Grado bilang sukatan ng karangalan at kahusayan?

N.B. – This was published in the December 17-23, 2010 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://pinoyweekly.org/new/2010/12/grado-bilang-sukatan-ng-karangalan-at-kahusayan/.

Sa wikang Ingles, may dalawang pangunahing isinusulong sa mga pamantasan: Honor and excellence. Wala namang debate sa pangangailangan ng karangalan at kahusayan. Pero nagkakaroon ng problema kung may pagkakaiba sa sukatan ng dalawang konsepto.

Isang malaking isyu ngayon para sa iilang lider-estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman ang kaso ng tagapangulo ng University Student Council (USC) na natanggal sa kanyang kinukuhang programa dahil sa mababang grado. Ayon sa partidong katunggali niya, nararapat lang daw na magbitiw na siya sa USC dahil hindi siya magandang halimbawa sa iba pa.

Bago ang diumanong malaking bagay na ito, nagkaroon din ng problema ang dating Student Regent (SR) na taga-UP Baguio dahil sa katayuang pang-akademiko (academic standing). Natanggal din siya sa kanyang kinukuhang programa dahil bumagsak siya sa nag-iisang kursong kinuha niya noong nakaraang semestre. Sa isang panayam sa midya, inamin naman niya ang kanyang kakulangan. Dahil sa nangyari, kinailangan siyang palitan ng ikalawang kandidato para SR kamakailan lang.

Bilang guro’t administrador sa kolehiyo, hindi ako dapat nakikialam sa problema ng mga estudyante. Pero bilang dating lider-estudyante noong hayskul at peryodistang pangkampus noong kolehiyo, hindi ko mapigilang magkomento dahil tila nakakalimutan ng iilang lider-estudyante ang katungkulan nila.

Hindi po ito para sa dalawa, kundi para sa iba pang patuloy na bumabatikos sa kanila. Hindi ito pagpuna sa dalawang lider-estudyante na natanggal sa kanilang kinukuhang programa sa UP Diliman at UP Baguio. Alam naman nila ang kanilang kakulangan at tinatanggap naman nila ito.

Hindi naman talaga maikakaila ang kanilang hindi magandang katayuang pang-akademiko. Iisa lang ang sukatan ng huli, at ito ay ang pinal na grado: Sa kaso ng UP, uno (1.0) kung napakagaling, singko (5.0) kung napaka…ano? BOBO?

May konteksto sa bawat gradong nakukuha, at ang singko’y hindi nangangahulugan ng mapurol na utak. May estudyanteng bumabagsak sa kurso dahil lumiliban sa klase, hindi nagsusumite ng mga hinihingi ng propesor, hindi nakakakuha ng magandang grado sa mga eksaminasyon. Alam kong marami ka pang dahilang masasabi, at hindi ako tututol kung isa rito ay ang subhetibong katangian ng pagbibigay ng grado. Sa ngalan ng grado, nagkakaroon ng mga estudyanteng tinatawag na “sipsip.” May mas malala pa nga raw sa mga sipsip; sila ang mga “higop.”

Sa kaso ng mga aktibista (tulad ng dalawang “problemadong” lider-estudyante), hindi na nila kailangang amining ang kanilang mabababang grado ay dahil sa kanilang patuloy na pagkilos at paggampan ng kanilang tungkulin. Totoo mang dapat nilang ayusin ang kanilang katayuang pang-akademiko (o pataasin ang kanilang grado kung gusto nilang manatili sa pamantasan), hindi dapat mawala ang konteksto ng kanilang pinagdaraanan.

Nagtataka lang ako kung bakit hindi nakikita ng mga nagtataguyod diumano ng karangalan at kahusayan ang panlipunang kalagayang nagtutulak sa maraming estudyanteng kumilos sa halip na mag-aral. Kung sa tingin nila’y ginagampanan naman ng dalawang “problemadong” lider-estudyante ang kanilang sinumpaang tungkulin, bakit kailangang idiin ang kanilang partikular na kakulangan nang hindi sinusuri ang kanilang pangkabuuang kalakasan?

Para sa mga estudyanteng pinili ang isang buhay-aktibista, ang sukatan ng karangalan at kahusayan ay hindi ang matataas na grado o mga sertipiko’t medalyang nakukuha. Ang pagkilala’t pagpupugay ay nanggagaling sa pagkilos para sa pagbabago, sa pakikiisa sa iba’t ibang sektor ng lipunan para igiit ang iisang hangarin – hustisya, demokrasya at kaunlaran para sa mga pinagkaitan.

Sa konteksto ng aking pinagdaanan, ang aking pagiging tagapangulo ng student council noong hayskul at pagiging patnugot sa balita ng publikasyong pangkampus noong kolehiyo ay hindi testamento ng aking pagiging mahusay na lider-estudyante.

Noon, may maling pagtinging lubos na pinaniwalaan ko: Dapat daw na unahin ang pagiging estudyante sa pagiging lider. Sabi sa amin ng mga mas nakakatanda noon sa wikang Ingles, “You should be a student first, and a leader second.” Kaya nga raw ang termino sa wikang Ingles ay student leader dahil ang pagiging estudyante’y isang prayoridad. Napakaganda ng paliwanag sa amin noon, hindi ba?

Nadala kami noon sa ganda ng retorika. Hindi na namin nakita ang katotohanang hindi dapat pinaghihiwalay ang papel ng isang estudyante sa lipunang kanyang ginagalawan. Mahusay ang retorika pero maraming kahinaan sa paliwanag. Hindi nakita ang kahalagahan ng sakripisyo, pati na ang paglalaan ng kaukulang panahon para sa anumang gawaing kailangang matapos.

Dahil dito, kami ay napako sa pagpapataas ng grado habang kumikilos diumano para sa pagbabago (kung may panahon pa kami). Kung tutularan ng kasalukuyang kabataan ang aming gawi, ano na lang ang mangyayari sa mga pamantasan? Sa panahong kinakailangan ang pagkilos para sa mga importanteng kampanya tulad ng pagkaltas ng badyet sa state universities and colleges (SUCs), siguro’y magiging imposible ang panawagan para lumabas ng klase ang mga estudyante.

Oo, may puna ako sa ilang lider-estudyante, at ito ay ang pagkapako nila sa matataas na grado. Hindi po rito nasusukat ang karangalan at kahusayan sa pamantasan. May katanggap-tanggap na paliwanag sa sakripisyong ginagawa ng iilan para sa kabutihan ng pangkalahatan. Problema mang matatawag ang pagkakaroon ng mababang grado, hindi dapat mawala ang konteksto kung bakit nagkakaganito.

Simpleng tanong lang sa puntong ito: Anong klaseng lipunan ba ang nagtutulak sa maraming kabataang kumilos para sa pagbabago sa murang edad? Mas mainam na ang pambansang kalagayan ang pag-aralan sa halip na mabababang gradong nagresulta hindi dahil sa kabobohan. Sa kontekstong ng lipunang ginagalawan, hindi ba’t nagiging “maliit” na bagay ang katayuang pang-akademiko?

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

One thought on “Grado bilang sukatan ng karangalan at kahusayan?”

  1. This is a very good article Sir dahil nakasasabay po ako bilang isang lider-edtudyante.
    (1) Bakit nga ba kapag isinalin ang student leader sa Filipino ay nagiging lider-estudyante? Kung iyon ang dahilan sa Ingles ay bakit hindi rin natin tignan sa Filipino hindi po ba? Eh kung magkaganoon ay nauuna ang lider.
    (2) Ako’y isa rin sa tinatawag na lider-estudyante ngayon sa aming unibersidad bilang Punong Patnugot ng unibersidad. Nagkaroon na rin po ako ng gradong “5.00” sa kursong Batsilyer ng Statistika. Kung ganoon ay maaalis na rin ako sa aking katungkulan? Katunayan niyan, nasa ikalawang taon na ako bilang punong patnugot sa aming publikasyon, kung gayon ba ay dalawang taon na rin kaming nagsisinungaling sa aspetong iyan?
    (3) Ang pagiging lider-estudyante ay hindi nasusukat sa akademikong pamamaraan. May mga taong sadyang pinalad na maging matalino at magaling din na lider-estudyante. Mayroon din naman hindi pinalad na makuha ang dalawa.
    (4) Napakagandang artikulo po ito para sa lahat ng mga lider-estudyante sa lahat ng mga unibersidad lalung-lalo na sa mga nagprotesta sa pagbabawas-pondo sa SUCs.
    (5) Thumbs up Sir!

    – Anthony Abalos, CLSU

    Sagot: Salamat sa komento. Ilang punto lang:

    (1) Lider-estudyante at student leader: Magandang obserbasyon sa pagsasalin sa wika, pero hindi ito usapin kung alin ang nauuna. Integral ang pagiging estudyante’t pagiging lider, at ang mas pundamental na usapin ay kung paano naiuugnay ang sarili sa pangkalahatan. Hindi dapat pinaghihiwalay ang dalawang konsepto (lider at estudyante).

    (2) Depende ang katayuan mo sa publikasyon sa alituntunin ng CLSU. Mas mainam na pag-ingatan ang katayuang pang-akademiko, pero dapat pa ring handang ipaglaban ang pagbabago ng depenisyon ng tinatawag na good academic standing. Minsan kasi’y ipinagpipilitan ng administrasyon o ilang grupong pang-estudyanteng may ilusyon ng kanilang “katalinuhan” na dapat na matataas ang grado ng mga namumuno. Iba ang konteksto ng lipunan sa kasalukuyan kumpara sa nakaraan. Kung noon ay nakaya ng ilan sa amin (patunay ang pagiging cum laude ko), hindi ito nangangahulugang mas matalino kami. Nagkataon lang na mas kakaunti ang kampanya noon at mali ang katangian ng naging pamumuno sa amin. Ito nga ang dapat nating iwasto.

    (3) Kailangang maging malinaw kung ano ang ibig sabihin ng “matalino” at “magaling.” Hindi porke’t mataas ang grado ay awtomarikong matalino na. Hindi ito usapin ng pagiging mapalad dahil ang talino’t galing ay nakukuha sa mahabang panahon ng teorya’t praktika.

    (4) at (5) Salamat!

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.