Libro bilang droga

N.B. – This was published in my Konteksto column for Pinoy Weekly on November 18, 2021, the full text of which may also be retrieved from https://pinoyweekly.org/2021/11/libro-bilang-droga/

Opo, adik ako sa libro.

Noon pa, mahilig na akong magbasa. Nagsimula sa komiks, nauwi sa magasin at napunta sa libro. Para sa katulad kong namulat noong Batas Militar (1972-1986), naging mahalaga ang mga komiks at magasin para malaman ang kahalagahan ng mga salita.

Salamat sa mga tindahang nagpapaarkila noon ng mga komiks at magasin, hindi na kailangang bumili ng mga ito. Kapalit ng ilang sentimo, nakakapili ako ng mga babasahin. At sa mga pagkakataong wala akong pera, minsan nga’y nakakalibre pa ako sa pag-arkila (salamat sa kabaitan ni Aling Mila). Dahil sa halos araw-araw kong pagbabasa, naging mas mabilis ang pag-intindi ko sa mga teksto.

Sa loob ng paaralan, napalitan ang tindahan ng silid-aklatan. Ito naman ang naging paborito kong tambayan. May mga pagkakataong hindi na ako nakakapagmeryenda para lang makapagbasa. Sa mga pagkakataong iyon, walang laman ang aking tiyan pero may laman naman ang isipan.

Sino ba naman ang hindi mahuhumaling sa libro? Nakakagutom ang hindi pagbabasa! Bawat pahina’y nagpapagana ng imahinasyon. Bawat kabanata’y pumupukaw ng kamalayan. Sadyang ang pag-uungkat ay may kaakibat na pagmumulat. Bukod sa mabilis na pag-intindi sa teksto, nagiging malalim ang pagsipat sa konteksto. Lumalawak ang kaalaman, lumalalim ang isipan. Para bang adik na nasa alapaap? Oo naman.

Hindi masamang maadik sa libro. Sa katunayan, dapat pa ngang hikayatin ang kabataang mahumaling dito. Sabi ng manunulat na si Richard Steele, “Reading is to the mind what exercise is to the body.” Para sa mas simpleng paliwanag, hayaan n’yo akong magbigay ng de-numerong pamantayan: “For every push-up, you should read up!”

Mahalaga ang libro kaya hindi dapat matakot dito. Hayaan ang mga silid-aklatang magparami’t magpalawak ng koleksyon para sa ikauunlad ng kaisipan ng mga estudyante. Pero bakit kabaligtaran ang pagtingin ng gobyerno?

Sa isang pahayag noong Nobyembre 2, sinuportahan ng Commission on Higher Education (CHED) ang desisyon ng Aklan State University, Isabela State University at Kalinga State University na magtanggal ng mga “subersibong” libro mula sa kanilang silid-aklatan. Ayon sa CHED, bahagi raw ito ng kanilang kalayaang pang-akademiko (academic freedom). Tila nakalimutan ng CHED na ang desisyon ng tatlong unibersidad ay dahil sa pang-uudyok ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac). Sa madaling salita, bahagi ito ng ginagawang witch-hunt ng gobyerno para masugpo ang mga tinaguriang komunista’t terorista.

Kung susuriing mabuti ang iba’t ibang kahulugan ng kalayaang pang-akademiko, hindi tumutugma ang adyenda ng CHED at NTF-Elcac sa dalawang dahilan: (1) Ang kalayaaang pang-akademiko ay nawawala kung ang sensura (censorship) ay ipinatutupad; at (2) Ang kalayaang pang-akademiko ay nakikita sa malayang palitan ng mga ideya, kabilang na ang mga tinitingnan ng gobyerno bilang kritikal at subersibo.

Ang kritikal na pagsusuri ay mahalaga sa makabuluhang edukasyon ng kabataan. Kung pagbabatayan ang sinulat noon nina Patrick Blessinger at Hans de Wit, “Without academic freedom, critical thinking cannot be cultivated, and without critical thinking, higher learning cannot be nurtured.”

Tulad ng walang batayang red-tagging ng NTF-Elcac, nakakaalarma ang pahayag ng CHED na ang mga tinanggal na libro sa tatlong unibersidad ay mula sa “government-declared Communist Terrorist Groups (CTGs).” Kailangan pa bang ipaalala sa CHED na ang akusasyon ng pagiging komunista o terorista ay nagreresulta sa iba’t ibang porma ng paglabag sa karapatang pantao, kabilang na ang pagpatay?

Huwag sanang kalimutan ng CHED na sa kaso ng Kalinga State University, nangyari ang pagtatanggal ng mga libro pagkatapos ng inspeksyon ng isang grupo ng pulis at sundalo sa kampus ng Bulanao. Sa ganitong konteksto dapat suriin ang naging pahayag ng University of the Philippines Diliman Office of the Chancellor Executive Staff: “Ang pagtatanggal na ito ay sumasalungat sa misyon ng mga pamantasan na makapagturo at makapagsaliksik nang malaya, at magpalaganap ng academic freedom.”

Sa gitna ng pandemya, inaasahan ang ligtas na pagbabalik ng mga estudyante sa kanilang eskuwelahan. Bukod sa silid-aralan, makakapasok na rin sila sa silid-aklatan. Paano mapapaunlad ang kanilang kaisipan kung ang mga libro doon ay pinapakialaman ng gobyerno? Bakit kailangang ipagbawal ang mga diumanong subersibo?

Kung tutuusin, ano nga ba ang kahulugan ng subersibo sa sitwasyong kung sino-sino na lang ang pinagbibintangang komunista’t terorista?

Malinaw ang mensahe ng gobyerno: Subersibo ang mga adik sa libro.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.