Tag Archives: technology

Teknolohiya at seguridad sa ating online na buhay (Una sa dalawang bahagi)

KONTEKSTO
Danilo Araña Arao

Paunawa: Pansamantalang ilalabas ng Bulatlat Multimedia ang lingguhang kolum na Konteksto habang hindi pa accessible ang website ng Pinoy Weekly. Salamat po sa inyong pang-unawa.

Teknolohiya at seguridad sa ating online na buhay
(Una sa dalawang bahagi)

Bago dumating ang Internet sa ating bansa, ang mga pangunahing paraan ng komunikasyon ay telepono at liham (minsa’y tinatawag na “snail mail”). At kung walang linya ng telepono at masyadong matagal bago makarating ang liham, telegrama ang pinakabilis na paraan sa pagpapadala ang mensahe.

Maraming problema sa seguridad ng komunikasyon noong panahong iyon. Una, napapakinggan ng ibang tao sa pamamagitan ng wiretapping ang usapan sa pamamagitan ng telepono. Ikalawa, posibleng ibang tao ang nakakabasa ng ipinadalang liham o telegrama.

Bagama’t kailangan ng teknolohikal na kaalaman para maisagawa ang wiretapping, minsa’y may simpleng paraan ng pakikinig sa usapan ng dalawang tao sa pamamagitan ng telepono – ang tahimik na pag-aangat ng extension line sa loob ng bahay. Puwede ring mangyari ang pasimpleng pakikinig sa sitwasyong may “party line” (i.e., may iisang linya lang ng telepono ang ang dalawang bahay at kailangan lang ang tahimik na pag-aangat ng telepono para mapakinggan ang nangyayaring usapan).

Kung low-tech ang tawag sa liham dahil sariling sulat-kamay o minakinilya lang, high-tech na ang telegrama dahil may mga makinang ginagamit para isulat ang maikling mensahe sa pamamagitan ng Morse Code. Bagama’t inaabot lang ng ilang minuto para ma-decipher ang Morse Code (i.e., maisulat sa wikang naiintindihan natin), puwedeng mabilis o matagal ang pagpapadala ng mensahe depende sa lugar na patutunguhan. Sa kabila ng pagiging high-tech nito, malinaw na limitado ang seguridad ng mensahe dahil nababasa ito ng mga empleyado ng kompanyang nilapitan para magpadala ng telegrama.

Dahil sa mobile telephony, nagkaroon ng pagbabago sa pagtingin natin sa telepono. Kung noo’y nakakabit sa pisikal na kable o linya ang mga telepono sa bahay at opisina, ngayon ay literal nang walang kable at puwede nang dalhin sa ating pagbiyahe ang mga tinatatawag na mobile phones o cellular phones (cellphones). Hindi lang ito mga simpleng telepono dahil puwede nang magpadala ng mga mensahe (text messages) mula rito, bukod pa sa iba pang puwedeng gawin ng bagong high-tech na gadget: alarm clock, calculator, planner at napakarami pang iba. Sa kasalukuyan, puwede na ring gamitin ang mga cellphone para makakonekta sa Internet. Sadyang walang limitasyon ang teknolohiya sa kasalukuyan!

Sa panahon ng Internet, buhay pa ang telepono at liham. Ang huling telegrama naman na may petsang Setyembre 20, 2013 ay may ganitong nilalaman:

Untitled

I CAR HDD DH RUSH
BAGUIOCITY SEPT 20/13

LOUIS NAPOLEON CASAMBRE
EXECUTIVE DIRECTOR
INFORMATION AND COMMUNICATIONS
TECHNOLOGY OFFICE NCC BUILDING
CARLOS P GARCIA AVENUE
QUEZONCITY

THIS WILL BE MY FIRST AND LAST TELEGRAM TO YOU SIR BECAUSE WE WILL CEASE THE OPERATION OF TELEGRAPH SERVICE NATIONWIDE EFFECTIVE 5PM TODAY SEPTEMBER 20 2013 STP WE NOW BID FAREWELL TO THIS COMMUNICATION MEDIUM OF OUR ERA AND HOPE THAT THIS LAST TELEGRAM SENT BE A MUSEUM PIECE END

WILFRED P QUINES
TELOS CAR BAGUIOCITY

/1515

Malinaw ang simbolikong pamamaalam ng isang dating high-tech na kailangan nang magpunta sa museo at magbigay-daan sa mga mas high-tech pa. Ano-ano nga ba ang mga teknolohiyang nagpaluma sa telegrama?

Ang eksaktong petsa ng koneksyon ng Pilipinas sa Internet ay Marso 29, 1994. Pero bago ito, nabuo na ang bulletin board system (BBS) noon pang 1986 at ito ang paraan ng komunikasyon at diseminasyon ng impormasyon bago naging popular ang mga Internet browser. Nagkaroon naman ng serbisyong email sa Pilipinas noong 1991.

Sa pagdaan ng mga taon, natutuhan ng maraming Pilipinong konektado sa Internet na pumasok sa chat rooms para sa pakikipag-usap sa isa o maraming tao. Nagkaroon din sila ng mga email address na ginagamit sa personal at propesyonal na pakikipag-ugnayan. Pumasok din sila sa iba’t ibang mga social media platform kung saan ibinabahagi nila ang kanilang mga kuwento sa pamamagitan ng larawan, bidyo at teksto.

Para sa mga mas nakakaalam sa teknolohiya, nagkaroon din sila ng sariling website para mapatampok ang sarili, organisasyon o adbokasiya. Kung noon ay mano-manong hypertext markup language (HTML) ang ginagamit sa paggawa ng website, ngayon ay mas mabilis na dahil sa content management system (CMS). Sa katunayan, naging uso pa nga ang tinatawag na web log o blog dahil napakadali nang gumawa ng isang website.

Salamat sa bagong teknolohiya, hindi na tayo nakatali sa telepono o liham sa pakikipag-usap sa mga tao. Masasabi pa ngang mas mura na ang halaga ang komunikasyon lalo na para sa mga taong nasa ibang bansa. Pero paano na lang ang seguridad bunga ng bagong teknolohiya?

(Itutuloy sa ikalawang bahagi)

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com