Isang diskurso sa pagpapakamatay

N.B. – This was published in Vol. 6, No. 43 (November 14-20, 2007) of Pinoy Weekly (p. 5), the full text of which may also be retrieved from http://www.pinoyweekly.org/pw6-43/op_ed/ed-6_43_3.htm.

Pinoy Weekly | Konteksto (kolum ni Danilo A. Arao)Pinoy Weekly onlineMarami nang naiulat tungkol sa pagpapakamatay ni Marianette Amper ng Baranggay Ma-a, Davao City noong Nobyembre 2 dahil sa matinding kahirapan. Sigurado kong ikaw ay mayroon ding opinyon tungkol dito. Marahil ay sang-ayon ka rin sa halos lahat ng mga nabasa ko na nagpapakita ng awa sa pinagdaanan ng 11 anyos na batang ito.

Para permanenteng maibsan ang sakit ng kumakalam na sikmura, pinili niyang kitlin ang daloy ng hangin sa kanyang leeg sa pamamagitan ng isang lubid. Sa panginginig ng kanyang katawan habang unti-unti siyang binabawian ng buhay, marahil ay nasa isip niyang ilang saglit na lang ang kailangan niyang tiisin para tuluyan nang takasan ang kalbaryong pinasan mula nang ipanganak siya.

May dalawang magkasalungat na pagtingin sa pagpapakamatay. Para sa iba, ito ay isang karuwagan, isang pagtakas sa problema o pagsubok sa buhay. Pero mayroon ding nagsasabing ang pagpapakamatay ay ang pinakamataas na porma ng katapangan. Wala na raw kasing makapapantay pa sa desisyon ng isang taong kitlin ang sariling buhay. Kailangan daw kasi ng kaseguruhan sa bahagi ng isang taong gustong magpakamatay dahil ito ang pinal at huling desisyong gagawin niya.

Sa kaso ni Marianette, hindi ko masasabing siya ay duwag o matapang.

Batay sa impormasyong naiulat tungkol sa kanya, masasabing siya ay determinadong makapagtapos ng pag-aaral kahit na hindi siya matustusan ng kanyang magulang. Sa kanyang murang edad na dapat ay ginugol sa pag-aaral at paglalaro, kinailangan niyang tulungan ang kanyang magulang sa pagtatrabaho (partikular ang kanyang nanay sa pagtanggap ng labada) para magkaroon ng pagkain sa mesa. Ang isang taong may determinasyon at may ambisyon sa buhay tulad ni Marianette ay hindi matatawag na duwag.

Pero siya kaya ay matapang? Ang sagot ay maaaring oo o hindi. Kung naniniwala ka sa pagtinging ang pagpapakamatay ay pinakamataas na porma ng katapangan, maliwanag na ang sagot mo ay oo. Pero maaari mo ring sabihing ang katapangan ay masusukat sa pagharap sa buhay, hindi sa pagkitil nito. Anuman ang opinyon mo, sana’y huwag na huwag nating sisihin si Marianette sa kanyang desisyon. May kasabihan nga sa wikang Ingles: “Desperate times call for desperate measures.”

Sa ating lipunang ginagalawan, ang pagpapakamatay ng mga pinagkaitan sa buhay ay hindi akmang matawag na karuwagan o katapangan. Tulad ni Marianette, ang pagpapakamatay ay tinitingnan bilang isang porma ng desperasyon, isang pinal na pagsuko sa mga pagsubok na kailangang harapin bawat araw. Sa kanyang murang edad, alam na niyang wala nang pag-asa pang umunlad ang buhay ng kanyang pamilya, kaya mabuti pang takasan na lang ito.

Batay sa ilang pahayag ng mga opisyal ng pamahalaan, sinabi nilang kailangang gabayan ng mga guro at magulang ang kanilang anak para hindi gayahin ng ibang batang naghihirap ang ginawa ni Marianette.

Pero kung gusto talaga nating tuluyang maiwasan ang desperasyon bunga ng kinasadlakan, kailangang wakasan ang kultura ng kahirapan.

Sa panahong may malaking pagkukulang ang pamahalaan sa pagpapaunlad ng buhay at kabuhayan ng nakararami, nasa ating lahat ang responsibilidad na huwag hayaan ang mga batang naghihirap tulad ni Marianette na piliing kitlin ang sariling buhay para lang tumakas sa kalbaryong pinapasan niya at ng kanyang pamilya.

Dahil ang pagpapakamatay ni Marianette ay naging laman na ng pambansang balita, ang kanyang pangarap na magkaroon ng kaginhawaan ay hindi na lang para sa kanyang pamilya kundi para sa buong bansa.

Kung may paggabay mang kinakailangan para sa mga bata, ito ay ang pagmumulat sa katotohanang ang kanilang karanasan ay katulad rin ng kaso ng nakararaming mahihirap. Hindi nila dapat isiping sila ay nag-iisa sa kanilang pinagdaraanan.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

One thought on “Isang diskurso sa pagpapakamatay”

  1. Sa sitwasyon na ito, matatawag itong makatarungan dahil sa mga pinapakita ng isang tao na itoy hindi makakasama at makakaapekto sa kanyang kinabukasan. sa napansin kung mga saloobin ito ay karaniwang makakatulong sa kanya dahil sa halip na sya ay gustong sumikap alintuntunin nyang mag aral ng mabuti para sa kanyang kinabukasan para ito ay makakatulong at maipakita nya sa mga mamayang pilipino.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.