ay laging may extra rice.
  4. Ang tunay na lalaki ay hindi vegetarian.
  5. Ang tunay na lalaki ay walang abs.
  6. Ang tunay na lalaki ay hindi sumasayaw.
  7. Ang tunay na lalaki ay umaamin ng pagkakamali sa kapwa tunay na lalake.
  8. Ang tunay na lalaki ay laging may t__ sa brief. (Nagdesisyon akong hindi ilagay ang isang salitang baka makaapekto sa sensibilidad ng mambabasa, bagama’t alam kong may ideya ka kung anong salita ito.)
  9. Ang tunay na lalaki ay hindi naghuhugas ng pinagkainan o nagliligpit ng kanyang mga gamit dahil may babaeng gagawa noon para sa kanya. Mas lalong nagiging tunay ang pagkalalaki kung hindi niya kilala o hindi niya maalala ang pangalan ng babae.
  10. Ang tunay na lalaki ay hindi nagsisimba.

Ipinapakita ng 10 pamantayang ito ang batayang katangian ng isang nag-aastang macho sa kasalukuyang lipunan – malakas kumain (kaya may extra rice), madalas sa umpukan (kaya hindi natutulog), malakas sa inuman (kaya walang abs), at, higit sa lahat, pinagsisilbihan ng kababaihan (kaya hindi naghuhugas o nagliligpit).

Dahil puro katatawanan ang blog na ito, ang mensaheng nais ipahatid ay ang eksaktong kabaligtaran ng biro. Hindi ba’t ito ang ibig sabihin ng political satire at sardonic humor? Halimbawa, kung nakasulat sa manipesto na ang lalaki ay ”hindi nagsisimba,” sa aktuwal ay dapat na ginagawa niya ito para maging tunay na lalaki.

Epektibo ang kanilang pagpapatawa kung susuriin ang mga post tungkol sa pagkalalaki ng ilang kilalang personalidad sa literatura, musika, pelikula, pulitika at iba pang larangan. Sa sobrang babaw ng pamantayan, hindi mo talaga seseryosohin ang kanilang pagsusuri kung tunay nga bang lalaki ang pinapaksa nila o hindi.

May post itong nakasaad na ang isang tunay na lalaki ay “nasasagasaan ng tren sa sobrang kalasingan.” Malinaw na malinaw na ang mensaheng nais ipahatid ay ang kabaligtaran: (1) huwag magpasagasa sa tren; at (2) huwag uminom nang sobra, lalo na’t malayo ang uuwian.

Pero kapansin-pansin ang problemang lumalabas kung binibigyan ng pulitikal na dimensyon ang kababawan ng sukatan sa pagkalalaki.

Ang awtor ng isa sa pinakabagong post tungkol kay Lenin (1870-1924) ay humusga sa kanya bilang tunay na lalaki sa sumusunod na dahilan: (1) hindi niya ikinahihiya ang pagiging panot; (2) makapal ang bigote’t balbas; (3) wala siyang abs; (4) pinangunahan niya ang “maaksiyong bakbakan” laban sa (hindi tunay na lalaking) sistema; at (5) hindi siya “mas pilosopo sa mga pilosopo,” na isang patungkol sa ideolohikal na debate niya kay Trotsky.

Kung kabaligtaran ang aktuwal na mensahe, ibig sabihin nito’y si Lenin, sa opinyon ng awtor, ay HINDI dapat na pinangunahan ang rebolusyon sa Rusya para matawag na tunay na lalaki.

Kakaiba naman ang katangian ng isa pang post tungkol kay Eman Lacaba (1948-1976), isang Pilipinong rebolusyonaryo’t manunulat. Siya raw ay tunay na lalaki (“+10” pa nga) dahil sa sumusunod:

  1. Hindi natutulog sa pakikibaka. May anemia na nga, eh. See Open Letter to Filipino Artists.
  2. Hindi nagte-textback dahil walang cellphone noon.
  3. Palaging may extra rice mula sa masa ang mga kasama.
  4. Walang kimi sa pagkain, mas lalo nang hindi vegetarian ang mga kasama.
  5. Walang abs for sure.
  6. Hindi sumasayaw kahit sa bala. Kaya nga napatay, eh.
  7. Umaamin ng pagkakamali sa lahat – TnL (tunay na lalaki) man o hindi sa tradisyon ng criticism at self-criticism ng kilusan.
  8. Ewan ko lang kung may t__ siya sa brip.
  9. Hindi naghuhugas ng pinagkainan ang mga kasama dahil dahon ng saging lamang ang gamit nila.
  10. Walang duda na hindi nagsisimba ang mga kadre ng partido.

Sa aking opinyon, ito na ang pinakamatinong post sa blog (kahit na hindi ako natatawa o natutuwa sa ika-anim na punto). Pero hindi ito umaayon sa pangkabuuang layunin ng blog na magbigay ng isang satirikong diskurso sa pagkalalaki. Isa kasi itong direktang pagbibigay ng mga katangian, sa nakakatawa pa ring paraan, ng isang tunay na lalaki.

Hindi ko intensiyong magbigay ng suhestiyon na gawin itong modelo para sa mga susunod na post para maging makabuluhan ang Hay! Men!

Pundamental kasi, para sa akin, ang problema ng blog na ito. Sa titulo pa lang, kitang-kita na ang kapilyuhan dahil sa malinaw na patungkol sa pagkabirhen ng babae (hymen). Maaari ding patutsada ito sa mga bakla dahil sa salitang “Hay!”

Sa layunin nitong pag-ibahin ang katangian ng babae’t lalaki, yumakap (intensiyonal man o hindi) ang mga awtor ng blog sa patriyarkal na pananaw. Mapapansin ito sa kabastusang hatid ng mga katagang “espesyal na relasyon sa mikropono” ng mga hindi tunay na lalaki at pagkakaroon ng sandatang maaaring “itutok” sa isang babae para naman sa mga tunay na lalaki. Sa kaso ng post na nagsasabing ang trabaho ng tunay na lalaki ay isang panadero, halatang halata ang seksismo sa argumento: “Dahil ang Tunay na Lalake, laging nagmamasa para laging may kakainin na monay ang mga kapwa Tunay na Lalake.”

Oo nga’t malaki ang naitutulong ng blog na ipakilala sa mas malawak na mambabasa ang ilang importanteng tao sa iba’t ibang larangan. Pero kailangang tandaang iba ang pagpapakilala (introduction) sa pagkilala (appreciation). Ano’ng saysay ng pagpapakilala, halimbawa, kay Dr. Bienvenido Lumbera kung ang tanging natatandaan lang sa kanya ay kamukha niya ang aktor na si Bruce Willis? Hindi naman makakasagabal sa pagbibigay ng punchline ang paliwanag kung sino si Lumbera dahil makakaya naman itong gampanan ng hyperlink sa pangalan niya.

Dahil sa estilo ng pagsusulat ng maraming post na may kahalong mura, hindi tuloy masisisi ang maraming nagkokomento sa blog na nagmumurahan sa isa’t isa na siyang pinagsisimulan ng maraming flame war. At sa halip na sagutin ng mga awtor ng blog ang ilang iresponsableng komento para hindi maligaw sa diskusyon, hinahayaan lang silang mag-away-away. Kung sabagay, ang kantidad ng komento ay sinasabing tatak ng kasikatan ng isang blog.

At hindi natin matatawaran ang kasikatan ng Hay! Men! sa kasalukuyan. Ayon mismo sa blog, ito ay nangunguna sa kategoryang Humor ng Top Blogs Philippines. Sa loob ng napakaikling panahon, ang global rank nito sa Alexa ay umabot na sa 339,369. Ang page views naman nito, ayon sa Sitemeter, ay 20,467 bawat araw. Ang pahina naman nito sa Facebook ay may 1,409 na tagahanga habang sinusulat ito.

Talaga namang madadala ka sa pamilyaridad ng mga awtor sa popular na kultura at klasikal na literatura. Matatalino sila’t mahuhusay magsulat, bagama’t hindi gaanong mapanlikha ang ilan sa kanila sa pagpapatawa dahil kailangan pang gumamit ng mura para idiin ang mga punto nila.

Pero hindi ko masasabi kung malalim ang kanilang kaalaman sa pemenismo o kung nasa perspektiba nila ang pagkakapantay-pantay ng kasarian. Sapagkat kung alam nila ang konteksto ng pakikibaka ng kababaihan, hindi nila maiisip na gumawa ng isang blog tungkol sa mga “tunay na lalaki” ng lipunan, kahit na pabiro lang ito. Malalaman kasi nila nang maaga pa ang delikadong sitwasyon na bigyan ng ibang interpretasyon ang mensahe nila.

Ang pagpapatawa ay seryosong gawain. Sa larangan nga ng panulat, mas mahirap gumawa ng akdang nakakatawa kumpara sa seryoso. Mas malaking hamon ang kinakaharap ng mga taong nagnanais na gampanan ang pagmumulat sa nakararaming mamamayan sa pamamagitan ng political satire.

Kailangan nang magkaroon ng wakas ang “wasak.”

Dahil malinaw na hindi kayang magampanan ng mga tao sa likod ng Hay! Men! ang kinakailangan para maging epektibo sa pagmumulat, mainam na gumawa na lang sila ng bagong blog na ang tatalakayin ay hindi pagsusuri ng pagkalalaki kundi diskurso sa pagkatao. Hindi ba’t ito ang mas mahalagang pagtuunan ng ating pagtawa’t pag-unawa?

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

11 thoughts on “Usapang lalaki (2)”

  1. pakyu!

    Sagot: Baka puwede mong ipaliwanag ang konteksto ng iyong pagmumura. Makakaasa ka ng obhetibong pagsagot mula sa akin, sa kabila ng iyong pambabastos. Salamat.

  2. Sumasang-ayon ako sa artikulo na ito Ser. Sa isang banda, lumilihis ang mga tao sa likod ng TNL blog sa orihinal nitong obhetibo na magmulat, magre-assess o magre-evaluate ang kalalakihan sa pagiging lalaki nila. Bilang isang babae, mulat at kritikal sa lipunang ginagalawan, hindi ito nagiging epektibong paraan upang manhamig ng mga tao upang magdiskusyon at magtanong kung papaano ba sila bilang mga lalaki sa panahon ngayon, bagkus ay kabaligtaran ang nangyayari. Dahil mas binibigyan pa nito ng excuse ang kalalakihan upang hindi gumalaw at panindigan ang sitwasyong kinapapalooban nila sa isang bulok na sistema dahil lumalabas ito na mas ASTIG at COOL.

    Sa isang banda, tiningnan ko ang blog na ito bilang isang defense mechanism ng kalalakihan upang paangatin o bigyan ng pakonswelo ang mga ego lalo pa’t kung sumasayad sa lupa ang mga kumpyansa sa sarili. Subalit gaya ng tanong ko sa blog ko ukol dito, Hanggang saan ba dapat nakikita ang pagiging tunay na lalake ayon sa ibinibigay na limitasyon ng lipunan? Bakit kailangang ipagpunyagi ang pangit na katotohanan ng kultura ng machismo at patriyarkal na lipunan at gawin itong katatawanan?

    Salamat sa artikulo sir Danny.

    Sagot: Salamat din sa makabuluhang komento. Mahirap talagang tanggapin ang palusot na simpleng “laugh trip” lang naman ang ginagawa nila kaya hayaan na lang. Tama ka. Pinapalakas ng nasabing blog ang patriyarkal na pananaw. Kailangang seryosohin ang kanilang diskurso kahit sinasabi nilang “trip-trip” lang ito dahil ang tinatawag nilang “trip” ay nagreresulta sa patuloy na pang-aapi sa kababaihan.

  3. Yung pagkakaroon nila umano ng satirical purpose ay hindi naiintindihan ng mga mambabasa. Malinaw na nawala na sa landas yung blog. Kung totoong may purpose ang blog na ito as a protest venue, mukhang hindi yun ang nakamit nila. Kasi nagiging pamantayan na sa bawat kanto ang manifesto nila. (At makakasama yun sa bansa natin)

    At sir, mukhang kailangang ipaliwanag na din ang larawan ng bata sa Pinoy Weekly. Para sa mga hindi nakakaintindi at tinawag na tagatinda ito ng dyaryo.

    Sagot: Salamat sa makabuluhang komento. Aaminin kong ginagamit ko ang lumang logo ng Pinoy Weekly Online at sa pagkakaalam ko, ang larawan ng batang nagtitinda ng diyaryo ay hindi nangangahulugang sinusuportahan ng PW ang child labor. Sa katunayan, ipinapakita ng larawan na ang isang batang manggagawang mulat ay tumutulong na maipalaganap ang PW (na noon ay may edisyong print pa) sa paraang alam niya. Layunin din kasi ng PW na makatulong sa pagmumulat hindi lang ng mga nagbebenta ng diyaryo kundi ng ilang makabayang distributor ng mga diyaryo’t magasin. Pero siyempre, hindi ito pinag-aralang mabuti ng kung sinumang gumawa ng nagkukunwaring satirikong post na ang PW Online ay “tunay na lalaki.”

  4. I think you are over-reacting regarding this matter.

    Reply: Thank you for your comment. But could you please explain WHY you think I’m overreacting so that I could give you a detailed reply? As far as I’m concerned, sexist jokes being done “in the spirit of fun” are harmful in the long run.

  5. Napa-convenient ng paggamit nila ng ‘satire’ para i-expose ang hipokrasi ng maskulinidad at/ng lipunan. tingin ko walang duda sa motibasyon ng ilan sa kanila. nga lang, sablay ang dating sa mambabasa. merong hindi pa talaga gagap kung anu ang pinagtatawanan, di ba? kita naman to sa mga karamihan sa komentador nila. mas pop, di pa talaga critical culture ang bagsak. (pop sa depinisyong sumasailalim pa rin sa dominanteng moda ng dominanteng kapangyarihan) sa puntong ito, sinu ang may pananagutan? ang mambabasang di pa handa? ang nagsulat na sablay? tingin nyo, mr a?

    Sagot: Sa opinyon ko, may mas malaking pananagutan ang mga nasa likod ng blog. Tungkulin kasi ng responsableng blogger na makapagmulat ng mambabasa sa pamamagitan ng pagbibigay ng makabuluhang blog entries at pagkakaroon ng malaya’t intelihenteng talakayan sa comments field, tagboard at iba pang mekanismo. Kapag sinabi nating hindi pa handa ang mambabasa, ano ba ang batayan ng ganitong argumento? Hindi ba’t parang mababa ang ating tingin sa mga mambabasa? Ang pagmumulat ay hindi naman nangangahulugan ng pag-aangat sa tao mula sa kanyang “mababang” estado kundi ng pagbibigay ng alternatibo’t mas malaliim na pananaw sa mga nangyayari sa kasalukuyan. Kaya hindi ito usapin ng kawalan ng kahandaan ng masa, kundi ng kahusayahan sa paglalahad ng mensahe. Salamat sa komento mo!

  6. Yung punto ko patungkol sa di pa handa ang mambabasa ay ang pagkahumaling pa rin nga nito sa popular ng porma ng komedya. Aminin nating mas mataas na lebel ng pagsusuri ang kelangan para sa satire. Sa mga walang background patungkol dito, ang nakukuha lang ay ang pagpapatawa, di pa talaga ang banat at totoong pinagtatawanan.

    Sang-ayon akong nasa manunulat nga ang responsibilidad. Tingin ko may mga kasapi ang TNL na matino at alam ang ginagawa nila. Nga lang, nabuksan na rin kasi sa iba ang pagpopost. Yung iba wala halos, kundi ma’y sablay ang pulitikang hinahain.

    Sagot: Salamat sa klaripikasyon. Puwede ngang tingnang mataas na antas ng pagsusuri ang kinakailangan sa ilang genre ng literature, o kahit pag-intindi sa mensahe ng partikular na awtor. Pero sa usapin ng political satire, ang hamon sa manunulat o auteur ay ipakita ang realidad sa paraang nakakatawa. Kayang kaya, halimbawa, ni Manuel Conde noon na ipakita ang sakit ng lipunan sa pamamagitan ng karakter na Juan Tamad at naintindihan ito ng publiko. Kaya puwedeng maging direkta ang mensahe sa satirikong diskurso.

  7. ang dami kong natutunan sa blog mo..mahusay ang pag-aanalisa ng mga bagay bagay. Nakita ko na rin at nabasa ang kanilang blog..kahit na sabihin nating kabaligtaran ang kanilang nais iparating..hindi naman lahat ng tao ay nakukuha ito o nagets kung baga.. hindi lahat ng makakabasa ay iisipin na iba ang nais iparating ng mga nakasulat sa blog bagkus ay maaaring maging daan ito ng paglikha ng mga bagong sexist sa ating lipunan. Lalo na sa ating bansa na ang sukatan ng pagiging isang tunay na lalaki ay ang pagiging macho nila (machosh*t ang tawag namin sa kanila. :))

    Sagot: Maraming salamat sa komento mo. Mabuhay ka!

  8. Spot on, with what you have said.

    There are, however, a few things that you’d need to consider.

    I’ve read the blog, and I must admit, that it made me laugh as hell. The entries are funny, it strikes through the bones. It is, after all, a satire.

    But then again, how many people can understand what a “satire” means?

    I am not belittling fellow Filipinos, but we have to admit that these things are the ones that sell. Shallow, direct-to-the-point-masa-levelling humor. It is an accepted fact (just look at all our comedy films, and you’ll know – there’s nothing smart about it).

    While some people can see the humor in the blog (I’ve read the comments, and most of them make sense), and it cannot be denied at the same time that others will see it as an epitome of patriarchal s**t as you say, all I can say about it is this: That’s the price you pay for freedom. No more, no less. You wanted equality, you got it.

    You can say all you want, and I know you’re entitled to it, and that guy in that blog can say all he wants, and I know he’s entitled to it, and it makes the world fair. That’s democracy for you: take it or leave it.

    I am not condoning your post, nor theirs, and at the same time not praising theirs, or yours. I have an opinion, and I’d rather keep it to myself.

    The sad thing I want to point out is the comments I’ve seen. A lot, and I mean a lot, of people criticize and antagonize the “lalaki” site, yet never giving anything constructive as to how to improve things. If you people want to point out something, we’d appreciate it more if you give a suggestion on a solution. The world has too many problems, much more the individuals running things. Otherwise, if you don’t have anything good to say, keep your mouths shut (and I’m not talking about you, writer – you already voiced it out anyway, and that makes you a “tunay na lalaki” in my own world).

    Cheers.

    Reply: Thank you for your intelligent comment. I agree that toilet humor is the one that sells right now on television, in movies and, yes, even in the blogosphere. Media owners claim that they are just giving media audiences what they want. This is an outdated and baseless argument because, analyzed in a different light, media should be giving audiences what they need.

    Right now, media audiences are left with very limited choices. They may have the freedom to choose which TV channel or movie to watch but there’s not much difference in the form and substance of comedies or dramas they are exposed to. All of us see the same formulaic and escapist genre.

    As a teacher and journalist, I have argued time and again that media owners as gatekeepers are the ones who dictate media contents, and that the latter are mainly based on profit-oriented preferences of them and the advertisers. Yes, they do listen to feedback from time to time, but anything that would sacrifice their profitability would probably not see the light of day in production.

    You’re right not to belittle the media audiences, especially the masa, because they cannot be faulted for the kind of media we have.

    I agree that in a democracy, we are all entitled to an opinion. But in the field of journalism (or even in the public domain like the blogosphere), there are opinions that weigh more than others. The strength of one’s arguments is measured not just by the manner in which they are articulated but also by the facts that are presented. While you’re free to keep your opinion to yourself, don’t you think it’s a disservice to media audiences not to know whatever sensible insight you can share? Once you become part of the public domain (as a blogger, for example), you should feel duty-bound to help raise the awareness of your audiences through intelligent discourse.

    The blog in question (Hay! Men!) tries to provide intelligent discourse but falls short of deconstructing patriarchal view of masculinity in a funny (read: satirical) way because its raison d’etre is inherently flawed. Defining manhood along the lines of patriarchy will always be done at the expense of women, and even the LGBT community. Making it funny therefore results in the further marginalization of the latter groups.

    Towards the end of my two-part article, I made it clear that the blog should be shut down for the disservice not only to political satire but also, more importantly, to the struggle for gender equality and sensitivity. That is, to my mind, the most “constructive” comment I can give.

    Again, thank you for your comment and I wish you all the best.

  9. Sir danny

    Natutuwa po ako sa inyong mga intelihenteng comento sa mga bagay na ito. Nakatulong ito sa pag-intindi ko sa kung paano ang tunay na “paradigm” ng Tunay Na Lalake Blog.

    Tanong ko lang po, may nakita po akong ganitong blog: tunaynaveyklas [dot] blogspot [dot] com

    Tingin ninyo po ba reaksyon lang ito sa blog ng tunay na lalake o reverse discrimination lang po ito? May ilang laman po ito na para sa akin ay objectionable.

    Maraming salamat. More power po.

    Sagot: Salamat sa mensahe. Sa pagbabasa ko ng ilang post ng blog na tinukoy mo, parang wala itong pagkakaiba sa Hay! Men! Hindi rin satiriko ang pagpapatawa at puro kababawan lang. Delikado rin ang itinataguyod nitong diskurso (intensiyonal man o hindi) dahil pumapabor ito sa pyudalismo, partikular sa seksismo.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.