Porsche ni Aquino at etika ng pamamahala

N.B. – This was published in the January 14-20, 2011 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://pinoyweekly.org/new/2011/01/porsche-ni-aquino-at-etika-ng-pamamahala/.

Sino kaya ang mali at tama kung ang magkabilang panig ay ipinagpipilitang may katwiran sila?

Gagawin ba nating pamantayan ang katayuan sa lipunan? Mainam kayang batayan ang husay sa pakikipagtalastasan? Puwede kayang hayaan na lang para wala nang pagtalunan?

Siguro’y may opinyon ka tungkol sa desisyon ni Pangulong Noynoy Aquino na bumili ng isang “third-hand” na Porsche noong Pasko. Sabi niya, hindi naman kaban ng bayan ang kanyang ginamit. Ibinenta raw niya ang kanyang lumang BMW para makuha ang bago niyang laruan na nagkakahalaga diumano ng P4.5 milyon.

Tulad ng inaasahan, ipinagtanggol ni Presidential Spokesperson Edwin Lacierda ang Pangulo sa isyung ito. Wala naman daw mali sa isang pribadong transaksyong gumagamit ng personal na pondo. Dahil walang pinagnakawan at walang pinagtakpan, dapat ay hayaan na lang si Pangulong Aquino sa kanyang bagong laruan. “How the president spends his personal funds is entirely his own discretion and I think that should not be used to sow intrigue. If there’s anybody planning to do that, let’s respect the president’s private transactions…He’s subject to scrutiny as a public official, I will grant you that. [But] what he does, again, privately is entirely his own discretion and I think we should allow him some private space,” sabi ni Lacierda.

Bakit ba kailangan pang bumili ni Pangulong Aquino ng Porsche na ito? “Kung maaliwalas naman po at nakaka-relax tayo paminsan-minsan, siguro naman po kapaki-pakinabang [Porsche] ‘pag gumagawa tayo ng desisyon…Ano bang masama na habang may kakayahan pa po akong magmaneho ng ganoong klaseng sasakyan, dahil siguro naman pagbaba ko or in 10 years from now, iba na ang ating reflexes, so ganoon po ‘yun at hindi naman po ako siguro pupunta ng videogame para sumubok ng [karanasang] ‘yon,”sabi niya sa isang panayam sa midya.

Sa pamantayan ng mga nasa kapangyarihan, walang mali dahil ang transaksyon naman, bukod sa pagiging pribado, ay legal. Hindi ito sakop ng Memorandum Circular No. 9 (Disyembre 14, 2010) na nagbabawal sa paggamit ng pondo ng gobyerno para bumili ng luxury vehicles. Gaya ng nabanggit, sariling pera ang ginamit ng Pangulo.

Kung tatanungin naman ang mayayaman, hindi nila nakikita ang anumang iregularidad. Sa katunayan, hindi malaking isyu ito para sa kanila! Sa perspektiba pa nga ng mga may pera, baka nagtataka pa sila kung bakit pinagtitiyagaan ng Pangulo ang isang third-hand na Porsche samantalang kayang kaya naman niyang bumili ng brand new.

Kung sakaling nakalimutan mo na, hindi lang po siya isang Aquino. Isa po siyang Cojuangco kaya kabilang siya sa angkang may monopolyo ng malaking bahagi ng lupain at negosyo sa bansang Pilipinas. Sa kontekstong ito, maiintindihan mo kung bakit ang kanyang konsepto ng libangan ay ang pagmamaneho ng mamahaling sasakyan. Ano pa ba ang maaasahan mo sa isang taong lumaki sa luho? Para sa mga katulad ni Pangulong Aquino, barya lang ang milyon-milyong pisong ginagastos na kailanman ay hindi mahahawakan ng ordinaryong manggagawa kahit na ilang dekada siyang mag-ipon ng kanyang kakarampot na sahod.

Sa pamantayan ng ilang mayayaman, malaking sakripisyo na ang bumili ng segunda manong sasakyan, kaya hindi masusukat ang sakripisyo ni Pangulong Aquino dahil third hand “lang” ang kanyang binili! Ang luxury vehicles tulad ng Porsche ay sukatan ng katayuan, kaya walang dahilan ang mayayaman para tipirin ang imahe nila.

Kailangang tandaang para sa ilang mayayaman, ang simpleng pagpunta sa isang pagtitipon ay kailangang dramatiko’t may matinding epekto. Sa wikang Ingles, kailangan ang “arrival in style.” Hindi papasa sa panlasa nila ang pagsakay sa isang “ordinaryong” behikulo. Pagdating sa lugar na nais puntahan, kailangang bumaba sila sa isang luxury vehicle na kung saan mapapatingin at maiinggit ang lahat.

Sa kontekstong ito, maiintindihan natin ang tila asal-batang pagtatampo ni Pangulong Aquino sa kritisismo, lalo na ang kanyang pahayag na makabubuti sa bansa kung maganda ang kanyang disposisyon (matapos ang pagmamaneho ng Porsche) sa kanyang paggawa ng mahahalagang desisyon.

Mapagbibigyan sana ang ganitong klaseng luho, gamit ang personal na pondo, kung ang taong gumagawa nito ay hindi Pangulo ng naghihirap na bansa. Pero kailangan sigurong ipaalala kay Pangulong Aquino na ang nakararaming mamamayan ay nabubuhay sa kakarampot sa gitna ng nagtataasang presyo ng produkto’t serbisyo.

Ano ba ang kaibahan ng kanyang pagbili ng Porsche sa kritisismo ng kanyang administrasyon sa mga walang batayang gastusing ginawa ng nakaraang administrasyon? Ibig sabihin ba nito’y katanggap-tanggap din, halimbawa, ang paggastos ng $35,000 o P1.7 milyon nina dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong 2009 para kumain sa Le Cirque (New York) at Bobby Van’s Steakhouse (Washington) dahil personal na pera naman diumano ng dalawang miyembro ng House of Representatives ang ginamit?

Kung babasahin lang ni Pangulong Aquino ang buong teksto ng Republic Act No. 6713 (Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees), malalaman niyang may malinaw na pamantayan sa simpleng pamumuhay ng mga opisyal at empleyado ng gobyerno.

Basahin natin ang nakasaad sa Sec. 4 (h): “Simple living. – Public officials and employees and their families shall lead modest lives appropriate to their positions and income. They shall not indulge in extravagant or ostentatious display of wealth in any form.”

Huwag sana nating gamiting batayan ang pamantayan ng iilang mayayaman dahil ang pamahalaan ay dapat na nagsisilbi sa nakararami. Si Pangulong Aquino mismo ang nagsabing ang huli ay ang boss niya. Kaya sa pamantayan ng nakararaming mahihirap na walang ilusyong magkakaroon ng Porsche, malinaw na extravagant at ostentatious display of wealth ang pagbili ni Pangulong Aquino ng kanyang bagong laruan.

Dahil hindi galing sa hirap si Pangulong Aquino at ang marami sa mga dumedepensa sa kanya, hindi nila naiintindihan ang kolektibong galit ng mga pinagkaitan. Kahit na walang ninakaw sa kaban ng bayan, wala pa ring karapatan ang Pangulong ipangalandakan ang kanyang yaman habang naghihirap ang karamihan.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.