Kahinaan sa pamamahayag bilang kapabayaan ng pamahalaan

N.B. – This was published in Vol. 6, No. 38 (October 3-9, 2007) of Pinoy Weekly (p. 5), the full text of which may also be retrieved from http://www.pinoyweekly.org/pw6-38/op_ed/ed-6_38_3.htm.

Pinoy Weekly | Konteksto (kolum ni Danilo A. Arao)Pinoy Weekly onlineSunud-sunod ang mga seminar at workshop ngayon sa pamamahayag sa iba’t ibang paaralan.

Para sa mga pampublikong paaralan, kailangan ang mga ito bilang paghahanda sa National Schools Press Conference (NSPC) na taunang inoorganisa ng Department of Education (DepEd). Pero hindi naman nahuhuli ang mga pribadong paaralan sa paglahok sa iba’t ibang paligsahan sa pamamahayag. May mga paaralan at organisasyon ding nag-oorganisa ng mga patimpalak sa pagsusulat para sa lahat ng estudyanteng interesadong sumali.

Ayon sa ilang kaibigan ko sa DepEd, ang NSPC ay gaganapin sa Pebrero 2008 kaya puspusan ang paghahanda ng ilang estudyanteng mula sa mga kalahok na pampublikong paaralan. Bago kasi ang NSPC, mayroong rehiyonal na paligsahang mangyayari mula Nobyembre hanggang Disyembre ng taong ito.

Kapag may mga imbitasyon para magbigay ng pagsasanay sa pamamahayag o magsilbing hurado sa mga paligsahan, kadalasang tinatanggap ko ang mga ito kahit minsa’y mas mahaba pa ang biyahe kaysa aktuwal na pananatili sa lugar.

Mahigit 24 oras ang biyahe, halimbawa, mula sa bahay namin sa Marikina City hanggang Romblon at pabalik samantalang wala pang 10 oras ang inilaang panahon ng mga nag-organisa para sa aking mga seminar at workshop. Gayundin ang nangyari kamakailan noong bumiyahe ako nang pitong oras papuntang San Pablo, Laguna at pabalik sa bahay namin para magturo at magsilbing hurado sa loob lang ng apat na oras.

Hindi naman ako nagrereklamo dahil kaya ko pa naman ang mahabang biyahe kahit sa siksikang bus o barko. Interesado kasi akong galugarin ang lugar na pinupuntahan ko, lalo na’t unang pagkakataon kong mapadpad roon. Pero higit pa sa simpleng sight-seeing, mainam ding makipag-usap sa mga residente, lalo na sa mga estudyante. Mula sa kanila, nakakakuha ako ng malinaw na ebidensiya sa kalagayan ng buhay at kabuhayan sa komunidad na kadalasa’y hindi naipapakita ng mga opisyal na estadistika.

Halimbawa, bagama’t nakasaad sa estadistika ng DepEd na 1:35 (elementarya) at 1:39 (hayskul) ang teacher-student ratio sa mga pampublikong paaralan para sa pang-akademikong taong 2005-2006, hindi ganito ang kaso sa maraming pampublikong paaralan, batay sa mga aktuwal na nakita ko at kuwento ng ilang guro at estudyanteng nakilala ko. Sabi nga ng ilang guro, kahit sila’y nagtataka kung bakit napakalapit sa ideyal na 1:25 ang pambansang estadistika samantalang malala ang sitwasyon sa kanilang paaralan.

Ang kalunos-lunos na kalagayan sa mga pampublikong paaralan ay may direktang epekto sa mga estudyante. Sa mga pagsasanay na isinagawa ko para sa kanila, napansin ko ang napakalaking kahinaan sa abilidad sa pagsusulat sa wikang Ingles at Filipino.

Bukod sa limitadong kaalaman sa ortograpiya, hirap din silang magsuri sa mga isyu o pangyayari na lubos na kinakailangan sa pamamahayag. Sa aking palagay, ang kahinaang ito ay maiuugat hindi sa kawalan ng kakayahang mag-isip nang malalim kundi sa kawalan ng pagsasanay sa paggamit ng mga angkop na salita para ibahagi ang kanilang saloobin. May malaking papel ang mga guro sa pagtuturo ng mga bagay na ito, pero nalilimitahan ang kanilang kapasidad dahil na rin sa abang kalagayan ng kanilang paaralan.

Sa mga seminar at workshop na isinagawa ko sa ilang probinsiya, aaminin kong minsa’y nagiging limitado rin ang aking kakayahang makapagturo. Halimbawa, paano ko mapagkakasya ang oras na inilaan sa akin kung kailangan kong mabilisang suriin ang sinulat ng – huwag po kayong magugulat! – mahigit 200 estudyante? (Para maging epektibo ang isang workshop, mainam ang 15 o mas kaunti pang partisipante para malalimang pag-aralan ang kalakasan at kahinaan ng mga isinulat.) Ayon sa mga nag-organisa ng mga seminar at workshop na may napakalaking bilang ng mga partisipante, limitado raw kasi ng pondong ibinibigay ng pamahalaan at kahit sila’y hirap ding mapagkasya ito.

Batay sa aking karanasan sa pagbibigay ng mga seminar at workshop, sadyang kakaunti lang ang mga estudyanteng may kapasidad na magsulat. Pero hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa dahil ang pagsusulat ay hindi naman isang natural na abilidad kundi isang kakayahang kailangang pagyamanin sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na pagsasanay. Pero paano kaya natin payayamanin ito kung limitado ang rekurso sa mga pampublikong paaralan?

Mainam ang isang paligsahan sa pamamahayag para bigyang-pugay ang magagaling na estudyante sa mahalagang larangang ito. Pero sana’y gamitin din natin ang pagkakataon para alamin kung paano mapapahusay ang mga napag-iiwanan, hindi dahil sa kanilang kabobohan kundi dahil sa kapabayaan ng pamahalaan.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

One thought on “Kahinaan sa pamamahayag bilang kapabayaan ng pamahalaan”

  1. Mabuti’t meron ganitong mga aktibidad. Malaking bagay ito sa pag-promote ng writing sa ating kabataan. Marami akong nakilalang bata na hirap na hirap sumulat kahit na maikling essay. Imbes na pagtuunan ng DepEd ang CEP, sana ay maitayo muna nila ang kulang na classrooms. Kahit na high-tech pa ang programa nila kung kulang ang pasilidad ay mauuwi din sa wala.

    Sagot: Matagal nang isinasagawa ang NSPC at tama kang may pakinabang naman ito sa mga batang manunulat. Dapat talagang taasan ang alokasyon sa badyet ng NSPC dahil hindi nito napapalalim ang diskurso sa epektibong pagsusulat. Limitado lang talaga ang magagawa kung, halimbawa, umaabot sa mahigit 200 ang mga estudyanteng gustong matutong sumulat. Maraming salamat sa mensahe mo.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.