N.B. – These are some notes I will use at a forum scheduled today (April 28), 2:00 p.m. titled “Wika ng Midya at Kultura ng Eleksiyon” (loose English translation: Media Language and Election Culture) at the Media Center TV Studio of the University of the Philippines College of Mass Communication. For those who cannot make it, I understand that the activity will be streamed live at http://dilc.upd.edu.ph/stream.
Tuwing panahon ng eleksyon, ang mga kandidato ay nagfi-Filipino. Pero kapag nahalal na at nasa kongreso na, nag-i-Ingles na. Sa tingin ninyo, bakit ganito ang pagkabalimbing sa wika ng ating mga nahalal sa pamunuan, o maging ng mga nasa judiciary at edukasyon?
Filipino ang wikang naiintindihan ng masa. Sa kabilang banda, mas komportable sa wikang Ingles ang mga nakakaangat sa buhay.
Kahit na nagkakaisa kasi tayong lahat sa kahalagahan ng isang lingua franca, may mga nagsusulong na dapat na Ingles ang gawing lingua franca ng Pilipinas dahil ang Filipino diumano ay nagkukunwaring Tagalog lang na siyang ginagamit sa Maynila at sa iba pang bahagi ng Luzon. Kailangang linawing ang Filipino ay pambansang wikang binubuo ng Tagalog, Bisaya at iba pang wika sa ating bansa.
May mahalagang papel ang gobyerno, midya at eskuwelahan sa pagpapalaganap ng wikang Filipino. Hindi siyempre nakakatulong ang pagkiling ng gobyerno sa Ingles sa mga opisyal na komunikasyon nito, pati na ang “pang-tabloid” na paggamit ng wikang Filipino sa pagbabalita ng midya at ang “English-speaking zones” ng maraming eskuwelahan.
Sa konteksto ng halalan, ang boto ng masa ang mapagpasya kaya pinipili ng mga kandidatong gamitin ang wikang Filipino sa pakikisalamuha sa kanila, pati na sa mga patalastas na lumalabas sa midya. Masasabing napipilitan lang magsalita sa wikang Filipino ang maraming kandidatong mula sa mayayamang angkan para lang makakuha ng boto, at kapag naupo na sa puwesto ay babalik na sa kanilang Ingleserong gawi.
Simple lang ang dahilan nito: Ingles ang pangunahing midyum ng komunikasyon sa gobyerno’s edukasyon dahil sa kolonyal na katangian ng mga institusyong ito. Hindi rin nakakatulong ang ating Saligang Batas sa pagpapaunlad ng wikang Filipino. Suriin ang nakasulat sa Artikulo XIV, Sek. 6:
Ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Samantalang nililinang, ito ay dapat payabungin at pagyamanin pa salig sa umiiral na wika sa Pilipinas at sa iba pang mga wika.
Alinsunod sa tadhana ng batas at sang-ayon sa nararapat na maaaring ipasya ng Kongreso, dapat magsagawa ng mga hakbangin ang Pamahalaan upang ibunsod at puspusang itaguyod ang paggamit ng Filipino bilang medium ng opisyal na komunikasyon at bilang wika ng pagtuturo sa sistemang pang-edukasyon.
Malinaw na may “restrictive clause” sa probisyong dapat na nagtataguyod ng wikang Filipino bilang midyum ng opisyal na komunikasyon at wika ng pagtuturo. At dahil sa kawalan ng malawakang promosyon ng wikang Filipino sa pamahalaan at sa eskuwelahan, hindi masyadong nararamdaman ng ordinaryong mamamayan ang kahalagahan ng sariling wika. Nagkakaroon ng mas mataas na pagtingin sa mga indibidwal na bihasa sa wikang Ingles. Tinitingnan ang Ingles bilang “language of the learned” at ang Filipino bilang “language of the damned.”
Ano ang inyong masasabi sa uri at papel ng wikang Filipino na ginagamit sa media advertisements ng mga politiko at maging sa mga propaganda ng mga politiko sa dyaryo, radyo, TV, at new media?
Nagagamit ng mga politiko ang ilang elemento ng popular na kultura tulad ng katagang “walang forever” at mga mabentang kanta para maiparating ang mensahe sa madla. Nakalulungkot lang na sa halip na gamitin ang wikang Filipino para sa malalimang diskusyon sa plataporma, napupunta lang sa pagbibigay-aliw ang kampanya kaya nakakaapekto rin ito sa pagtingin ng mga tao sa “mababang antas” ng sariling wika. Ang mas nakakaalarma ay ang paggamit ng sariling wika sa misimpormasyon at black propaganda. Bukod sa hindi ito nakakatulong sa pagpapataas ng antas ng diskurso, nagkakaroon din ng negatibong pagtingin ang publiko sa wikang kinagisnan. Kahit na sabihing nagagamit din naman ang wikang Ingles sa misimpormasyon at black propaganda, napapanatili pa rin ang mataas na pagtingin dito bunga na rin ng ating kolonyal na pinagdaanan, bukod pa sa realidad ng diaspora.
Para sa mga nasa industriya ng midya, nakikita ang kahalagahan ng wikang Filipino sa pagbibigay ng impormasyon sa mas malawak na populasyon. Ang problema lang, ang peryodismo sa wikang Filipino ay iniuugnay sa tinatawag na “yellow journalism” o sensasyonalismo samantalang ang peryodismo sa wikang Ingles ay tinitingnan bilang seryosong peryodismong nakatuon para sa tinaguriang matatalinong tao.
Ang tipikal na tabloid sa Maynila na nakasulat sa Filipino ay puno ng balita tungkol sa iskandalo at patayan samantalang ang maraming broadsheet na nakasulat sa Ingles ay may balita tungkol sa stock market at fashion. Gayundin ang kaso sa telebisyon na may mga programang nagbibigay ng balita sa wikang Filipino pero tila nakikita ang “estilong pang-tabloid” sa nilalaman ng impormasyon, pati na ang bombastikong pamamaraan ang pagbabalita ng mga news achor. Kapansin-pansin din na kahit sa mga programang ito, ang mga opisyal ng gobyerno at iba pang indibidwal na iniinterbyu na nakakaangat sa buhay ay pinipiling magsalita sa wikang Ingles. Nagiging salik tuloy ito para lalong ipakitang “nakatataas” sila kumpara sa iba.
Sa bandang huli, bagama’t magandang nagagamit pa rin ang wikang Filipino sa midya, kailangan pa ring baguhin ang pamamaraan ng pagbabalita para makita ang potensiyal nito sa pagpapataas ng antas ng diskurso. Sa madaling salita, hindi dapat “pang-tabloid” lang ang wikang Filipino.
Ano ang masasabi ninyo sa komento ni Teddy Boy Locsin Jr. na “Tagalog should be discouraged. So long, so bullshitty, so useless a tongue for debate” sa konteksto ng debate ng mga kandidato kaugnay ng eleksyon?
Sinasalamin ni Locsin ang mababang pagtingin ng mayayaman sa wikang Filipino. Posibleng mayroon ding mga nasa gitnang uri at mababang uri na may ganitong pagtingin sa kanilang hangaring umasenso sa buhay. Dahil sa kolonyal na katangian ng sistema ng ating edukasyon, nagkakaroon kasi tayo ng tendensiyang tingnan ang Ingles bilang wikang mag-aangat sa kahirapan, lalo na’t tinitingnan bilang “sunshine industry” ang business process outsourcing (BPO). Marahil, sa ganitong konteksto rin siguro dapat suriin ang tendensiyang makipag-usap sa mga sanggol gamit ang wikang Ingles, dahil ito raw ang paraan para maging matalino sila paglaki.
Paano aangkinin ng mga botante ang kapangyarihan ng wika upang sila’y mamulat at magkaroon ng kritikal na kamalayan sa kultura ng eleksyon sa Pilipinas?
Kailangang patuloy na singilin ang gobyerno, midya at eskuwelahan sa kanilang pambubusabos sa wikang Filipino. Mahalaga ang “media literacy” para hindi basta-basta maniwala ang mga tao sa mga natutunghayan sa midya at para makita ang potensiyal ng wikang Filipino sa responsableng peryodismo. Kailangan din ang “media literacy” sa epektibong paggamit ng social media sa pagtalakay sa mahahalagang isyu ng lipunan. Ang kritikal na kamalayan ay susi sa pagkilos para sa makabuluhang pagbabago at dapat na tingnan ang eleksiyon bilang isang limitadong oportunidad para lang palitan ang mga nasa liderato (na posibleng tumalikod sa kanilang mga ipinangako sa panahon ng kampanya). Sa pagkakaroon ng kritikal na pag-iisip, mas magkakaroon tayo ng pagpapahalaga sa sariling wika kahit malinaw ang pag-aabuso ng mga institusyong dapat na nagtataguyod nito.