(Updated) Anarkiya sa lansangan

A senior editor of Pinoy Weekly said that there was an oversight in the laying out of this issue’s (July 4-10, 2007) op-ed page which resulted in my old column article titled “Kultura ng kasalukuyang pamamahala” seeing print instead of the one I sent.

Given this, I am posting the column article that should have been published titled “Anarkiya sa lansangan.” You can say that this article was inspired by my limited experience in driving the SUV Joy and I just bought. Thank you for reading!

Update (July 11, 5:10 pm): Pinoy Weekly published this as a feature article in its July 11-17 issue (p. 10).

Madaling ibunton ang sisi sa mga “bastos” na drayber ng traysikel, dyip, bus at taksi sa anarkiyang nangyayari sa lansangan.

Para sa marami, sila ang mga “likas na pasaway” at walang respeto sa mga batas-trapiko. Sila ay kinaiinisan, kinatatakutan at iniiwasan dahil malamang na kamot sa ulo lang ang magiging pambayad kung sakaling ang sasakyan mo ay mabangga nila. Mayroon din sa kanilang nagbibigay ng malutong na mura o nakakairitang kantiyaw sa mga motoristang sa tingin nila ay masyadong mabagal at sagabal sa kanilang hanapbuhay.

At alam nating ang kanilang hanapbuhay ay hanap-pasahero. Ang kanilang pag-uunahang makakuha ng pasahero ay pangunahing dahilan ng matinding trapiko sa lansangan. Sa halip na bigyang-solusyon ito ng ilang pulis-trapiko, mapapansing ang pagkakabuhol-buhol ng mga sasakyan ay nagiging oportunidad para sa “dagdag na kita.” Ang mga pampasaherong sasakyan ay hinahayaang kumuha ng pasahero sa labas ng mga nakatakdang loading zone kapalit ng mga tinatawag na tong. Malakas din ang loob ng ilang drayber ng mga pampasaherong sasakyan na ipagwalang-bahala ang mga batas-trapiko dahil alam nilang “protektado” sila hangga’t “nakapagbayad.”

Sa madaling salita, ang ilang pulis-trapiko ay pinagkakakitaan ang desperasyon ng mga drayber na mapuno ng pasahero ang sasakyan at makarami ng biyahe para may pambayad sa boundary ng kanilang opereytor at pantustos sa gastusin ng kanilang pamilya. Hinahayaan ng mga dapat na magtakda ng disiplina ang anarkiya sa lansangan na, tulad ng iba pang nangyayari sa lipunan, ay may pang-ekonomiyang konteksto.

Bagama’t minsan ay nagkakaroon tayo ng tendensiyang isiping may mga drayber na likas na masama ang ugali, dapat nating isaisip ang pinagdaraanan nilang hirap para lang buhayin ang kanilang pamilya. Apektado ang kanilang kita hindi lang sa tong ng ilang pulis-trapiko at mataas na boundary ng mga opereytor, kundi sa patakarang deregulasyon ng pamahalaan. Ang nangyaring deregulasyon sa industriya ng langis mula pa noong 1996 ay nagbunga ng kawalan ng kontrol sa presyo ng langis, kaya apektado rin ang mga pamasaheng itinatakda sa kasalukuyan ng pamahalaan.

Ngayon Hulyo, ang pagbabalik sa P7.50 ng minimum na pamasahe sa dyip para sa unang apat na kilometro ay napakaliit ang epekto sa kita ng drayber kung iisipin hindi lang ang mataas na presyo ng langis kundi ng iba pang bilihin. Pero ibig sabihin ba nito’y dapat na mas mataas ang singil sa pamasahe? Para sa mga organisado at progresibong drayber, ang kanilang panawagan sa pamahalaan ay ang pagbabasura sa deregulasyon sa industriya ng langis dahil hindi hamak na napakalaki ng epekto ng sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng langis.

Kahit hindi pa dalhin sa antas ng negatibong epekto ng globalisasyon ang debate, hindi ba’t makatwiran ang sitwasyong kontroladong pareho ang pagtatakda ng presyo ng langis at pamasahe? Ang nangyayari kasi sa kasalukuyan ay ang walang habas na pagtataas ng presyo ng langis habang napakabagal ng mga desisyon kung ano ang gagawin sa singil sa pasahe.

Kung sa tingin ng mga drayber ay lubhang napakaliit ng singil sa pasahe sa kasalukuyan, ang solusyon ay hindi pagtataas nito kundi ang sama-samang pagtutol sa nangyayaring deregulasyon sa industriya ng langis. Tulad ng tendensiya ng ilang pulis-trapiko na pagkakitaan ang desperasyon ng mga drayber, ang deregulasyon ay nagiging instrumento ng pagsasamantala hindi lang ng malalaking dayuhang korporasyon kundi ng pamahalaan sa pamamagitan ng mga buwis na nakokolekta mula sa mga produktong petrolyo.

Mananatili ang anarkiya sa lansangan hangga’t may desperasyon sa bahagi ng mga drayber na hirap na hirap maghanapbuhay. Ayaw man nilang labagin ang mga batas-trapiko, napipilitan silang sumakay sa agos ng walang pakundangang pagmamaneho, pagpapasakay at pagpapababa ng pasahero sa kung saan-saan, kahit ang kanilang ginagawa ay napakalaking abala sa iba pang motorista.

Sa ating pagsakay sa kanilang traysikel, dyip o taksi, mainam na pagsabihan natin silang maghinay-hinay sa pagmamaneho para sa kaligtasan ng mga nakasakay. Pero kailangan din silang paalalahanang mas magkakaroon ng direksiyon ang kanilang buhay kung susuriin ang puno’t dulo ng anarkiyang araw-araw nilang kinakaharap.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

2 thoughts on “(Updated) Anarkiya sa lansangan”

  1. Sir, I suggested to some online friends to ask you if you could be a judge for an upcoming event of theirs. more on writing something about the language this august. I’m not so sure. Tanong ngayon: okay lang po ba yun? :D

    Reply: I guess it’s okay, as long as the schedule permits. Thanks.

  2. hi…. tnx poh sa mga post about sa dyip kasi sobrang makakatulong sa pananaliksik namin..
    tnx

    Reply: Walang anuman. Mabuti naman at nakatulong ang mga artikulo ko sa pananaliksik ninyo.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.