Eleksiyon bilang limitadong espasyo

N.B. – This was published in Pinoy Weekly (May 18, 2013), the full text of which may also be retrieved from http://pinoyweekly.org/new/2013/05/eleksiyon-bilang-limitadong-espasyo/.

Tapos na ang halalan. Patuloy pa rin ang kahirapan.

Kung susuriin ang mga nangunguna ngayon sa bilangan, masasabing pare-parehong mukha’t pangalan ang mailuluklok sa maraming puwesto sa lokal at pambansang antas. Pamilyar ang mga apelyido dahil pare-parehong pamilya lang ang nagpapalit-palitan ng puwesto at nagsasalit-salitan sa pag-upo. At para naman sa ilang pansamantalang nawala sa kapangyarihan, ang nangyaring eleksiyon noong Mayo 13 ay nagsilbing okasyon para ipangalandakan sa publiko ang kanilang pagbabalik.

Magtataka pa ba tayo kung bakit patuloy pa rin ang paghihirap ng maraming mamamayan? Kahit na malalim at komplikado ang pinag-uugatan ng mga problema sa ating lipunan (kasama na ang kahirapan), hindi pa rin maikakaila ang responsibilidad ng maraming nakaupo sa puwesto na ang konsepto ng serbisyo ay hindi para sa publiko. Handa silang gumastos ng milyon-milyon sa panahon ng kampanya dahil sobra-sobra pa ang kanilang makukuha sa panahon ng kanilang “paninilbihan.” Simple lang ang kanilang panawagang hindi ipinapangalandakan: “Para saan pa’t kami ay nasa kapangyarihan?”

Sa kabila ng mga batas na nagbabawal sa pagnanakaw sa kaban ng bayan, nariyan pa rin ang iba’t ibang paraan para mangurakot – pagtutukoy ng contractor sa isang pampublikong proyekto kapalit ng lagay; pagpapatong sa presyo ng materyales para may maibulsang sobra; pangungupit ng mga libreng produktong dapat ipamigay sa publiko para maibenta; pangongolekta ng suweldo at komisyon para sa mga multong empleyado’t proyekto (ghost employees and ghost projects).

Sadya bang walang kabusugan ang mga ganid? Talaga bang hindi makokontento ang mga nang-aabuso sa milyon-milyon nilang ninanakaw? Masyadong subhetibo kung iuugat lang natin sa likas na masamang ugali o maling pagpapalaki ng magulang ang problema. Ang katakawan sa pera ay mas maisasakonteksto sa pangangailangang manatili ang pampolitika’t pang-ekonomiyang kapangyarihan. Ang puwesto sa gobyerno ay pangunahing proteksiyon ng isang politiko sa anumang isasampang kaso laban sa kanya o sinumang miyembro ng kanyang pamilya. At para masiguradong nasa puwesto, kailangan niyang patuloy na magpayaman para may maipamigay sa mga taga-suporta’t alyado.

Ang kahirapan ng nakararaming mamamayan ay pangunahing salik naman para masigurado ang “suporta” mula sa kanila. Hindi masisisi ang isang mahirap kung handa niyang ibenta ang kanyang boto kapalit ng iaabot na pera. Sa panahon ng desperasyon, hindi nakakagulat na desperadong desisyon ang gagawin ng isang naghihirap, kasama na ang pagbebenta ng kanyang prinsipyo. May praktikal na kasabihan ang isang kumakalam ang sikmura: “Makakain ba ang prinsipyo?”

Madaling husgahan ang mga taong handang magbenta ng boto, at paminsan-minsan pa nga’y tinatawag silang bobo. Dahil nga naghihirap, hindi raw edukado ang pagboto. Ang mga tinaguriang ekspertong nagpapakalat ng ganitong diskurso ay hindi lubusang naiintindihan ang kahirapang nagbubunsod sa maraming mamamayang handang ibenta ang lahat para lang may mabuhay ang pamilya. Madali kasing gamitin ang sariling pamantayan para husgahan ang kalahatan, lalo na ang mahihirap na mamamayan. Pero heto ang tanong: Sa paggamit ng iisang pamantayan, nangangahulugan din ba ito ng iisang pinagdaraanan? Kung ang sagot ay hindi, mainam na alamin ang konteksto ng sapilitang pagbebenta ng boto. Sa ating malalim na pagsusuri, mapapansin nating ang isang pinagmumulan ng problema ay mula sa mga nakaupo sa puwestong patuloy na nagpapahirap para patuloy na makabili ng boto.

Pero sa kabila ng sitwasyong ito, hindi pa rin maikakaila ang pagkakaroon ng espasyo sa gobyerno para sa mga kumakatawan sa interes ng mahihirap. Ang party-list election na nagsimula noong 1998 ay may layuning bigyan ng representasyon ang mga sektor na tinaguriang marginalized tulad ng mga magsasaka’t manggagawa. At totoo namang nabigyan sila ng espasyo. Simula 2001, halimbawa, nanungkulan ang party-list na Bayan Muna. Sa mga sumunod na halalan ay nadagdagan pa ng iba pang progresibong party-list tulad ng AnakPawis, Gabriela Women’s Party, Kabataan Party-list at ACT Teachers. Batay sa kanilang track record, malinaw ang kanilang paninindigan para sa mga sektor na kinakatawan nila.

Pero kapansin-pansing may espasyo mang ibinigay para sa kanila sa House of Representatives (HOR), nananatili sila sa minorya. Sa katunayan, hindi sapat ang kanilang bilang para maipasa ang mahahalagang batas tulad ng legislated wage hike para sa mga manggagawa at genuine agrarian reform para sa mga magsasaka. Hindi nila naibasura ang ilang mapanupil na batas tulad ng Downstream Oil Deregulation Act of 1998. Bagama’t may ilang naipasang batas at naisagawang imbestigasyon sa HOR, nananatiling limitado ang kanilang nagawa kumpara sa mga dapat na magampanan pa.

Dito pumapasok ang politika ng limitadong espasyo sa ating kasalukuyang demokrasya. Dahil hindi kayang makipagsabayan ng mga kinatawan ng mahihirap sa milyon-milyong ginagastos sa kampanya, hanggang party-list election lang ang nakakayang pasukin, gayundin ang iba pang puwesto sa lokal na antas na walang kompetisyon mula sa mayayamang angkan. Sa panahon ng eleksiyon, sadyang hindi sapat ang malinaw na plataporma at malinis na prinsipyo dahil maruming maglaro ang maraming kandidato. Aba, pati ang party-list election ay ginagamit ng mga nasa kapangyarihan para dagdagan pang lalo ang kanilang makukuhang upuan sa HOR.

May pagbabago mang hatid ang pag-upo ng mga tunay na kinatawan ng mahihirap sa party-list o maging sa lokal na antas, hindi makakaasang makakamit ang lahat ng ninanais lalo na’t ang mga ito ay kontra sa interes ng mayayamang nasa kapangyarihan. Sa pagtatapos ng halalan, tandaan ang simpleng katotohanan: Walang makabuluhang pagbabago sa sitwasyon ng limitadong espasyo.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.