Bakit mahirap nang paniwalaan si PGMA?

N.B. – This was published in the July 3-9, 2009 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://pinoyweekly.org/new/bakit-mahirap-nang-paniwalaan-si-pgma/.

Lahat na lang, pinagdududahan. Bawat kilos, sinusubaybayan.

Mahirap talagang maging Gloria Macapagal-Arroyo. Kahit na siya ang Pangulo, alam niyang marami nang hindi naniniwala sa kanya. Sa isang survey ng Social Weather Stations para sa unang tatlong buwan ng 2009, 43 porsiyento ng mga tinanong ay nagsabing hindi sila naniniwalang tapat si Arroyo “sa kanyang balak na pagbaba sa puwesto sa 2010.”

Hindi mo rin masisisi ang maraming mamamayan tuwing sinasabi nilang walang isang salita si Arroyo. Tandang-tanda pa nila ang pagbawi niya sa pangakong hindi na tatakbo bilang Pangulo noong 2004. At dahil sa malawakang dayaan sa nasabing eleksyon, maraming mamamayang ayaw kilalanin si Arroyo bilang Pangulo ng bansa.

Kahit ang kanyang mga state of the nation address (SONA) na ginagawa niya tuwing Hulyo sa pagbubukas ng kongreso ay pinagdududahan na. Ayon sa Ulat ng Bayan survey (Hulyo 1-14, 2008) ng Pulse Asia, kritikal ang pagtingin ng maraming Pilipino sa nilalaman ng mga nagdaang SONA. Para daw sa mga respondent na alam ang mga SONA, 46 porsiyento ay naniniwalang hindi totoo ang nilalaman ng mga SONA samantalang 41 porsiyento ay hindi sigurado. Lumalabas na 13 porsiyento lang ang naniniwalang totoo ang mga sinabi niya sa mga nagdaang SONA.

Ang kolektibong pagdududa ay maiuugat sa mahabang listahan ng anomalyang kinasangkutan ng administrasyong Arroyo, na siya ring pangunahing dahilan sa taunang pagtatangka ng oposisyon para maghain ng impeachment laban sa kanya.

Ayon nga sa isang pag-aaral ng IBON Foundation, anim lang sa mga anomalya (fertilizer fund scam; bank account ng isang nagngangalang Jose Pidal na pinaniniwalaang si First Gentleman Mike Arroyo; at mga proyektong Northrail, IMPSA power plant, poll automation at Macapagal Boulevard) ay nagkakahalaga na ng P7.3 bilyon. Alam mo ring ang kontrata sa kontrobersiyal na proyektong National Broadband Network (NBN) ay nagkakahalaga ng $329 milyon, at ang testimoniya ng ilang tao tungkol sa malalaking kickback ay nagtulak sa pamahalaan para kanselahin ang proyekto noong 2007.

Ah, sadyang mahirap mamuno ng isang bansa, lalo na’t alam mong wala ka nang suporta ng maraming mamamayan. Ang tanging konsolasyon mo na lang kung ikaw si Arroyo ay ang pagpapayaman mo sa puwesto.

Malinaw na malinaw naman ang mga datos, hindi ba? Nang maging pangulo si Arroyo noong 2001, ang kanyang net worth ay P66.79 milyon. Kapansin-pansin ang 116% pagtaas ng kanyang net worth sa loob lamang ng pitong taon na kung saan umakyat ito sa P144.54 milyon.

Net Worth ni PGMA
(sa milyong piso)
2001 2008 Pagtaas
Assets 70.29 177.18 106.90
Liabilities 3.50 32.64 29.14
Net Worth 66.79 144.54 77.76

Kailangang tandaang wala pang P100,000 ang buwanang suweldo ni Arroyo bilang Pangulo ng ating bansa. Noong Hulyo 2007, ang kanyang suweldo ay itinaas sa P63,525 bawat buwan. Lalo pang itinaas ang suweldo ng Pangulo ngayong Hulyo 2009 sa P82,400 bawat buwan dahil sa Executive Order No. 811, kasama ng suweldo ng iba pang nagtatrabaho sa gobyerno (bagama’t mas mababa ang pagtaas sa suweldo ng mga nasa mababang posisyon).

May pahayag ang Malakanyang sa biglang pagtaas ng net worth ni Arroyo. Ani Press Secretary Cerge Remonde noon pang Mayo 21, 2009, “Ang explanation niyan, nakapagbenta ng lupain ang First Couple sa Bulacan na nagkahalaga ng P40 million last year. That’s the reason bakit nagkaroon ng increase ang income ng ating Pangulo.”

Malamang na ang tugon ng maraming tao sa opisyal na paliwanag ay, “Sige na nga!” Ang lahat naman kasi ng iskandalo’t anomalya ay parating may katapat na paliwanag, kahit na ang kasagutan, kung hindi man malabo’t walang lohika, ay nagbubunga ng iba pang katanungan. (Halimbawa, hindi ba’t mas mataas pa sa P40 milyon ang itinaas sa net worth ni Arroyo?) Hindi kasi talaga mawawala ang pagdududa sa sitwasyong nawalan ka na ng tiwala sa mga opisyal na dapat na nagsisilbi sa interes ng mamamayan.

Sa kontekstong ito dapat nating suriin ang ating pag-aagam-agam kung may eleksiyon nga bang matutuloy sa Mayo 2010, kung isusulong pa rin ba ang pagbabago ng Saligang Batas bago ganapin ang SONA, o kung sa mismong araw ng SONA ba ipipilit ang pagbubuo ng constituent assembly bilang tulay sa minimithing pagpapalit ng sistema ng gobyerno.

Hindi natin alam kung ano ang mangyayari sa mga susunod na araw, linggo at buwan, lalo na’t naibalita kamakailan ang pagkakaroon ng “Oplan August Moon” na naglalayong pahabain ang termino ng panunungkulan ni Arroyo. Susing bahagi raw ng plano ang pagtatalaga sa mga susing posisyon sa gobyerno ng Philippine Military Academy Class 1978 (na pinaniniwalaang tapat kay Arroyo). Ayon kay Defense Secretary Gilbert Teodoro, “I don’t give credence to this so-called ‘Oplan August Moon,’ whatever that is. I think this is a political gimmick to destabilize the situation.”

Ilang beses na bang ginamit ang terminong destabilisasyon para ipagwalang-bahala ang anumang kontrobersiyang kinasasangkutan ng kasalukuyang administrasyon? Pero ang mas mahalagang tanong sa puntong ito: Naniniwala ka pa ba sa pinagsasabi ni Arroyo o sinumang kinatawan niya?

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.