My experience as a campus journalist

Philippine Collegian logo (retrieved from the Philippine Collegian website)

A student from the University of Santo Tomas (UST) interviewed me via email regarding my experience as a campus journalist. Allow me to share with you my answers to her questions.

Naging bahagi po kayo ng Philippine Collegian, ano po ba ang mga naging karanasan ninyo bilang isang manunulat para sa UP noong panahong iyon?

UP logoNaging bahagi ako ng Philippine Collegian mula 1988 hanggang 1991. Ito ang panahong nagiging kritikal ang mamamayan sa mga polisiya at programa ng administrasyong Aquino. Isang susing usapin noon sa publikasyon kung paano magiging responsable at mapagpamulat ang mga artikulong sinusulat namin. Bagama’t may debate pa kung ang pagtutuunan ba ng pansin ay ang mga lokal o pangkampus na isyu sa halip na mga pambansang isyu, nagkaroon pa rin ng kasunduang maraming pambansang isyung hindi dapat palampasin tulad ng repormang agraryo, base militar ng Estados Unidos at karapatang pantao.

Para sa karagdagang detalye, basahin mo ang dati kong isinulat na sanaysay sa wikang Ingles sa URL http://www.dannyarao.com/2001collegian-reunion.html.

Ilan taon po ba kayo sumulat para sa pahayagang Kule?

Naging probationary member (o probee) ako ng seksyon ng balita ng Kule noong Abril 1988. Bukod sa balita, nagsulat din ako para sa seksyong lathalain at paminsan-minsa’y nagbigay ng mga tulang inilabas ng seksyong kultura. Noong 1991, ang huling taon ko sa publikasyon, naging patnugot ako sa balita.

Nakaranas na po ba kayo ng pag-suppress sa pahayagang Kule? Ano po ang komento ninyo tungkol sa panggigipit na naganap noon sa Kule ng administrasyon ng UP?

Sa aking pagkakaalala, ilang beses na akong binantaan ng ilang opisyal ng UP na baka magsara ang publikasyon dahil haharangin nila ang paglalabas ng pondo namin. Ito ang panahong nagsulat ako ng mga artikulong kritikal sa ilang opisyal ng UP dahil sa pagkakasangkot nila sa korupsiyon. Hinggil sa isyu ng Socialized Tuition and Financial Assistance Program (STFAP), naalala kong isinulat ko ang planong ipatupad ito kahit hindi sapat ang konsultasyon sa mga estudyante, at sa kabila ng malawakang protesta laban dito. Tulad ng inaasahan, nagalit ang administrasyong UP hindi lang sa akin kundi sa publikasyon mismo. Pero ang lahat ng ito ay hanggang banta lamang. Dahil obhetibo naman ang publikasyon, inilabas namin ang lahat ng kanilang mga liham sa patnugot, gayundin ang mga panayam na ginawa namin sa kanila.

Nang dahil po ba sa naging exposed na kayo sa Philippine Collegian kaya po ninyo itinuloy ang pagiging ganap na manunulat, sa larangan ng midya?

Malaking impluwensiya ang karanasan ko bilang manunulat at patnugot ng Philippine Collegian sa pinili kong propesyon sa kasalukuyan. Nakita ko kasi ang kahalagahan ng responsableng pamamahayag hindi lang sa pamamagitan ng pagsusulat kundi sa pakikisalamuha sa iba’t ibang tao. Nalaman kong ang makabuluhang pagsusulat ay may malaking ambag sa minimithi at kinakailangang pagbabago. Hindi ko iniisip na ako ay “ganap” nang manunulat dahil hahayaan ko na lang ang mamamayan na humusga rito.

Kumusta po ang pagiging isang manunulat noon sa loob lamang ng UP at ang ngayon sa iba’t ibang midya?

Kumpara sa gawain ko noon sa Philippine Collegian na nakatuon lang sa print media, masasabi kong ang gawain ko sa kasalukuyan ay hindi lang print kundi online at brodkast, bagama’t ang huli ay mas nakatutok sa radyo kaysa telebisyon. Sa usapin ng nilalaman, mas marami na akong naisusulat ngayon tungkol sa mga pambansang isyu. Gusto ko ring isiping mas malawak na ngayon ang naaabot ng mga sinusulat ko, kahit na sabihing ang Philippine Collegian noon at ngayon ay nakakaabot din naman sa ilang komunidad sa labas ng UP.

Anu-ano po ba ang pinagdaan ni Danilo Arao bilang isang media man?

Nakakapagsulat ako sa mainstream at alternatibong midya, bagama’t ang huli ang mas pinagtutuunan ko ng pansin. Dahil sa karakter ng alternatibong midya, karamihan ng mga sinulat at sinusulat ko ay may progresibong pananaw hinggil sa nangyayari sa lipunan. Tulad ng nakasanayan ko sa Philippine Collegian, nagsusulat ako sa wikang Ingles at Filipino, bagama’t nitong mga nakaraang buwan ay mas marami akong sinusulat sa Filipino.

Sa inyong obserbasyon, ano po ba ang lagay ng campus journalism dito sa ating bansa? Maaaring maikumpara sa mga naging estado noong sa inyong pamamalagi bilang isang manunulat ng Kule.

Ipinatupad ang Campus Journalism Act (CJA) sa panahong nagtapos na ako sa unibersidad at natapos na rin ang gawain ko sa Philippine Collegian. Sa aking pagsusuri ng mga pangyayari sa ilang pahayagang pangkampus, maraming kaso ng panunupil dahil sa paggamit ng ilang opisyal ng paaralan ng mga probisyon ng CJA, lalo na ang kawalan ng obligasyon sa pagkolekta ng publication fees. Sa antas elementarya at hayskul naman, may malaking papel hindi lang ang adviser kundi ang principal mismo sa pagpapatakbo ng publikasyon. Masasabi ring biktima ang ilang manunulat sa kampus ng pulitikal na panunupil sa ilalim ng administrasyong Arroyo.

Nabasa ko po na ilang beses na po kayong naimbitahan para magbahagi tungkol sa campus journalism, sa pagsusulat at pagsasalita, ano po ba ang madalas ninyong iniiwan na importanteng mensahe sa mga mambabasa at nakikinig sa inyo?

Madalas kong sabihing ang pamamahayag ay kinakailangang responsable at makabuluhan. Para maging mahusay na manunulat, hindi lang kinakailangan ang galing sa paggamit ng wika (partikular ang pagpili ng mga angkop na salita para ihatid ang mensahe) kundi ang husay sa pagsusuri sa nangyayari sa lipunan. Walang lugar sa kasalukuyang panahon para sa mga mamamahayag na ang hangarin ay sumikat lang at magpayaman. Mas kinakailangan ang mga mamamahayag na may mahalagang impormasyong makakatulong sa paghubog ng pampublikong opinyon. Hindi dapat mawalan ng pag-asa ang isang tao kung siya’y may kahinaan sa pagsusulat sa kasalukuyan. Ang pagsusulat kasi ay hindi isang talentong iilan lang ang mayroon: Ito ay produkto ng tuluy-tuloy at malalimang pagsasanay para matutuhan hindi lang ang paggamit ng wika sa komunikasyon kundi ang malalimang pagsusuri sa mga pangyayari.