N.B. – This is the speech I read at the wake of Dean Luis V. Teodoro on March 15, 2023 at the Hope Chapel, Loyola Commonwealth in Quezon City. The video of my speech may be retrieved from the YouTube channel of DZUP.
Una ko siyang nakilala bilang guro noong huling bahagi ng dekada 80. Sa unang tingin, hindi siya palangiti, mukha pang masungit at tila pinapasan niya ang lahat ng problema sa mundo. Kung sabagay, sino ba naman ang mapapangiti sa panlipunang krisis na parating paksa sa loob ng klasrum? Pero paminsan-minsan, nahuhuli rin siyang nakangiti lalo na’t mahusay ang pagkakasulat ng aming artikulo.
Masayang nakakatakot sa loob ng klase niya. Masaya sa loob ng klase niya dahil parating may malayang talakayan, at parati niyang binabanggit ang kanyang personal na karanasan bilang peryodista at ang pangangailangang ipaglaban ang kalayaan sa pamamahayag. Kung tama ang pagkakaalala ko, dekada 80 at dekada 90 ang panahong nagtuturo siya sa UP habang nagtatrabaho sa Philippine News and Features at National Midweek. Bilang patnugot sa mga publikasyong ito, kapansin-pansin ang progresibong nilalaman at matalas na pagsusuri sa kalagayang panlipunan. Ang proseso ng pagbubuo ng mga artikulong ito ang ibinabahagi niya sa mga estudyanteng katulad ko.
Nakakatakot naman sa mga pagkakataong sinusuri na niya sa harap ng klase ang mga sinulat naming artikulo. Ang inakala naming mahusay na pagkakasulat ay maraming pagkukulang pala. Minsan pa nga, ipapakita niya ang isyu ng Philippine Collegian para isa-isahin kung gaano katindi ang kahinaan ng mga artikulo, lalo na sa seksyon ng balita. Minsa’y napapatingin siya sa akin, palibhasa’y alam niyang nasa Kule ako noon. Para bang gusto niyang sabihin sa akin, “Magpakahusay ka naman sa ginagawa mo.”
Linawin ko lang na hindi siya namamahiya ng mga estudyanteng katulad ko. Ipinapakita lang niya kung gaano dapat tayo kaseryoso sa propesyong pinili natin. Kung seryoso ang mukha ni Sir Teodoro habang nagtuturo, ito’y dahil seryoso ang mga usaping kinakaharap ng peryodismo sa partikular at ng lipunan sa pangkalahatan.
Sa pagtatapos ko sa kolehiyo, nagkaroon ako ng karangalang makatrabaho siya bilang kapwa guro, kapwa mananaliksik, kapwa administrador at kapwa peryodista. Pero dahil “forever student” ako ni Sir Teodoro, hinding hindi ko siya tinawag sa palayaw niyang Louie. Hindi lang ito dahil sa malaking agwat ng edad kundi dahil sa malaking agwat ng kagalingan. Maraming dahilan kung bakit napakataas ng pagtingin ko sa kanya pero ang tatlong pangunahing salik ay ang kanyang pagiging mapagkumbaba, pagiging mabait at pagiging makulit.
Mapagkumbaba siya dahil walang yabang sa kanyang katawan. Kahit kailan, hindi niya ipinagyabang ang mataas na narating niya sa larangan ng literatura at peryodismo.
Mabait siya dahil handa niyang tulungan ang nangangailangan. Sa kaso ko, walang pagdadalawang-isip na ibinenta sa murang halaga ang pinakamamahal niyang Suzuki Vitara noong bagong kasal pa lang ako at ayaw niyang akong nagmomotorsiklo. Bukod sa pagiging peryodista, talagang sineseryoso niya ang pagiging ninong sa kasal namin ni Joy.
Bilang panghuli, makulit siya dahil parati niyang kinukumusta ang aking pamilya. (Sa araw pala ng kasal namin, naaalala ko pang sinabihan niya akong “don’t do that again” nang kumanta ako sa loob ng simbahan habang naglalakad si Joy sa altar). Parati rin niyang kinukumusta ang anak naming si Iba dahil naroon siya sa binyag, kaarawan at iba pang milestones ng anak namin (at naaalala ko pang tuwang tuwa siya nang pumasa si Iba sa UPIS). Sa totoo lang, tuwang tuwa siyang maging “de facto” lolo ng aming anak.
Sa kanyang pagpanaw, hahanap-hanapin ko ang kakulitan niya, lalo na ang personal na payo niyang pangalagaan ko ang relasyon sa pamilya habang nagpapatuloy sa pakikibaka. Naiintindihan niya kasi ang kahalagahan ng pagmamahal, sa personal na antas at sa politikal na antas.
Huli kaming nagkita nang nagtanghalian kami sa isang sikat na restaurant sa Marikina na malapit sa bahay niya. Sinundo ko pa siya at kapansin-pansin ang pagngiti niya nang mapansing buhay pa ang Vitara niyang 27 years old na. Habang papunta sa restaurant, kung ano-ano na ang pinag-usapan at pinagtsismisan – aktibismo, peryodismo, pagpapalaki ng anak, pagmamantini ng sasakyan. At habang nagmamaneho ako para ihatid siya sa bahay niya, malinaw ang kanyang paalala: Siguraduhing nasa mabuting kalagayan sina Joy at Iba habang ipinagpapatuloy ang pakikibaka. Hindi ko alam na iyon na pala ang huli naming personal na pagkikita.
Malungkot ang mga darating na araw pero nakikita natin ang pag-asa sa marami sa ating naiintindihan ang mga leksyon niya sa loob at labas ng klasrum, sa loob at labas ng kanyang mga libro’t artikulo. Kahit wala na siya sa mundong ibabaw, narito pa rin siya sa ating utak at puso.
Nawalan tayong lahat ng mabuting kaibigan, guro, mananaliksik, administrador at peryodista. Pero nagkaroon tayo ng pagkakataong tanggapin ang hamon ng panahon – ang ipagpatuloy ang kanyang nasimulan tungo sa responsableng peryodismo at pagbabagong panlipunan.
Maraming salamat po.