N.B. – This was published in the August 13-19, 2010 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://pinoyweekly.org/new/2010/08/wikang-filipino-at-english-speaking-zones/.
May birong hindi nakakatawa sa maraming paaralan: Ang wikang Filipino raw ay pang-kubeta na lang.
Malinaw kasi ang nakapaskil sa paligid: English-speaking zone. Bawal magsalita ng sariling wika sa halos lahat ng bahagi ng paaralan – klasrum, opisina, pasilyo, palaruan, aklatan. “Ma’am, may I go out?” Ah, puwede ka nang mag-Filipino habang nakababa ang salawal at sinasagot ang tawag ng kalikasan. Pero kanino ka naman makikipagtalastasan? Puwede mo kayang kausapin ang mga butiki sa loob ng kubeta? Mas matino kaya silang kausap kumpara sa maraming guro’t opisyal na ipinagpipilitan ang malawakang paggamit ng dayuhang wika?
Alam mo na ang kalagayan ng wikang Filipino sa maraming paaralan. Hindi ito kakaiba sa duming itinatapon at pilit na ibinabaon sa limot. Pero hindi tulad ng duming hindi binibigyan ng ikalawang pagtingin, may isang buwan sa bawat taong nagbibigay-pugay ang bansa sa wikang hindi naman mahalaga para sa mga nasa kapangyarihan.
Agosto na naman. Oras nang magbigay ng talumpati ang mahihilig mag-Ingles hinggil sa kahalagahan ng pagkakaroon ng sariling wika. Ito ang pagkakataong nililinis ang mga lumang tarpaulin na nakalagay ang mga katagang “Buwan ng Wika” at “Mabuhay ang Wikang Filipino!”
Ang dati’y lingguhang selebrasyon ay naging buwanan simula noong 1997. Ipinatupad kasi ang Proklamasyon Blg. 1041 (Nagpapahayag ng Taunang Pagdiriwang Tuwing Agosto 1-31 Bilang Buwan ng Wikang Pambansa) ni dating Pangulong Fidel Ramos. Pagkatapos ng 13 taon, may ibinunga bang maganda ang pagpapahaba ng selebrasyon?
Dahil itinataguyod ang wikang Ingles bilang midyum ng pagtuturo’t komunikasyon, kapansin-pansin ang pabalat-bungang pagpupugay sa wikang Filipino. Ilang beses mo na bang narinig ang gasgas na sipi mula sa tula ng ating pambansang bayani? Ang hindi raw marunong magmahal sa sariling wika ay higit pa ang amoy sa mabahong isda. Kung ang pamilya ni Rizal ay binabayaran ng piso sa bawat paggamit ng siping ito, siguradong lumalaki ang kita ng mga Rizal tuwing Agosto, ang tinaguriang Buwan ng Wika.
Sa konteksto ng globalisasyon, ano pa ba ang aasahan mo sa kahihinatnan ng wikang Filipino? Patuloy pa rin ang pagbebenta ng ideyang uunlad ang Pilipinas dahil sa kahusayan ng populasyon nito sa paggamit ng wikang Ingles. Ang sistematikong pagpapadala ng mga manggagawa sa ibang bansa ay nagkaroon lang ng kaunting pagbabago. Sa ngayon, nabibigyan na ng oportunidad ang mga mamamayang mahusay sa wikang Ingles na magtrabaho sa sariling lupain.
Ang problema nga lang, kadalasang nagsisimula ang kanilang trabaho sa panahong tulog ang karamihan ng mamamayan. Dahil sa sektor na business process outsourcing (BPO), dumarami ang Pilipinong call center agents na ang pangunahing puhunan sa trabaho ay ang pagtatago ng kanilang identidad, partikular ang pagsasalita ng wikang Ingles nang may American twang.
Sa kaso ng maraming paaralan, hindi ko makita ang lohika ng pagbabawal sa mga estudyanteng gamitin ang sariling wika. Tanggapin man o hindi ng maraming guro’t opisyal, ang mga estudyante’y mas komportableng gamitin ang wikang kinagisnan nila, ang midyum na ginagamit sa pakikipag-usap sa magulang, mga kapatid, kalaro at iba pang kakilala. Dahil nasa ating dugo ang pagiging Pilipino, ang wikang Filipino’y natural na bahagi ng ating katauhan.
Walang kasalanan ang isang estudyanteng nadapa sa harap mismo ng karatulang “English-speaking zone” na mapasigaw ng “Aray” sa halip na “Ouch.” At kapag tinanong mo siya kung ano’ng nararamdaman niya, ano kaya ang kanyang magiging sagot? “Masakit po!” Duda ako sasagutin ka niya ng “It hurts!”
Kung talagang seryoso ang maraming paaralan sa pagpapaunlad ng wikang Filipino, ang unang unang kailangang gawin ng mga guro’t opisyal nito ay tanggalin na ang “English-speaking zones” at hayaan ang mga estudyanteng gamitin ang sariling wika. Kung nais pa rin nilang ituro ang wikang Ingles, posible pa rin naman ito nang hindi napapabayaan ang sariling wika. Kailangan lang ihanay ang wikang Ingles sa iba pang dayuhang wika (tulad ng Nihongo, Mandarin, Kastila at Pranses) at huwag gawing prayoridad ito. At kung nababahala ang mga guro’t opisyal sa kakayahan ng mga estudyanteng gumamit ng wika, ang dapat nilang tutukan ay ang Filipino proficiency sa halip na matakot sa napabalitang bumababang English proficiency.
Malaking hamon para sa mga paaralan ang pagtataguyod ng wikang Filipino kung hindi buwan ng Agosto. Sa kabila ng pagkakaroon ng bagong administrasyon at ang paggamit ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III ng sariling wika sa kanyang mga pangunahing talumpati (tulad ng kanyang unang State of the Nation Address noong Hulyo 26), kapansin-pansin pa rin ang pagkiling sa paggamit ng wikang Ingles ng mga nasa kapangyarihan. At kung susuriin ang mga polisiya’t programa ng administrasyong Aquino, ang globalistang direksiyon ay halatang halata pa rin.
At dahil ang pagtingin ng mga nasa kapangyarihan ay nasa labas ng bansa, mas binibigyang-diin ang pagpapaunlad ng wikang makakayang makipag-ugnayan sa mga dayuhan. Paano na ang wikang Filipino? Puwede itong kalimutan, maliban na lang kung buwan ng Agosto!
Hindi po biro ang sitwasyong ang wikang Filipino ay tila pang-kubeta na lang sa maraming paaralan, o kahit ilang opisinang pribado’t pampubliko. Huwag na nating hintayin pang pati sa kubeta’y kailangan nang mag-Ingles ang mga tao, lalo na ang ating kabataan.
Walang lugar ang tinaguriang “English-speaking zones” sa isang bansang may sarili namang wika’t nagnanais ng mahigpit na pagkakaisa. Ang paghuhubog ng kaisipan ay epektibong maisasagawa sa pagtataguyod ng Filipino, ang wikang nagmula sa sariling kultura’t malinaw na nagbubuklod sa lahat ng Pilipino.
Anuman ang gawin ng mga nasa kapangyarihan, pilitin man nilang pang-kubeta na lang ang wikang Filipino, hindi nila ito basta-basta maitatapon sa inidoro. Hinding hindi ito maibabaon sa limot hangga’t may mga Pilipinong nakakaalala sa kasaysayan at pakikibaka ng ating bayan.
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.
Hi, sir!
ang ganda po ng sinulat nyong ito. Buti nlang po at nakita ko po itong website na ito para po s aking thesis sa Filipino!
mraming salamat po talg, dahil ito ay nkatulong sa saking research!
GOD BLESS po! :))
Sagot: Walang anuman. Salamat din.
Mas mahalaga ang wika natin dahil tayo ay Filipino. Mapapansing hindi umuunlad ang ating wika sa loob ng napakamahabang panahon dahil hindi na kailangan pang pag-aralan ng mga banyaga ang wikang Filipino, dahil alam nila na tayong mga Pilipino ay kaya namang magsalita ng Ingles para sa kanila upang tayo at ang banyaga ay magkaunawaan. Tandaan nating maraming kalapit-bansa ang Pilipinas na umunlad na sa panahong ito. Ngunit tingnan natin kung sila ba ay bihasa sa wikang Ingles? Hindi daan sa pag-unlad ng bayan ang wikang banyaga. Huwag nating ikahiya ang Tagalog, Bisaya, Kapampangan, Ilonggo, Ilokano at marami pang wika sa Pilipinas. Pagyamanin natin ito para makamtan natin ang pag-unlad na maaari nating ialay sa ating mga anak at susunod pang henerasyon. Napakaganda po ng sinulat ninyo!