Eleksiyon at ang retorika ng daang matuwid

N.B. – This was published in Pinoy Weekly (February 16, 2013), the full text of which may also be retrieved from http://pinoyweekly.org/new/2013/02/eleksiyon-at-ang-retorika-ng-daang-matuwid/.

Kung susuriin ang retorika ng mga kandidatong tumatakbo sa ilalim ng Team PNoy, tinatahak daw nila ang “daang matuwid.” Para naman sa mga kandidato ng United Nationalist Alliance (UNA), ang kanilang itinataguyod naman diumano ay ang “magandang daan.”

May pagkakaiba ba ang daang matuwid at maganda? Wala, kung iisiping iisa lang ang direksiyong tinatahak ng Team PNoy at UNA. Kahit ang mga lider sa likod ng UNA ay inaaming suportado nila si Pangulong Noynoy Aquino bagama’t handa silang bumatikos sa anumang polisiyang taliwas sa interes ng mamamayan. Sa ganitong konteksto nila ipinapaliwanag ang kanilang pagiging “constructive opposition.”

Kung matatandaan, unang ginamit ang katagang “daang matuwid” noong 2010 nang maging kandidato sa ilalim ng Liberal Party (LP) si Aquino para sa pangulo. Layunin noon ng LP na ipakita ang kaibahan ni Aquino kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Kung si Gloria ay marumi, si Noynoy ay malinis. Kung ang administrasyong Arroyo ay tinahak ang baluktot na daang nagpahirap sa maraming mamamayan, ang administrasyong Aquino naman ay patuloy na nangangako ng matuwid na daang magpapaunlad sa bayan.

Masasabing epektibo ang retorika sa dalawang dahilan. Una, nahalal na pangulo si Aquino. Ikalawa, nananatiling mataas ang kanyang rating, isang bagay na sinasamantala ngayong panahon ng kampanya ng Team PNoy. Kung tutuusin, ang mismong paggamit ng salitang “PNoy” ay isang pagtatangka ng mga kandidatong sumakay sa nakikitang popularidad ng kasalukuyang pangulo.

Hindi naman maikakaila ang matataas na rating na kasalukuyang nakukuha ni Aquino, bagama’t kapansin-pansin ang panaka-nakang pagbaba habang nagtatagal siya sa panunungkulan. Ang kasalukuyang “popularidad” ni Aquino batay sa mga survey ang magpapaliwanag kung bakit maingat ang mga nasa lider at kandidato ng UNA na direktang batikusin si Aquino.

Pero paano ba isasakonteksto ang matataas na rating ni Aquino? Tandaan nating ang kanyang sinundan ay si Arroyo, isang pangulong nakakuha ng negatibong net satisfaction ratings. Kung babalikan ang introduksiyon ng libro kong Hay, Buhay! (UP Press, 2012), sinulat ko ang argumentong ito: “Kung pagbabatayan…ang mga survey ng Social Weather Stations (SWS) tungkol sa net satisfaction ratings ng mga pangulo ng Pilipinas mula 1986 hanggang 2009, lumalabas na si Macapagal-Arroyo ang `pinakamalalang pangulo ng bansa.’ Kumpara sa tatlong pangulong nauna sa kanya (i.e., Corazon Aquino, Fidel Ramos at Joseph Estrada), siya lang ang nakakuha ng mga negatibong net satisfaction rating, at sunod-sunod na nangyari ang sitwasyong ito mula noong Oktubre 2004. Hindi nakakagulat na ang opinyong pampubliko ay hindi panig kay Macapagal-Arroyo sa malaking bahagi ng termino niya.”

Malinaw na may pagkakahalintulad ang panunungkulan nina Cory Aquino at Noynoy Aquino: Kung ang kanyang ina ay naging pangulo pagkatapos ng panunungkulan ng isang diktador, si Noynoy Aquino naman ay kasalukuyang nanunungkulan pagkatapos ng isang pangulong ninais patalsikin ng malawak na mamamayan. At dahil hindi maiiwasang ikumpara ang disposisyon ni Pangulong Aquino sa sinundan niya, ginagamit ng mga nasa kapangyarihan ang lahat ng pagkakataon para ipaalala ang mga kasalanan ng nagdaang administrasyon.

Kung may tinaguriang “Cory magic” noong panunungkulan ni Cory Aquino mula 1986 hanggang 1992, layunin ng kasalukuyang administrasyong maging “Noynoy magic” ang retorika ng daang matuwid. Sa konteksto ng halalan, inaasahan naman ang paggamit ng iba’t ibang retorika para magpalaganap ng mensahe. Pero nagkakaroon tayo ng problema sa sitwasyong ang retorika ay ginagamit para mapagtakpan ang katotohanan.

At ano ba ang katotohanan sa likod ng retorika? Tulad ng “popularidad” ni Pangulong Aquino, kailangang isakonteksto ang “daang matuwid” sa mga kasalukuyang polisiya’t patakaran ng pamahalaan. Hanggang ngayon ay kitang kita pa ang pagpapatuloy ng kaayusang nagpapahirap sa maraming mamamayan – kawalan ng trabaho, mababang suweldo, mataas na presyo ng bilihin, pribatisasyon ng mga batayang serbisyo, demolisyon ng mga bahay ng maralita sa kalunsuran, militarisasyon sa kanayunan, paglabag sa karapatang pantao tulad ng pagdukot at pagpatay, pagpapatupad ng mga mapanupil na batas tulad ng Cybercrime Prevention Act of 2012 at marami pang iba. Sadyang napakahaba ng listahan ng litanya ng mahihirap!

Hindi sapat ang sabihin ng mga opisyal ng gobyernong kailangang bigyan sila ng sapat na panahon para tuparin ang mga pangako nila nang magsimula silang manungkulan noong 2010. Kailangang tandaan ng mga nasa Malakanyang na nangangalahati na sila sa kanilang anim-na-taong termino. Kung may pagbabago, dapat ay nararamdaman na ito sa kasalukuyan.

Ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, halimbawa, ay matutugunan sa pagbabasura ng Downstream Oil Deregulation Act of 1998 at pagtatanggal ng value- added tax sa ilang produkto. May pagtatangka ba ang kasalukuyang administrasyong seryosong pakinggan ang mga argumento at pag-aralan ang posibilidad ng pagpapatupad nito?

Kung mayroong dapat mangyari sa darating na halalan, ito ay ang pagsasakonteksto ng popularidad ng kasalukuyang pangulo at ang pagsusuri sa retorika ng “daang matuwid.”

Maraming dapat itanong sa mga kandidato ng Team PNoy at UNA: Tuwid at maganda nga ang daan pero saan ba ito patungo? Sino-sino ang naglalakad at nakakaladkad sa biyaheng ito? Sino ba ang makikinabang pagdating sa dulo?

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

One thought on “Eleksiyon at ang retorika ng daang matuwid”

  1. If politicians will take the road not taken–one free from bribes, SOPs, jueteng money, and greediness of power–they’ll surely make a big difference. Looking at the line-up of the LP and UNA, parang pare-pareho lang sila e.

    Reply: Thank you for your feedback. Mabuhay ka!

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.