Pambihirang pagkakataon

N.B. – This was published in the February 12-18, 2010 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://pinoyweekly.org/new/2010/02/pambihirang-pagkakataon/.

Totoo kayang lahat ng bagay ay magkakaugnay?

Halimbawa, may kinalaman kaya ang pagpapalabas ng sikat na programang Glee sa pagtakbo bilang Pangulo ni Sen. Noynoy Aquino? Kapansin-pansin kasi ang paggamit ng ”L sign” sa palabas na iyon na nangangahulugan ng talunan (”loser”). Kahit na iba ang kahulugan nito sa panawagang ”Laban” ng Liberal Party (LP) ni Aquino, nakakatulong ang Glee para ipaalala sa marami nitong tagapanood ang simbolo ni Aquino. Kung sabagay, puwede mo ring sabihing ito ay pahaging sa kakayahan niya at ang hangarin ng ilang partidong matalo siya sa halalan.

Posible kung posible, pero malayong mangyari. Masyado nang mapaglaro ang imahinasyon kung pati ang mga prodyuser ng Glee ay pagdududahan at ang ”L sign” nito ay bibigyan ng pulitikal na kahulugan.

May mga bagay na nagkataon lang at hindi dapat bigyan ng malisya. Pero sadyang may mga pangyayaring nakakaduda dahil sadyang pambihira.

Simulan natin sa usapang kubeta. Sa dami ng mga kulay na mapagpipilian, bakit kaya berde ang piniling disenyo ng mga itinatayong pampublikong palikuran para sa kababaihan sa ilang bahagi ng National Capital Region (NCR)? Kahit na sabihing simbolo ito ng pagmamahal sa kalikasan, hindi maikakailang ang opisyal na kulay ni Defense Secretary Gilbert Teodoro, ang kandidato para Pangulo ng administrasyon, ay berde. Aba, kahit ang Malakanyang ay umaming makikinabang si Teodoro sa piniling kulay ng kubeta.

Matapos ang kubeta, busisiin na ang balota. Kapansin-pansing hindi naging tuwiran ang pag-amin ng Malakanyang sa magiging pakinabang nito sa naging desisyon ng Commission on Elections (COMELEC) noong Pebrero 11. Si Lilia Pineda ay idineklarang nanalo sa halalan noong 2007 para gobernador ng Pampanga, batay sa recount na ginawa. Kung noon ay naproklamang gobernador si Fr. Ed Panlilio dahil sa lamang niyang 1,147 boto laban kay Pineda, lumalabas sa panibagong pagbibilang na si Pineda ay may lamang na 2,011 boto (kahit na ang komputasyon ng isa pang komisyoner ng COMELEC ay 356 lang ang lamang ni Pineda).

Si Pineda ay kilalang alyado ng administrasyon. May kaugnayan kaya ito sa kandidatura ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo bilang kinatawan ng ikalawang distrito ng Pampanga sa House of Representatives (HOR)? Sabi ni Deputy Presidential Spokesperson Gary Olivar, “Just because the President may have been associated in one way or another with this or that side of a dispute before the Comelec doesn’t mean she’s interfering in the hearing of the case. That’s a stretch of logic.” Dagdag pa ni Olivar, “I’m not sure if that would make much of a difference because we’re just talking here of one district. It’s not clear to me how a governor in Pampanga will be able to influence the race. The President has her own organizations and constituents in her own district.”

Siyempre’y hindi maaasahan si Olivar o sinumang opisyal ng pamahalaan na tahasang aminin ang susing papel ng isang lokal na opisyal tulad ng gobernador sa pandarayang nagaganap tuwing eleksiyon. Para sa mga nasa kapangyarihan, ang anumang anomalya sa darating na halalan ay manggagaling sa mga nasa oposisyon.

Kung paniniwalaan ang mga nasa kapangyarihan, ang tanging intensiyon lang ni Macapagal-Arroyo ay ipagpatuloy ang paglilingkod sa kanyang mga kapwa Kapampangan, kaya hindi raw dapat bigyan ng iba pang kahulugan ang kanyang pagtakbo bilang miyembro ng HOR. Pero bakit hindi mawala sa isip ng maraming Pilipino na may iba pa siyang adyenda?

Halatang-halata ang hangarin ng administrasyong Macapagal-Arroyo para baguhin ang Konstitusyon, at napakarami nitong mapanlikhang paraan na pawang hindi naipatupad dahil sa malawakang protesta. Nariyan ang mga planong people’s initiative, constituent assembly at constitutional convention. Maraming dahilan para sa tinatawag na cha-cha o charter change, at isa sa mga ito ay ang pagbabago sa gobyerno tungo sa isang parlamento na kung saan ang House Speaker ay magiging Punong Ministro.

Kung nasa kasalukuyang administrasyon ang numero sa HOR, madali para kay Macapagal-Arroyo na maging House Speaker. Komplikado man ang proseso ng cha-cha at pagpapalit ng pamahalaan, sadyang walang imposible sa administrasyong ito!

Kailangang siguraduhin ang pagkapanalo ni Macapagal-Arroyo, lalo na’t lumalabas na maliit ang tsansa ni Teodoro na manalo bilang Pangulo, batay sa mga pinakahuling survey na ipinapakitang ika-apat lang siya. Sa ngayon, dalawang kandidato lang sa pagka-Pangulo ang seryosong naglalaban para sa boto ng mamamayan – sina Sen. Noynoy Aquino at Sen. Manny Villar na pawang nasa oposisyon. Ang nasa ikatlong puwesto, si dating Pangulong Joseph Estrada, ay kilala ring kontra sa kasalukuyang pamahalaan dahil marami sa mga opisyal nito ang responsable sa pagpapatalsik sa kanya noong 2001.

Sa kontekstong ito, hindi na nakakagulat ang iba pang mga desisyon ng COMELEC na umaayon sa interes ng Malakanyang. Natalo sa recount noong Pebrero 10, halimbawa, si Joselito Mendoza bilang gobernador ng Bulacan. Noon namang Disyembre 2009, gayundin ang nangyari kay Grace Padaca na noo’y gobernador ng Isabela. Sina Mendoza at Padaca ay parehong miyembro ng Liberal Party.

Paminsan-minsa’y nagiging mapaglaro ang imahinasyon, pero ito ay dahil sa napakaraming pambihirang pangyayari. Kung noo’y mahirap isiping ang isang Pangulo ay tatakbo para sa mas mababang posisyon sa pagtatapos ng kanyang termino, ngayon ay nangyayari na ito.

Hindi mababaw na spekulasyon ang pagdudahan ang bawat hakbang ng mga nasa kapangyarihan. Para sa administrasyong ayaw isiwalat ang katotohanan, hindi na nakakagulat ang kolektibong pagkawala ng tiwala.

Kabaligtaran ang katotohanan, katotohanan ang kahungkagan. Ang mga pangyayari’y sumusunod sa kumpas ng iilang makapangyarihan na dapat lang tutulan ng nakararaming mamamayan.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.