Argumento ng umento

N.B. – This was published in Vol. 7, No. 17 (May 7-13, 2008) of Pinoy Weekly (p. 5), the full text of which may be retrieved from http://pinoyweekly.org/cms/2008/05/argumento-ng-umento.

Pinoy Weekly | Konteksto (kolum ni Danilo A. Arao)Pinoy Weekly onlineHuwag nang taasan ng suweldo ang mga manggagawa. Kung hindi man magsara ang mga kompanya, baka tumaas pa ang presyo ng bilihin. At bakit ba mareklamo sila samantalang hindi hamak na mas mataas ang suweldo nila kumpara sa mga manggagawa sa ibang bansa?

Ilang argumento lang itong parati nating naririnig mula sa mga nasa kapangyarihan (at ilang hindi nakakaalam). Ang mga ganitong pagtingin ay maaaring magpaliwanag sa hindi masyadong mataas na mga umentong ibinibigay ng mga RTWPB (Regional Tripartite Wages and Productivity Board) mula nang itatag ang mga ito noong 1989.

Sa bandang huli raw kasi, ang masyadong mataas na suweldo ng mga manggagawa ay nakasasama sa ekonomiya. Dahil dito, hindi katanggap-tanggap ang panawagan ng mga progresibong sektor na substansiyal na itaas ang suweldo ng mga manggagawa sa pribado’t publikong sektor (P125 bawat araw para sa una, P3,000 bawat buwan para sa ikalawa). At mas lalong hindi nararapat ang legislated wage hike dahil dapat dumaan sa RTWPBs ang anumang pagtataas ng sahod.

Kahit na hindi mo basahin ang mga pahayag ng KMU (Kilusang Mayo Uno), AnakPawis at iba pang progresibong organisasyon, ang simpleng pagsusuri ng mga estadistika mula sa NWPC (National Wages and Productivity Commission), BLES (Bureau of Labor and Employment Statistics) at NSO (National Statistics Office) ay magpapatunay na hindi totoo ang mga argumento laban sa mga progresibong organisasyon.

Unahin natin ang adyenda ng pamahalaan sa pagpupumilit na ang RTWPBs ang kailangang magdesisyon sa sahod ng mga manggagawa. Kumpara sa isang legislated wage hike, maraming exemptions sa mga ipinapalabas na WO (wage order) ng RTWPB.

Kung babasahin, halimbawa, ang WO No. 13 para sa mga manggagawa ng National Capital Region (NCR), ang mga hindi saklaw ng P12 pagtaas na sahod noong Agosto 2007 ay ang sumusunod: “(1) Distressed Establishments; (2) Establishments Facing Potential Losses; (3) Retail/Service Establishments Employing Not More Than Ten (10) Workers; (4) Establishments whose total assets, including those arising from loans, but exclusive of the land on which the particular business entity’s office, plant and equipment are situated, are not more than Three Million Pesos (P3,000,000.00); and, (5) Establishments adversely affected by natural calamities.

Ano ang implikasyon ng mga ito, lalo na ang ikatlong punto? Kung titingnan ang datos noong 2006 tungkol sa mga establisimyento at ang dami ng mga manggagawa nila, lumalabas na 1.7 milyong manggagawa (33.46 porsiyento) ay nasa mga establisimyentong may isa hanggang siyam na manggagawa. Sila ay may malaking posibilidad na hindi masaklaw ng WOs mula sa RTWPBs.

Sa pinakahuling datos ng BLES, ang produktibidad ng mga manggagawa noong 2005 ay tumaas nang tatlong porsiyento. At kung titingnan naman ang volume of production index o VPI – isang indikasyon ng kantidad ng pang-ekonomikong produksiyon ng bansa – noong Pebrero 2008, mapapansin ang 8.6 porsiyentong pag-angat kumpara sa nakaraang taon. Dagdag pa sa opisyal na pahayag ng NSO: “Thirteen (13) of the 20 major sectors reported increases in production output with two-digit increments observed in the following: petroleum products, leather products, beverages, footwear and wearing apparel, and wood and wood products.

Lumalabas na kaya naman ang pagtataas ng suweldo at hindi mangyayari ang kinatatakutang malawakang pagsasara. Kailangan ding tandaang sa mga sarbey na isinagawa ng DOLE (Department of Labor and Employment) sa mga nagsarang kompanya sa mga nakalipas na taon, hindi naman pangunahing dahilan ang suweldo ng mga manggagawa: Sa halip, ang pangunahing reklamo ng mga kapitalista ay ang mataas na presyo ng mga kagamitan sa produksiyon.

Tungkol naman sa epekto ng pagtataas ng suweldo sa presyo, hindi ba’t sa isang deregulated regime, wala nang nakakapigil sa mga kapitalista na magtakda ng presyo? Ito ang dahilan kung bakit ang isang panawagan ng mga manggagawa ay magkaroon ng kontrol sa presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo.

Mayroon ding opisyal na estadistika tungkol sa suweldo ng mga manggagawa sa Pilipinas at iba pang bansa. Alam n’yo bang kumpara sa Pilipinas ($84.84-$255.83), mas mataas ang sahod sa Malaysia ($210.74-$482.46), Taiwan ($565.96), South Korea ($565.96), Japan ($1,552.29-$1,636.51), New Zealand ($1,683.95-$2,104.93), Singapore ($645.07-$2,675.56) at Australia ($3,080.43)?

Ayon sa datos ng NWPC noong Mayo 5, 2008, mas mataas lang ang sahod ng Pilipinas sa Vietnam ($43.76-$53.63), Cambodia ($52.61), Indonesia ($59.29-$110.57), China ($64.30-$111.45) at Thailand ($134.21-$179.26).

Pero higit pa sa mga estadistikang ito, kailangan din nating isakonteksto ang sahod sa pangkabuuang kalagayan ng isang pamilya. Maaari tayong malula sa dami ng mga estadistika at retorikang ginagamit ng magkabilang panig pero isang tanong lang ang dapat sagutin: Sa panahon ng krisis, sino ba ang mas dapat na magsakripisyo? Ang manggagawa o ang kapitalista?

Totoo namang mababawasan ang tubo ng mga kapitalista oras na magkaroon ng substansiyal na pagtataas ng sahod. Pero hindi ba’t kailangan ito ng mga manggagawa lalo na sa panahong ito?

Dahil sa pagtanggi ng mga nasa kapangyarihan sa pagtataas ng suweldo ng nakararaming manggagawa, ang hindi direktang mensahe sa kanila ay ganito: Sanay naman kayong magsakripisyo, kaya lalo pa ninyong higpitan ang inyong sinturon. Hindi bale nang kayo ang maagrabyado, basta’t tuluy-tuloy lang ang pagpasok ng mga mamumuhunan dito.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.