Ang Kulê sa panahon ng personal at pulitikal na pag-aalinlangan

N.B. – This was published in the souvenir program of the Philippine Collegian Grand Alumni Homecoming on October 7, 2011 at Ang Bahay ng Alumni, UP Diliman. The full text of this article is also uploaded in http://www.philippinecollegian.org/ang-kule-sa-panahon-ng-personal-at-pulitikal-na-pag-aalinlangan/.

Malaking bahagi ang progresibong pahayagan sa pagharap sa anumang pag-aalinlangan.

Naging “newsie”* ako sa Philippine Collegian (o Kulê) noong 1988. Hindi tulad ng maraming kakilala’t kaibigang taga-Kulê, wala akong mahabang karanasan sa pagsusulat. Sa katunayan, kinuha ko lang ang kursong Peryodismo sa UP Diliman bilang pagtugon sa hamon ng kapatid kong lumabas sa aking “comfort zone” ng Agham at Matematika.

Ang kawalan ng kakayahan sa pagsusulat ay ugat ng aking personal na pag-aalinlangan. Hindi rin nakatulong ang aking pulitikal na kababawan sa pag-intindi sa mahalagang papel ng pahayagang pangkampus. Nang magsimula akong maging “probee” ng Kulê, hindi nakakagulat na wala akong konsepto ng pag-uulat bilang pagmumulat, pati na rin ng peryodista bilang aktibista.

Pero ang pambansang sitwasyon ay nakapagpabago sa aking personal na disposisyon. Ang huling bahagi ng dekada 80 ay wala kasing pagkakaiba sa kasalukuyang panahon. Ito ang panahon ng pakikibaka para sa tunay na repormang agraryo. Mainit din ang debate sa isyu ng pananatili ng mga base militar at armas nukleyar ng mga Kano. Napakaraming insidente ng paglabag sa karapatang pantao dahil sa “total war policy” ng pamahalaan. Tunay na madaling matulak sa aktibismo ang maraming estudyante noong panahong iyon.

Ang paghuhubog ng opinyong pampubliko, ayon sa aking mga patnugot, ay kailangang gawin sa pamamagitan ng tamang datos at malalim na pagsusuri. Unti-unti kong naigpawan ang pulitikal na kababawan sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na pagbabasa at pakikisalamuha. At dahil sa lingguhang pangangailangang makapagsulat ng mga balita (na nangangahulugang higit pa sa isang artikulo ang kadalasang ibinibigay sa mga patnugot), unti-unti akong nasanay sa epektibo’t mabilisang pagsusulat.

Sadyang marami kang matututuhan sa pagtatrabaho sa isang pahayagang pangkampus tulad ng Kulê na bahagi ng tinatawag na alternatibong midya. Nagiging normal na kalakaran hindi lang ang pagsusulat kundi ang pagpupuyat. Nagiging katanggap-tanggap ang paggampan sa mabigat na gawain kahit na walang kapalit na malaking pera (at kung minsan nga’y abonado ka pa).

Nakikita mo kasi ang kahalagahan ng pagpapayaman ng kaalaman, bukod pa sa pagsisilbi sa interes ng nakararaming mamamayan.

Ang iyong progresibong pag-uulat ay tinitingnan bilang kagyat na pangangailangan.

Higit pa sa prestihiyo ng pagiging bahagi ng opisyal na pahayagan ng mga mag-aaral ng pinakamalaking kampus ng pambansang unibersidad, alam mong isang malaking responsibilidad ang pagpapatuloy ng mahabang kasaysayan nito ng progresibong pag-uulat tungo sa malawak at malalim na pagmumulat. Pero higit pa sa paggising sa natutulog na kamalayan, alam mong may papel din ang midya sa organisadong pagkilos tungo sa sa makabuluhang pagbabago. Sa kontekstong ito, hindi ka magdadalawang-isip na maging bahagi ng pagkilos at gamitin ang peryodismo para isulong ito.

Bilang bahagi ng Kulê, alam mong sa simula lamang ang iyong personal at pulitikal na pag-aalinlangan. Sa paglipas ng panahon, unti-unting lumilinaw ang lahat, sa puntong hindi mo na maikakaila ang iyong “tunay” na kulay.

Kahit na itim ang tinta ng iyong pluma, nananatiling pula ang diwa ng iyong pakikibaka.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.