N.B. – Ito ay ang presentasyon ko sa pagdinig ng Senate Committee on Public Information and Mass Media noong Nobyembre 28, 2022 hinggil sa Senate Resolution No. 191.
Magandang pakinggan ang panawagang nakapaloob sa SRN 191 na magkaroon ng “inter-agency approach” sa pagbubuo ng mga polisiya para labanan ang pagkalat ng “pekeng balita.” Sa puntong ito, kailangang pagnilayan muna kung ano ang konteksto ng isyu. Hayaan po ninyong kumuha ako ng ilang punto mula sa papel na sinulat ko apat na taon na ang nakalipas nang dinepensahan ko ng terminong “fake news” bilang Salita ng Taon sa isang pambansang komperensya.
Binanggit kong sa pamantayan ng peryodismo, ang katotohanan ay batay sa dalawang klase ng katumpakan (accuracy) – (1) katumpakan sa datos (factual accuracy); at (2) katumpakan sa konteksto (contextual accuracy) (Lambeth, 1992). Malinaw na hindi sapat ang tamang datos dahil kailangang angkop din ang pagsusuri para masabing may nakalap na impormasyon. Sa madaling salita, ang datos at pagsusuri ay batayan ng impormasyong ginagamit para mahubog ang opinyong pampubliko. Puwedeng gumamit ng ganitong “journalistic equation” para maintindihan ang pagkakaugnay-ugnay ng tatlong konsepto:
Datos + Pagsusuri = Impormasyon
Dumating na tayo sa puntong ang “pekeng balita” ay isa nang industriyang pinagkakakitaan para mas sistematikong ikalat ang kasinungalingan (Hirst, 2017; Ong & Cabañes, 2018; Schnellenbach, 2017). At malaking kabalintunaan din kung iisiping ang mga kritikal sa gobyerno, pati na ang ilang organisasyong pang-midya, ay inaakusahang “peddler of fake news” (Placido, 2018, para. 3) samantalang ang ilang nag-aakusa ay nahuli na ring nagpapakalat ng “pekeng balita” (ABS-CBN News, 2018; Arias, 2017; Lartey, 2017).
Naglabasan na ang ilang pag-aaral sa “pekeng balita” at may mga akademiko nang sinubukang bigyan ito kahulugan. Halimbawa, ang depenisyon nina Allcott at Gentzkow (2017) ng “fake news” ay “news articles that are intentionally and verifiably false, and could mislead readers” (p. 213). Sina Lazer et al. (2018) naman ay sinabing ang “fake news” sites o outlets ay may kakulangan sa “news media’s editorial norms and processes for ensuring the accuracy and credibility of information” (p. 1,094).
Sa konteksto ng nangyayari sa ating bansa, linawin nating dumating na ang panahong ang “fake news” ay mayroon nang kahulugang higit pa sa pagsusuri ng Merriam-Webster (n.d.) na “news […] that is fake” (para. 6). At ang kahulugang ito ay nakakairita at nakakatawa. Nakakairita dahil mismong may mga opisyal ng gobyernong tinatawag na “pekeng balita” ang anumang ulat na hindi pumapabor sa kanila (Placido, 2018). Nakakatawa dahil may mga personalidad sa social media na nagsasabing biktima sila ng “pekeng balita” kahit na madalas silang inaakusahang nagpapakalat nito (Roxas, 2017).
Kung may plano ang Senadong mapigilan ang pagpapakalat ng “pekeng balita”, sana’y mapagnilayan ang dalawang mahalagang punto:
- Ang red-tagging ay masasabing pinakamataas na porma ng “pekeng balita” dahil nagreresulta ito sa iba’t ibang paglabag sa karapatang pantao ng mga inaakusahang miyembro ng mga komunista o teroristang grupo, kabilang na ang mga peryodista’t manggagawa sa midya.
- Ang historical denialism ay malawakang porma ng “pekeng balita” na dapat maiwasan dahil binabaluktot nito ang kasaysayan at nilalason ang isipan ng maraming mamamayan.
Kung may dapat imbestigahan ang Senado, ito ay ang talamak na red-tagging at historical denialism na nagpapatuloy sa ilalim ng bagong administrasyon (Arao, 2022; Smalley, 2022). Mainam na suriin kung sangkot ba ang mismong ehekutibong bahagi ng gobyerno, lalo na ang midyang nakapaloob sa Office of the Press Secretary (OPS). Posibleng ang imbestigasyon ng komiteng ito ng Senado ay sa balangkas ng normatibong pamantayan ng peryodismo na dapat na sinusunod ng mga midyang katulad ng Philippine News Agency (PNA) at PTV 4 (“PH state media urged”, 2018). Gaya ng nabanggit kanina, ang tinatawag na “factual accuracy” at “contextual accuracy” sa peryodismo ay dapat na bahagi ng trabaho ng midya, pati na ang midyang kontrolado ng gobyerno.
At dahil nabanggit ng SRN 191 ang posibilidad na amyendahan ang Republic Act No. 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012), nais kong idiin ang pangangailangang ibasura ang batas na ito. Sampung taon na po ang nakalipas mula nang nanindigan ang maraming peryodista’t alagad ng midya para idiin ang pagkompromiso ng batas na ito sa kalayaan sa pamamahayag (Orendain, 2012). Kahit ang aming Kolehiyo ng Komunikasyong Pangmadla sa UP Diliman ay nagsabing ito ay may “chilling effect” hindi lang sa mga peryodista kundi maging sa mga estudyante ng komunikasyon, midya at peryodismo. Kung babalikan ang inilabas naming pahayag noon sa wikang Ingles: “While there is reason to go after so-called cybercriminals like those involved in child pornography, [RA 10175] casts such a wide net that even ordinary conversations in chat rooms online on, say, governance matters, that the Department of Justice can simply describe as libelous can lead to the imprisonment of those involved. […] RA 10175 clearly imposes unacceptable constraints on reporting and the shaping of public opinion through whatever medium which is the essence of responsible communication and journalism” (UP College of Mass Communication, 2012).
Bilang pangwakas, sana’y magabayan ang komiteng ito ng mga sumusunod na punto:
- Pagsasagawa ng imbestigasyon kung sangkot ba ang ehekutibong bahagi ng gobyerno sa mga insidente ng pagpapakalat ng “pekeng balita,” lalo na sa porma ng red-tagging at historical denialism.
- Pagbabasura sa RA 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012).
Maraming salamat at sama-sama nating itaguyod ang katotohanan.
Mga sanggunian
ABS-CBN News. (2018, January 31). Veteran journalist says Duterte is top purveyor of ‘fake news’; Andanar reacts. https://news.abs-cbn.com/news/01/31/18/veteran-journalist-says-duterte-is-top-purveyor-of-fake-news-andanar-reacts
Allcott, H., & Gentzkow, M. (2017). Social media and fake news in the 2016 election. Journal of Economic Perspectives, 31(2), 211-236. https://doi.org/10.1257/jep.31.2.211
Arao, D. A. (2022, October 10). Press freedom under Bongbong is fake news. East Asia Forum. https://www.eastasiaforum.org/2022/10/10/press-freedom-under-bongbong-is-fake-news/
Arias, J. (2017, October 4). A list of Mocha Uson’s fake news posts. Inquirer.net. https://preen.inquirer.net/58185/a-list-of-mocha-usons-fake-news-posts
Hirst, M. (2017). Towards a political economy of fake news. The Political Economy of Communication, 5(2), 82-94. https://polecom.org/index.php/polecom/article/download/86/288
Lambeth, E. B. (1992). Committed journalism: An ethic for the profession. Indiana University Press.
Lartey, J. (2017, December 9). Trump attacks ‘vicious, fake news CNN’ after correction to WikiLeaks email story. The Guardian. https://www.theguardian.com/us-news/2017/dec/09/donald-trump-cnn-story-email-russia
Lazer, D. M. J., Baum, M. A., Benkler, Y., Berinsky, A. J., Greenhill, K. M., Menezer, F.,…Zittrain, J. L. (2018, March 9). The science of fake news: Addressing fake news requires a multidisciplinary effort. Science, 359(6380), 1094-1096. http://dx.doi.org/10.1126/science.aao2998
Merriam-Webster. (n.d.). The real story of ‘fake news’: The term seems to have emerged around the end of the 19th century. https://www.merriam-webster.com/words-at-play/the-real-story-of-fake-news
Ong, J. C., & Cabañes, J. V. A. (2018). Architects of networked disinformation: Behind the scenes of troll accounts and fake news production in the Philippines. Newton Tech4Dev Network. http://newtontechfordev.com/wp-content/uploads/2018/02/ARCHITECTS-OF-NETWORKED-DISINFORMATION-FULL-REPORT.pdf
Orendain, S. (2012, October 3). Cybercrime law in Philippines draws protests. VOA. https://www.voanews.com/a/cybercrime_law_in_philippines_draws_protests/1519423.html
PH state media urged to exercise editorial independence. (2018, April 2). Rappler. https://www.rappler.com/nation/199410-philippine-state-media-editorial-independence-press-freedom/
Placido, D. (2018, January 16). Duterte slams Rappler anew, says it peddles fake news. ABS-CBN News. http://news.abs-cbn.com/news/01/16/18/duterte-slams-rappler-anew-says-it-peddles-fake-news
Roxas, P. A. V. (2017, October 4). Mocha also claims being victim of ‘fake news’. Inquirer.net. https://newsinfo.inquirer.net/935404/mocha-also-claims-being-victim-of-fake-news-mocha-uson-pcoo-politics-fake-news-bloggers
Schnellenbach, J. (2017, September 20). On the behavioural political economy of regulating fake news. Ordo – Jahrbuch für die Ordnung von Wirtschaft und Gesellschaft, Forthcoming. https://papers.ssrn.com/sol3/Delivery.cfm/SSRN_ID3038508_code410348.pdf?abstractid=3038508&mirid=1
Smalley, S. (2022, May 12). Misinformed electorate contributed to Marcos Jr. win, say Filipino fact-checkers. Poynter. https://www.poynter.org/fact-checking/2022/misinformed-electorate-contributed-to-marcos-jr-win-say-filipino-fact-checkers/ UP College of Mass Communication. (2012, October 8). Cybercrime Prevention Act undermines both free expression and communication education Much has already been said about Republic Act No. 10175 [Status update]. Facebook. https://www.facebook.com/UPCMC/posts/cybercrime-prevention-act-undermines-both-free-expression-and-communication-educ/486119561410068/