Pakibasa kung ikaw ay aktibista

N.B. – This was published in the January 8-14, 2010 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://pinoyweekly.org/new/2010/01/pakibasa-kung-ikaw-ay-aktibista/.

Maniwala ka. Hindi ako katulad mo. Hindi mo dapat gamitin ang salitang “kasama” tuwing kinakausap ako.

At kung ikaw ay isa pang estudyante, mas kailangan mong malaman ang isang napakahalagang bagay: Hindi mo dapat sundan ang mga yapak ko. Oo, marangal na mga propesyon ang pinili ko – ang pagiging propesor at peryodista – at patuloy kong pinaghuhusay ang aking kakayahan sa dalawang larangang ito.

Katulad mo, pinipilit kong maging makabuluhan ang aking buhay. Pero ang misyon mo ay higit pa sa akin. Kung may ambisyon kang maging propesor at peryodista, kailangan mong tandaang puwede mong gawin ang pagtuturo’t pagsusulat pero sa iba’t mas mataas na antas.

Sadyang ibang-iba ka sa akin kahit na masasabing pareho tayong progresibo. Kung ako ay nagtatrabaho, ikaw ay kumikilos. Kung ako ay pumapasok sa opisina’t nakatakda ang mga dapat matapos, ikaw ay napapadpad sa kung saan-saan para gumampan ng iba’t ibang gawain. Kung ako ay mistulang alipin ng oras, ikaw ay mistulang tagapagsilbi ng sambayanan at mahirap na tawaging alipin ninuman.

Pero sa kabila ng ating pagkakaiba, may mga ipinaglalaban akong pareho ng sa iyo. Siguro’y sang-ayon ka rin sa karamihan ng mga opinyon ko. Posible ngang isa ka sa ilang aktibistang nagsabi sa akin noong namulat dahil sa pagbabasa ng ilang sinulat ko.

Kung sakaling namulat kita sa ating parehong interpretasyon ng katotohanan, maraming salamat. Kahit paano’y napapagaan nito ang mabigat na trabahong hatid ng paggampan ng dalawang propesyong pinili ko. Ikaw ang malinaw na ebidensiyang dapat ko lang ipagpatuloy ang klase ng progresibong pagtuturo’t peryodismong ginagawa ko, sa kabila ng hirap na dulot nito.

Pero ang sanaysay na ito’y hindi tungkol sa akin, kundi tungkol sa iyo. Sa panahong ito, iba ang pagtingin ng publiko sa aktibistang katulad mo. Sa mata ng mga nasa kapangyarihan, salot ang mga katulad mong dapat puksain at ubusin. Para sa nakararaming mamamayan, kapansin-pansin ang pagkawala ng kultura ng protesta dahil sa mga institusyong ang pangunahing layunin, lantaran man o hindi, ay protektahan ang kasalukuyang panlipunang kaayusan.

Ang kultura ng protestang nagsimula noong panahon ng dayuhang pananakop ay napalitan ng kultura ng karahasan laban sa mga naninindigan para sa makabuluhang pagbabago. Maraming aktibista’t peryodistang pinatay sa mga nagdaang taon, at malinaw sa mga estadistikang ang pinakamalaking bilang ay sa ilalim ng administrasyong Macapagal-Arroyo.

Sadyang nakakalungkot ang pagdating ng balitang may mga tinakot, dinukot o pinatay sa hanay ninyo. Aminin mo man o hindi, maaaring pinagmumulan ito ng away sa pamilya hinggil sa buhay na tinahak mo. “Anak, ano ka ba naman? Gusto mo na bang magpakamatay? Hindi kita pinalaki para lang sirain ang buhay mo sa mga bagay na walang katuturan!”

Alam mong kakaunti lang ang nakakaintindi ng konsepto’t esensiya ng aktibismo, kaya nga mabilis na naibebenta ng gobyerno, lalo na ng militar, ang ideyang ang mga aktibista ay komunista.

At kapag komunista, maaaring gawin ang walang pakundangang paglabag sa karapatan, kahit na nangangahulugan ito ng pagpaslang. At kapag pinatay na, maaaring itago sa publiko ang karumal-dumal na krimen sa pamamagitan ng pagtatapon ng bangkay sa mababaw na hukay o malalim na ilog.

Pero sa kabila nito, alam mong kailanman ay hindi maibabaon sa limot ang kasaysayan ng pakikibaka, anuman ang gawin ng mga nasa kapangyarihan. Patuloy na may saysay ang mga aktibistang dinukot at pinaslang dahil mayroon at mayroon pa ring gagampan ng kanilang mga naiwang gawain. Patuloy na babanggitin ang kanilang pangalan at paparangalan ang kanilang kabayanihan. Patuloy na mararamdaman ang kanilang presensiya sa lahat ng porma ng pagkilos.

Kahit na hindi kinikilala ng marami ang klase ng buhay na mayroon ka, alam mong kasaysayan ang maghuhusga sa iyo. Darating ang panahong magiging malaking karangalan ang matawag na aktibista sa lipunang ito. Ipagmamalaki ng iyong pamilyang kasalukuyang hindi nakakaintindi sa iyo ang pagkakaroon ng isang katulad mo.

Sa gitna ng malawakang paglabag sa karapatang pantao, hayaan mong batiin kita ng ”mabuhay” sa matalinghaga’t literal na kahulugan nito.

At sa pagtatapos ng sanaysay na ito, alam kong may posibilidad na ikaw (ang aking seryosong mambabasa) ay hindi aktibista. Kung umabot ka sa talatang ito, ibig sabihin ba nito’y mayroon kang interes sa buhay-aktibista? Sana naman, dahil lubhang kinakailangan sa pagkilos ngayon hindi lang ang pagpapalalim ng isip kundi pagpaparami ng hanay.

Hindi pa huli ang lahat para sumali. At ngayong tapos na ang sanaysay, maaari nang magnilay-nilay.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

3 thoughts on “Pakibasa kung ikaw ay aktibista”

  1. naiintindihan kita at lahat ng mga aktibista. pero ayoko ng ganung buhay. isang beses ay nakisali ako sa isang protesta, at kahit humawak lang ako ng video cam nung oras na yun ay nagsisisi ako. ^_^

    oh hindi,
    isa yung malaking pandaraya,
    at nasaktan akow.
    sa mga sinabi ng magulang ko.
    at kahit kailan,
    ay di ko na uulitin ang pagkakamaling yun.
    Goku, tulungan mo ako. ^_^

    Sagot: Mahirap naman talaga ang buhay-aktibista, pero lubhang kinakailangan ang sakripisyo para magkaroon ng makabuluhang pagbabago. Sa aking palagay, kailangan mo munang intindihin nang malalim kung bakit may protesta para hindi mo pagsisihan ang anumang magiging desisyon mo. Salamat sa komento at mabuhay ka.

  2. Mahirap talaga ang buhay ng isang aktibista nakaiinis pa pag sinasabi ng mga kaibigan mo kung ano bang napapala mo dyan wala naman diba?
    Ngunit sinasagot ko sa kanila kung hindi kami kikilos at magsasalita sino? mananahimik na lang ba tayo sa mga nangyayari sa paligid natin eh lahat tayo apektado?
    Lagi kong sinasabi na ilagay nila sa kanilang isipan na mas lalong walang mapapala kung indibidwal tayo magisip tinuturuan tayo na maging makasarili sa kasalukuyan. Tulad ng sabi ng ako mismo.org: “ang pinakamalaking problema ng Pilipinas ay hindi kahirapan o katiwalian o kawalan ng kapayapaan, kundi ang pagwawalang bahala ng mamamayan” Ano uli? Mamamayan na lang ba ang sisisihin at hindi na ang mga taong gobyerno ( na corrupt) at ang buong sistema? Hindi na ba malaking problema ang kahirapan, katiwalian at kawalan ng kapayapaan?

  3. kung minsan masakit nga marinig yung salitang “anong mapapala mo dyan?!”
    pero ansarap kapag nagagawa mong sagutin ito ng “ang mga ginagawa ko ay hindi para sa aking sarili kundi para sa mas nkakarami”…

    Sagot: Salamat sa komento. Mabuhay ka!

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.