Eleksiyon, MERALCO at tubo ng negosyo

N.B. – This was published in the May 7-13, 2010 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://pinoyweekly.org/new/2010/05/eleksiyon-meralco-at-tubo-ng-negosyo/.

Isipin muna nating magkakaroon ng eleksiyon sa Mayo 10 kahit na may mga nananawagan sa pagpapaliban nito. Marami kasing nagdududa sa kahandaan ng Commission on Elections (COMELEC) para sa kauna-unahang automated elections sa ating bansa.

Alam kong mahirap magpantasya sa panahon ng maraming pag-aalala. Pero mahalagang pagplanuhan kung ano na ang susunod na mangyayari pagkatapos ng halalan. Malaking bahagi ng matagalang pagpaplano ay ang pagsusuri ng magiging katangian ng huli.

Kung kapani-paniwala ang resulta, malamang na walang problema. Pero kung magkaroon ng malawakang dayaan, ang walang-puknat na protesta’y maaasahan mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan. Kung ngayon pa lang ay nangyayari na ang debalwasyon ng piso, halimbawa, ano pa kaya ang magiging epekto ng failure of elections sa Mayo 10?

Siyempre’y aasahan ang pagtindi ng pang-ekonomiyang krisis, dahil ang anumang debalwasyon ng piso ay magreresulta sa pagtataas ng presyo ng mga bilihin. Pero bukod sa debalwasyon ng piso, ang suplay ng mga produkto’y pangunahing salik din sa presyo ng mga ito. Salamat sa globalisasyon, nakakaya ng malalaking negosyanteng kontrolin hindi lang ang presyo kundi ang suplay ng kanilang mga produkto sa lokal na pamilihan. Kung magiging kaunti ang suplay ng mga produkto nila, maaasahan ang pagtaas ng demand sa mga ito na sa bandang huli’y magreresulta sa pagtaas ng presyo.

Ang ganitong klaseng pagsasamantala ng maraming negosyante’y dapat malaman sa puntong ito. Malaki ang posibilidad ng kanilang malaking tubo sa panahon ng krisis. Sa madaling salita, ang problemang dulot ng kaduda-dudang eleksiyon ay maaaring maging pagkakataon ng mga negosyante para pagsamantalahan ang mga tao.

Aba, kahit ang trahedya ng climate change sa Pilipinas ay nagiging oportunidad para sa ilang kompanyang lalo pang pagkakitaan ang mga taong lubos na naiinitan.

Kung ang MERALCO, National Power Corporation (NPC) at independent power producers (IPPs) ay nakararanas ng pagtaas ng kita ngayong taon, ito ay dahil sa pagtataas ng presyo ng singil sa kuryente sa panahon ng tag-init, na alam nating panahon din ng malaking konsumo sa kuryente dahil sa pangangailangang magpalamig ng maraming tao.

Kumpara sa mga nakaraang buwan (o kahit mga nagdaang taon), mas mataas ngayon ang paggamit sa mga bentilador, airconditioner at iba pang gamit na puwedeng magbigay ng pansamantalang lamig sa sobrang init na nararanasan. Kahit ang refrigerator ay malamang na binababaan ang temperatura (na may mataas na konsumo sa kuryente) para mas mabilis na makagawa ng mga yelong lalo pang magpapalamig sa mga inumin.

Para sa buwan ng Abril 2010, tumaas ang generation charge ng MERALCO sa P6.7699 bawat kilowatt-hour (kWh) kumpara sa P5.8417/kWh noong Marso. Nangahulugan ito ng pagtaas nang P0.9282/kWh. Maraming argumento ang MERALCO, NPC at IPPs hinggil sa generation charge at iba pang jargon na iilan lang ang nakakaintindi. Ang hindi nila bukas na inaamin ay ang tubong nakukuha nila mula sa malayang kompetisyon sa larangan ng power industry.

Dahil sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA), nagkaroon ng kapangyarihan ang IPPs na magtakda ng kanilang sariling presyo, isang sitwasyong hindi kakaiba sa mga kompanya ng langis bunga ng Downstream Oil Industry Deregulation Act. Sa larangan naman ng distribution companies tulad ng MERALCO, may kalayaan na rin silang magtakda ng anumang presyong nais nilang singilin sa mga konsumer.

Sa ganitong konteksto natin dapat suriin ang bukas na liham ng MERALCO sa mga customer nito dahil ipinapalabas nitong walang kasalanan ang MERALCO at ang napupunta lang sa huli, sa porma ng distribution charge, ay 20 hanggang 25 porsiyento lamang ng kabuuang electric bill. Kasama ang NPC at IPPs, ang hindi inaamin ng MERALCO ay ang simpleng katotohanan: Malaki ang pakinabang nila sa patakarang globalisasyon.

Kapansin-pansin ang pagsasamantala ng MERALCO, NPC at IPPs tuwing tag-init dahil ito ang panahong naniningil sila nang mas mataas sa mga konsumer. Sa aking muling pagbabasa ng aking mga MERALCO electric bill mula 2006 hanggang 2010, malinaw ang ebidensiyang tumaas ang generation charge, na bumubuo sa mahigit 50 porsiyento ng electric bill, sa pagsisimula ng tag-init tuwing Abril. Bagama’t hindi nagkaroon ng pagtaas noong Marso-Abril 2007, malinaw na ang mga sumunod na taon ay kinakitaan ng unti-unting pagtaas sa generation charge mula P0.5188/kWh noong Marso-Abril 2008 hanggang sa kasalukuyang P0.9282/kWh noong Marso-Abril 2010. (Tingnan ang Talahanayan 1)

Talahanayan 1
Pagtaas sa generation charge
noong Marso at Abril
2006 hanggang 2010 (bawat kWh)

Taon Marso Abril Pagtaas
2006 4.9646 4.9915 0.0269
2007 4.4290 4.4290 0.0000
2008 4.3885 4.9073 0.5188
2009 4.4750 5.0205 0.5455
2010 5.8417 6.7699 0.9282
Pinaghalawan: MERALCO electric bill ng awtor

Sa bahagi naman ng MERALCO, may ebidensiya rin ng pagsasamantala bagama’t hindi kasing-tindi ng NPC at IPPs. Noong Marso-Abril 2007, ang distribution charge ng MERALCO ay tumaas nang P0.2863/kWh. Ngayong Marso-Abril 2010, kapansin-pansin ang pagtaas nang P0.2345/kWh, isang puntong hindi binanggit ng MERALCO sa bukas na liham nito sa mga kostumer. (Tingnan ang Talahanayan 2).

Talahanayan 2
Pagtaas sa distribution charge ng MERALCO
noong Marso at Abril

2006 hanggang 2010 (bawat kWh)
Taon Marso Abril Pagtaas
2006 0.5729 0.5729 0.0000
2007 0.8765 1.1628 0.2863
2008 0.5729 0.5729 0.0000
2009 0.5729 0.5729 0.0000
2010 0.9953 1.2298 0.2345
Pinaghalawan: MERALCO electric bill ng awtor

Malinaw na sa bawat trahedya’y may nagsasamantala. Sa kaso ng singil sa kuryente, maaasahang pilit na pagtatakpan ang sobrang tubong kinikita sa pamamagitan ng walang-lamang retorika. Totoo mang teknikal ang usapin ng power industry, ang kailangan lang malaman ng tao ay ang katotohanang may ebidensiya ng pagtaas ng singil tuwing tag-init, sa panahong lubos na kailangan ng mga tao ang kuryente.

Sa perspektiba ng mga nagtataguyod ng globalisasyon, walang mali sa nasabing sitwasyon dahil ito ay pagpapatupad lang daw ng tinaguriang law of supply and demand. May tanong lang ako sa puntong ito: Ang mga sensitibong produkto bang tulad ng kuryente na kinakailangan ng lahat ng Pilipino, lalo na ang mahihirap, ay kailangang isailalim sa patakarang nagtataguyod ng malayang tubo sa mga kapitalista?

Ang darating na eleksiyon ay maaaring magpalala sa krisis na kinakaharap ng bansa. Ngayon pa lang, kailangan nang manmanan ang kilos ng mga negosyanteng tila buwitreng umaaligid para umatake anumang oras. Sa partikular, dapat bantayan ang anumang pagtaas sa presyo ng pagkain, medisina, langis at tubig, pati na rin ang kalagayan ng suplay ng mga ito.

Sa madaling salita, maraming kailangang bantayan dahil ang halalan ay hindi na simpleng usapin lang ng pagpili sa mga karapat-dapat maupo sa puwesto. Kung maraming nagnanais ng mapayapang halalan, may mangilan-ngilan namang nais na magkaroon ng kaguluhan para lalo pang magpayaman. Sadyang ang mga walang pakundangan ay walang pinipiling oras para magsamantala!

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.