N.B. – This was published in Pinoy Weekly (November 30, 2013), the full text of which may also be retrieved from http://pinoyweekly.org/new/2013/11/bonifacio-at-ang-tunay-na-pagbabago/.
Malapit sa puso ng mga nagsusulong ng panlipunang pagbabago si Andres Bonifacio, lider ng Katipunan. Sa okasyon ng kanyang ika-150 kaarawan sa Nobyembre 30, 2013, nangyari ang iba’t ibang aktibidad para bigyang-pugay ang tinaguriang Supremo.
Anuman ang iyong politikal na paniniwala, hindi kasi maikakaila ang kanyang kabayanihan. Noong panahon ng pananakop ng mga Kastila, malinaw ang kanyang paninindigan laban sa kolonyalismo at para sa kalayaan. At dahil alam niyang hindi basta-basta mapapaalis ang mga Kastila, isinulong niya ang rebolusyonaryong pagkilos.
Hanggang ngayon, hindi pa rin malinaw ang batayang datos sa ilang mahahalagang pangyayaring may kaugnayan sa Kataastaasang Kagalanggalangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan (KKK o Katipunan), pati na rin sa sa ilang bahagi ng buhay ni Bonifacio.
Halimbawa, patuloy ang debate kung kailan at saan ginawa ang tinaguriang ”Sigaw ng Balintawak” (o ”Sigaw ng Pugadlawin”). Dito nanawagan si Bonifacio ng paghawak ng armas para labanan ang mga Kastila. Pinunit ng mga dumalong Katipunero ang sedula bilang simbolo ng kanilang hindi pagkilala sa dayuhang mananakop.
Tungkol naman sa buhay ni Bonifacio, pinagtatalunan pa rin ang katotohanan tungkol sa pagkamatay niya at ng kanyang kapatid na si Procopio. Hinatulan daw siyang mamatay ng paksyong Magdalo ng Katipunan dahil siya ay napatunayang taksil sa rebolusyon. May argumento namang kinailangan siyang patayin dahil gusto ng paksyong Magdalo na pamunuan ang buong Katipunan.
Pati ang mismong paraan ng pagpatay kay Bonifacio ay hindi malinaw. Nariyan ang argumentong sinubukan niyang tumakas kaya siya binaril. May nagsasabi namang walang-awa siyang pinagtataga kahit na hinang hina na siya sa mga sugat na natamo bunga ng kanyang pagkaaresto. Aba, kahit ang lugar na pinaglagyan ng mga bangkay ng magpakapatid niya ay hindi malinaw! Ito ang dahilan kung bakit hanggang ngayon, hindi pa rin alam kung ang mga butong nakuha noong 1918 ay talagang kay Bonifacio. Ito rin ang dahilan kung bakit hanggang ngayon, wala pa ring disenteng libing na ibinibigay sa tinaguriang Supremo.
Ang mga kontrobersiya kaya ang dahilan kung bakit walang masyadong atensiyong ibinibigay sa Mayo 10, 1897 (ang araw ng pagkamatay ng magkapatid na Bonifacio)? Bagama’t wala akong nakikitang problema sa pag-alala sa kanyang kaarawan, mainam na balik-balikan ang buhay at kamatayan ni Bonifacio kahit na iba’t ibang bersyon ang alam natin. Mahalaga ring suriin ang pinagdaanan ng Katipunan bilang rebolusyonaryong organisasyon. Tutukan natin ang tunggalian sa dalawang paksyong Magdalo at Magdiwang bilang repleksiyon ng pagkakaiba ng interes ng mayayaman at ng mga pinagkaitan. Bagama’t may debate pa rin kung si Bonifacio ba ay nabibilang sa panggitnang-uri (middle class) o uring anakpawis, malinaw na nabibilang ang mga katunggali niya sa mas nakatataas na uring panlipunan (social class).
Sa ganitong konteksto ng tunggalian natin dapat suriin ang katotohanang namatay ang magkapatid na Bonifacio dahil sa desisyon ng paksyong Magdalo. Isang malaking kontradiksiyon ang kinasadlakan ng Supremo – ang layuning mapagkaisa ang buong mamamayan ay nagbunga lang ng internal na tunggalian; ang binuo niyang kilusan ang naging dahilan ng kanyang kamatayan.
Kung may aral tayong makukuha mula kay Bonifacio, ito ay ang kahalagahan ng rebolusyonaryong pagkilos sa panahon ng pang-aapi. Siya at ang mga taga-suporta niya ay nagsisilbing inspirasyon sa iba’t ibang grupo’t indibidwal na isulong ang tunay na pagbabago sa lipunan – malaya mula sa mananakop at nagsisilbi sa interes ng karamihan ng mamamayan, lalo na ang pinagkaitan. Kailangang isiping may pangangailangan at karangalan sa paghawak ng armas para makamtan ang ipinaglalaban. Pero dahil kailangang matuto sa kinasadlakan ng magkapatid na Bonifacio, dapat na may ibayong pag-iingat para mawala ang internal na tunggalian sa kilusan.
Ang patuloy na pagkilos sa kasalukuyan ay nangangahulugan ng malalim na pagkakaunawa sa kasaysayan. Simple lang ang dahilan ng patuloy na pakikibaka: May rebolusyong kailangang isulong dahil may lipunang kailangang baguhin!
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.