Tag Archives: rock

Ikaw at U2

KONTEKSTO
Danilo Araña Arao

Ikaw at U2

Napuno ang Philippine Arena sa kauna-unahang konsiyerto ng U2 sa Pilipinas noong Disyembre 11. Naroon ka ba? Mabuti naman. Ako? Pasensya na’t nasa Davao City po ako sa araw na iyon para sa isang pulong at lektyur. At kahit na sabihing nasa Maynila lang ako, duda ako kung pupunta ako sa Philippine Arena para panoorin ang U2.

Hindi po ito usapin ng pesteng trapikong inaasahan sa okasyong iyon. Kung nakaya kong magmaneho mula Maynila hanggang Tabaco, kayang kaya ko naman sigurong pagtiyagaan ang biyahe papuntang Bocaue. Mas praktikal pa ang problema ko: Masakit mang aminin, masyadong masakit sa bulsa ang presyong P2,499 (Upper Box B Sides) hanggang P20,499 (Lower Box A Premium) para lang makapasok sa Philippine Arena.

Oo, may panahon naman para makapag-ipon. Setyembre nagsimula ang pagbebenta ng mga tiket at, kung tinitipid mo talaga ang baon o suweldo mo, posibleng magawan mo ng paraan ang pagbili. At kung bahagi ka ng libo-libong nanood, mainam na batiin ka sa iyong “tagumpay.”

Pero sana naman, hinay-hinay lang sa iyong sobrang tuwa (o sa wikang Ingles, euphoria). Kung sa tingin mo’y bahagi ka na ng kasaysayan, isakonteksto sana ito sa katotohanang ang pinuntahan o ay isa lamang sa maraming konsiyerto ng isang sikat na banda. Hindi ito ang magtatakda ng iyong kinabukasan. Pagkatapos ng konsiyerto, babalik at babalik ka na sa buhay mo. (Para sa akin, isang malaking “reality check” na nga ang napabalitang matinding trapiko palabas ng Philippine Arena noong Disyembre 11.)

Oo, magaganda ang musika ng U2. Noong bata pa ako, gustong gusto kong pakinggan ang “Sunday Bloody Sunday,” “Pride (In the Name of Love),” “With or Without You” at “I Still Haven’t Found What I’m Looking For.” At kung iuugnay sa kalagayan ng ating mundo, mainam na may paninindigan ang U2, lalo na ang lead singer na si Bono, sa mahahalagang isyung may kinalaman sa batayang kalayaan at karapatang pantao.

Ganyan na sila mula pa noong dekada 80, kaya ramdam mo ang sinseridad ng kanilang mga pahayag. Labas ng kanyang pagiging miyembro ng sikat na banda, paulit-ulit na binabanggit ni Bono ang kanyang pagiging miyembro ng Amnesty International na binuo sa United Kingdomo noong 1961.

Amnesty International (AI)? Sa ganitong konteksto siguro natin dapat suriin ang ilang “limitasyon” sa paninindigan ni Bono sa partikular. Bagama’t may nagagawa naman ang AI sa pagtataguyod ng karapatang pantao sa iba’t ibang bahagi ng mundo, nananatiling tahimik ang organisasyon sa ilang isyu. Ito ang dahilan kung bakit nagkaroon ng hunger strike ang ilang aktibistang sa harap ng opisina ng AI sa London dahil sa pananahimik sa pagkakakulong kay Abdullah Öcalan ng Kurdistan Workers Party (PKK) sa Turkey.

Sa totoo lang, masyadong malabo o malabnaw ang konsepto ng AI sa tinatawag nitong “prisoners of conscience.” At kung tahimik ang AI sa kaso ng isang lider ng PKK, ito rin marahil ang magpapaliwanag sa kawalan ng pandaigdigang panawagan para palayain ang mga detenidong pulitikal sa Pilipinas. May pahayag ba, halimbawa ang AI para palayain ang mga katulad nina Rey Casambre? Sa aking pagkakaalala, si Dante Simbulan na nakulong noong Martial Law ay tinawag na “prisoner of conscience” ng AI. Ang pinakahuling Pilipinong tinawag na prisoner of conscience ng AI ay si Sen. Leila de Lima. Paano na lang kaya ang 629 pang nakakulong na detenidong pulitikal, batay sa datos ng Karapatan noong Disyembre 10? Alam kaya ng AI na 382 sa kanila ay inaresto sa ilalim ng administrasyong Duterte?

Sadyang iba ang AI sa mga lokal na grupong nagtataguyod ng karapatang pantao, bagama’t pareho silang nagtataguyod ng karapatang pantao. Hindi rin hamak na ibang iba ang U2 sa mga lokal na progresibong banda. Yung isa, medyo mababaw pero “puwede na” sa marami pa. Yung iba pa, hindi hamak na mas malalim bagama’t hindi masyadong sikat.

Matatandaang tuwing kinakanta ng U2 ang “Sunday Bloody Sunday,” sinasabi ni Bono na “this song is no rebel song.” May direktang kaugnayan ito sa kanyang panayam noon sa magasing Rolling Stone: “I’m not interested in politics like people fighting back with sticks and stones, but in the politics of love.”

Walang masama sa tema ng pag-ibig. Pero nagiging instrumento ito ng komersyalismo para mapalabnaw ang dapat ay malalim na diskurso. Pag-ibig ang pangunahing tema sa maraming kanta ng U2 bagama’t ginagamit na backdrop ang ilang nangyayari sa ating lipunan (e.g., masaker sa Derry, Ireland sa kantang “Sunday Bloody Sunday” at asasinasyon kay Martin Luther King sa kantang “Pride [In the Name of Love]”).

Hindi ito kakaiba sa isa pang bandang mula sa Ireland na The Cranberries na naging motibasyon sa sikat na kantang “Zombie” ang bombang sumabog sa Warrington, Ireland noong 1993. Mainam ding suriin ang isang linya sa kantang ito: “It’s the same old deed since 1916…” Malamang na tinutukoy nito ang armadong insureksyong tinatawag na Easter Rebellion sa Ireland para wakasan ang pananakop ng mga Briton. Kung tagahanga ka rin ng The Cranberries, malamang na alam mo na ang impormasyong ito.

Pero siyempre, hindi ito alam ng lahat. May tendensya kasing mawala ang pulitikal na mensahe dahil sa komersyalisasyon ng kanta. Mas napupunta kasi ang atensyon ng publiko sa ganda ng instrumento, pati na ang boses nina Bono (U2) at ang namayapa nang si Dolores O’Riordan (The Cranberries). Nadadala rin ang publiko sa visual spectacle ng mga konsiyerto sila. Siyempre, iba pa rin kung ang mga lead singer ay may hitsura, hindi ba?

Sige, patuloy na pakinggan ang U2 at iba pang dayuhang banda. Pero intindihin natin ang limitasyong dulot ng kawalan ng mas malalim na pulitikal na paninindigan. Bagama’t maaasahan kahit paano ang pagtindig para sa kalayaan at karapatang pantao, may limitasyon sa masasabi nila sa ngalan ng personal na interes o komersyal na hangarin.

Nakakatulong man ang U2 sa pagbibigay ng karagdagang dahilan para patuloy na manindigan, huwag tayong umasa sa bandang ito. Huwag nang hintayin pa ang kanilang pagbabalik (kung mangyayari man). Nasa ating lahat pa rin ang dakilang hamon para magpalawak at magpalalim.

Magsimula tayo sa isang praktikal na suhestyon: Tulad ng nangyari sa konsiyerto ng U2, makakaya bang punuin ang mga susunod na konsiyerto ng mga progresibong banda tulad ng The Jerks, Musikang Bayan, Tubaw Music Collective, Plagpul at The General Strike?

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com