Tag Archives: buwan ng wika

Sa pagtatapos ng buwan ng wika

N.B. – This was published in the August 29-September 4, 2008 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://www.pinoyweekly.org/cms/2008/08/sa-pagtatapos-ng-buwan-ng-wika.

Huwag mo nang basahin ito. Hindi ba’t mas gugustuhin mong nakasulat ito sa wikang Ingles?

Puwede nang kalimutan ang wikang Filipino dahil tapos na ang Agosto. Bumalik na tayo sa paggamit ng wikang Ingles para muling ipakita ang ating kaalaman at kakayahan sa buong mundo. Kung sabagay, mas mahalaga namang maintindihan ng dayuhan kaysa sariling kababayan.

Kung papaniwalaan ang gobyerno at ilang tinaguriang eksperto, kailangang maging bihasa sa Ingles ang mga mamamayan dahil susi ito sa pag-unlad ng bayan. Halimbawa, may malaking perang naghihintay mula sa mga negosyong BPO (business process outsourcing), lalo na sa mga serbisyong call center na kung saan mahalaga hindi lang ang kaalaman sa wikang Ingles kundi ang pagkakaroon ng Amerikanong accent.

Saan ka ba makakakita ng trabaho sa Pilipinas na kayang magbayad ng minimum na P10,000 buwanang sahod para sa isang bagong gradweyt? Huwag mo nang isipin ang posibilidad na ang oras ng iyong pagtatrabaho ay ang dapat na oras ng iyong pagtulog. Hindi na baleng walang masyadong potensiyal para sa propesyonal na pag-unlad. Huwag mong dibdibin ang paminsan-minsang panlalait sa iyo ng mga kliyenteng tumatawag. Sa panahong mahirap makakuha ng trabaho’t patuloy na tumataas ang presyo ng mga bilihin, ang mahalaga’y kumita. At dahil sa kaalaman mo sa Ingles, puwede ka pang kumita nang malaki, salamat sa BPO!

Baka kailangan ding magpasalamat sa Estados Unidos dahil sa pagsakop sa ating bansa. Kahit na mas maikling panahon kumpara sa mga Kastila, tinuruan naman tayo ng mga Amerikanong maging matatas sa wikang Ingles. At bilang bahagi ng pagtrato sa atin bilang little brown brother, itinatag ng mga Amerikano ang isang sistema ng edukasyong batay sa kanilang oryentasyon, bukod pa sa malayang kalakalang nagbunga ng pagpasok ng mga korporasyon nila.

Dahil sa mga Amerikano, hindi lang natin natutuhan ang wika: Niyakap din natin ang kultura nila’t nagkaroon tayo ng kolonyal na mentalidad. Siyempre, kumita nang malaki ang mga Amerikano dahil sa ating pagkonsumo sa kanilang mga produkto’t serbisyo. Pero pasalamat pa rin tayo’t natutuhan nating maging mahusay sa Ingles.

Makikita sa kasalukuyan ang impluwensiya ng mga Amerikano sa edukasyon. Patuloy na ginagamit at pinapayaman ang wikang Ingles bilang midyum ng pagtuturo at komunikasyon sa loob ng eskuwelahan. May ilan pa ngang nagpapatupad ng ”English-speaking zones” na kung saan ipinagbabawal ang pagsasalita ng Filipino sa klasrum at kalakhang bahagi ng kampus. Biro nga ng ilang guro’t estudyanteng nakilala ko sa pagbisita sa maraming eskuwelahan sa Pilipinas, sa CR (comfort room) lang puwedeng gumamit ng sariling wika.

Pero kahit na tila hanggang banyo na lang ang wikang Filipino, may ”mabango” pa ring hinaharap ang Pilipinas dahil ang wikang Ingles ay isa raw comparative advantage sa pandaigdigang pamilihan. Hindi ka ba natutuwa’t ang ating OFWs (overseas Filipino workers) ay nagkakaroon ng trabaho dahil sa kakayahan nilang sumulat, bumasa at makipag-usap sa wikang Ingles?

Patuloy ding namamayagpag ang iba pa nating artista dahil kayang-kaya nilang gayahin ang mga Amerikano’t iba pang mga taga-Kanluran (Westerners). Malaking bagay na may ilang mang-aawit na nagiging panauhin sa mga sikat na palabas sa Estados Unidos o nagiging bahagi ng mga popular na Amerikanong banda. Hindi na baleng ginagaya lang nila ang mga sikat na Amerikanong mang-aawit at parang hindi na sila mula sa Pilipinas dahil sa kanilang bihis at galaw, pati na rin siyempre sa kanilang wikang ginagamit sa pag-awit.

Dahil walang masyadong maipagmamalaki ang nakararami (at ang mismong pamahalaan ay kinukutya’t ikinahihiya), patuloy ang ating paghahanap sa mga indibidwal na nagbibigay ng ”dangal” sa ating bayan – kahit na ang kanilang natamo ay hindi nagtataguyod ng ating kultura at sinusukat lang batay sa panggagaya sa Kanluran.

Sa pagtatapos ng Agosto bawat taon, minsan ba’y naisip natin kung bakit mayroon pang selebrasyong tinatawag na Buwan ng Wika? Sa konteksto ng promosyon ng wikang Ingles sa Pilipinas, ang Proklamasyon Bilang 1041 (”Nagpapahayag ng Taunang Pagdiriwang Tuwing Agosto 1-31 Bilang Buwan ng Wikang Pambansa” na ipinatupad noong 1997) ay nagsisilbi na lang munting paalalang may sariling wika pala tayong dapat na ipinagmamalaki. Ang pagpapaunlad kaya nito ay nangyayari pa sa sitwasyong mas binibigyang-diin sa mga eskuwelahan ang wikang Ingles?

Kaya huwag tayong mabibigla kung ang isang taong hindi marunong mag-Filipino at panay lang ang Ingles ay nagiging katanggap-tanggap samantalang ang isang taong mali-mali ang Ingles ay nagmumukhang bobo.

Nakodisyon na rin ang ating mga utak na ituring na ”matalino” ang isang marunong magsalita sa wikang Ingles kahit na hindi naman malalim ang kanyang pagsusuri. Ano naman ang ating tingin sa isang manggagawa o magsasakang gumagamit ng sariling wika sa pakikipagdebate sa mga nasa kapangyarihan? Naiintindihan man natin ang kanyang sinasabi, talo pa rin siya sa mga katunggaling gumagamit ng wikang Ingles!

Nakasulat po ito sa wikang Filipino kaya hindi kita masisisi kung isipin mong hindi mahalaga ang diskursong ito. At lalong hindi mo kasalanan kung hindi mo napapansin ang aking sarkastikong tono. Bakit mo nga naman pag-aaksayahan ng panahon ang isang awtor na hindi gumagamit ng dayuhang wikang nais paunlarin ng mga nasa kapangyarihan?

Kaya nga sa pagtatapos ng buwan ng wika, mainam na sabay-sabay na sumigaw ang mga nagtataguyod ng dayuhang wika: ”Itaguyod ang kolonyal na mentalidad! Mabuhay ang wikang Ingles!”

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.