Social media at halalan

N.B. – A student from the University of the Philippines (UP) Diliman emailed these questions written in Filipino regarding the role of social media in the 2016 national and local elections. Feel free to go to my YouTube channel if you want to watch some of my TV interviews on the topic.

Sa paanong paraan nakakaapekto ang mga social media platform tulad ng Facebook, Twitter at Instagram sa political landscape ng bansa ngayon?

Bilang bahagi ng bagong midya (new media), ang social networking sites ay nakakatulong sa pagpapalaganap ng impormasyon, pati na misimpormasyon. Ang isang ordinaryong mamamayan ay nagkakaroon ng pagkakataong ipahayag ang kanyang saloobin sa mga isyu, gayundin ang mga sikat na personalidad at grupo. Pero hindi pantay ang katayuan ng mga gumagamit ng social media dahil nakadepende pa rin ang saklaw ng naaabot sa (1) kaalaman sa platapormang ginagamit (o pagiging social media-savvy); (2) pera o iba pang rekursong kayang magamit (e.g., legal na sponsored posts, hindi-legal na army of trolls); at (3) reputasyon o kasikatan batay sa track record na online at offline (e.g., celebrity status ng social media user).

Naging importanteng mekanismo ba ito ng demokrasya sa bansa? Kung oo, gaano kaimportante ang ginampanan nitong papel sa nagdaang campaign period?

Sinasabing ang pagkakaroon ng kalayaan sa Internet ay bahagi ng kalayaan sa pamamahayag at pamahayagan. Sa konteksto ng kampanya tuwing eleksiyon, dapat tingnan ang social media bilang isa sa maraming larangan ng daluyan at tunggalian. Hindi pa rin dapat kalimutan ang tinaguriang lumang midya (old media), lalo na ang telebisyon na, ayon sa pag-aaral ng Pulse Asia, ay sinasabing pinakamakapangyarihang midyum sa usapin ng pagpili ng kandidato. Ito ang dahilan kung bakit sa kabila ng pagtaas ng Internet penetration rate sa mga nagdaang taon (suriin ang datos ng Pilipinas mula sa internetlivestats.com para sa detalye), pinipili pa rin ng mga kandidato’t politikal na partidong bumili ng ad spots sa mga TV station, lalo na sa mga nangungunang network.

Tila dumating na sa nakakaalarmang punto ang kaliwa’t kanang pagbabangayan sa social media ng mga supporter ng mga kandidato nitong nagdaang campaign season, ano kaya ang nagtutulak sa mga netizens upang gumawa ng mga ganitong pahayag at/o aksyon? At ano ang sinasabi nito sa pakikibahagi ng mga Pilipino sa diskursong pampulitika sa bansa?

Ang madamdaming awayan kahit ng magkakaibigan sa social media ay bunga ng kolektibong pagnanais ng pagbabago sa ating bansa. Anuman ang ideolohikal o politikal na paniniwala, may pagkilala ang nakararaming Pilipino (kahit na hindi botante) sa mga problema ng lipunan. Ito ang dahilan kung bakit ang mga ayaw sa kasalukuyang kalakaran ay nagiging desperado sa pagbabago kaya mabilis na napapaniwala sa pangako ng nangungunang kandidato sa pagka-Presidente na, halimbawa, kaya niyang bawasan ang kriminalidad sa loob lamang ng anim na buwan. Naghahanap kasi ang maraming Pilipino ng kongkretong alternatibo, o sa kaso ng eleksiyon ay alternatibong kandidato. Para naman sa pumapanig sa kasalukuyang administrasyon, lalo na ang mga nakikinabang sa kasalukuyang kaayusan, patuloy ang paggamit nila ng rekurso ng gobyerno para mapanatili sa puwesto at maipanalo ang kanilang kandidato.

Maituturing ba talagang epektibong lunsaran ng pagkadismaya ang social media sa mga usaping politikal ng bansa? Paano ito nakakatulong upang mapabuti ang sistemang pampulitika ng bansa?

Ang social media ay isang instrumento lamang at ang epektibidad nito ay depende sa gumagamit. Para sa isang political operator, nakakaya niyang kumuha ng army of trolls para maghasik ng misimpormasyon at intimidasyon sa mga may kakaibang pananaw. Para sa isang ordinaryong mamamayan, ginagamit naman niya ang kanyang social media account para sa pagpapahayag ng mga personal na saloobin na puwedeng puno ng kababawan o kaseryosohan. Posible ring magamit ang social media para matupad ang personal na pantasya o aspirasyon ng isang tao, kung saan ang kanyang persona sa social media ay kakaiba sa kanyang disposisyon sa “tunay na buhay” (e.g., iba ang kanyang pangalan, kabaligtaran ang personalidad na ipinapakita sa online).

Sa darating na halalan, maituturing bang “game-changer ang social media”?

Oo at hindi. Nagiging “game-changer” ang social media kung ang isang bagay (post, larawan, bidyo) ay nagiging viral at ito ay nakokober ng iba pang midya, lalo na ng telebisyon. Sa madaling salita, kailangan ang komplementasyon (complementation) ng bago at lumang midya para sa tuluyang pagpapalaganap ng impormasyon. May mga pagkakataong ang isang balita ay unang pumuputok sa social media at nalalaman na lang ito ng mas malawak na publiko kung naibabalita rin sa print at brodkast. Sa kabilang banda, masasabing hindi naman nagiging “game-changer” ang social media kung ang isang bagay ay hindi nagiging viral at nagiging pansamantalang “ingay” lamang sa Internet na mabilis na nakalilimutan sa pag-usbong ng iba pang mga balita o isyu.

May kapasidad ba ang social media na maging pangunahing dahilan ng pagkapanalo o pagkatalo ng isang kandidato?

Sa aking palagay, ang kapasidad na ito ay nakaangkla pa rin sa komplementasyon ng lumang midya, lalo na ng telebisyon. Hindi dapat pagbanggain ang luma at bago dahil ang tinaguriang virality sa social media ay hindi dapat nalilimita sa iisang plataporma.

Sino ang mga pangunahing nakikinabang sa mga impormasyon, opinyon, diskursong o interaksyon nangyayari sa social media?

Bagama’t lahat ay may oportunidad na magkaroon ng access sa impormasyon at iba pang makukuha sa social networking sites, depende pa rin ito sa lawak ng network ng isang social media user. Sa ganitong sitwasyon, may likas na bentahe ang mga mas nakakaalam kung paano gumagana ang iba’t ibang plataporma sa social media, lalo na ang naghaharing-uri na kahit limitado ang teknolohikal na kaalaman ay kayang magbayad sa mga taong gagawin ang trabaho para sa kanila.

Paano nag-iiba ang talakayan ng mga isyung pampulitika sa social media sa tradisyunal na media?

Ang bentahe ng bagong midya na nakapaloob ang social media ay “convergence.” Ito ang sinasabing pinagsanib na “permanence of print” at “immediacy of broadcast.” Nagiging mabilis din ang tinatawag na feedback dahil sa likas na interactivity at connectivity ng mga social media platform. Dahil dito, mas mabilis na nakukuha ang saloobin ng publiko sa isang post, larawan o bidyo. Kumpara sa lumang midya, mas mabilis ang daloy ng komunikasyon sa bagong midya, partikular sa social media.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.