Print | Email | PDF

N.B. – This will be published in Vol. 7, No. 20 (May 28-June 3, 2008) of Pinoy Weekly. I posted this in advance because I might not have Internet access tomorrow (May 28).

Pinoy Weekly | Konteksto (kolum ni Danilo A. Arao)Pinoy Weekly onlineTotoo namang nakakalula ang estadistika sa pulitikal na pamamaslang, at mas lalong maisasakonteksto natin ang mga datos sa pambansang kalagayan at kahit sa ating personal na buhay kung lalo pa nating susuriin ang ibig sabihin ng mga ito.

Batay sa estadistika mula sa Karapatan Monitor (Enero-Marso 2008), umabot na sa 903 ang biktima ng pulitikal na pamamaslang mula Enero 21, 2001 hanggang Marso 31, 2008.

Kung gagamitin natin ang simpleng matematika, lumalabas na may isang pulitikal na pamamaslang na nangyayari sa bawat tatlong araw mula nang maging presidente si Gloria Macapagal-Arroyo.

Ano ba ang batayan ng komputasyong ito? Kailangan lang bilangin ang araw mula Enero 21, 2001 hanggang Marso 31, 2008. Sa matiyaga mong pagkokompyut, malalaman mong ang panahong nabanggit ay 2,627 araw.

Pagkatapos nito, i-divide mo ang 903 sa 2,627. Ang sagot na makukuha mo (0.34) ay ang tinatawag na average na pamamaslang bawat araw. Ipinapakita ng ating datos na hindi araw-araw na nangyayari ang pulitikal na pamamaslang kundi isang beses bawat tatlong araw. (Malalaman mo ang interpretasyong ito kung idi-divide mo ang 1.00 sa 0.34.)

Mula sa simpleng dibisyon ng mga numero, suriin natin ang estadistika ng pulitikal na pamamaslang mula Enero 21, 2001 hanggang Marso 31, 2008.

Pulitikal na pamamaslang

Taon Bilang ng pinaslang Bilang ng araw Average Interpretasyon
2001 (Mula Enero 21) 99 345 0.29 Isa bawat tatlong araw
2002 118 365 0.32 Isa bawat tatlong araw
2003 123 365 0.34 Isa bawat tatlong araw
2004 83 366 0.23 Isa bawat apat na araw
2005 187 365 0.51 Isa bawat dalawang araw
2006 210 365 0.58 Isa bawat dalawang araw
2007 70 365 0.19 Isa bawat limang araw
2008 (Enero-Marso) 13 91 0.14 Isa bawat pitong araw
TOTAL 903 2,627 0.34 Isa bawat tatlong araw

Kung titingnan ang datos para sa 2005 hanggang 2006 na kung saan 397 ang naitalang biktima, lumalabas na ang insidente ng pulitikal na pamamaslang ay isa bawat dalawang araw. Batay sa pagsusuri natin sa mga datos, ang mga taong 2005 at 2006 ay pinakamalala sa rekord ng pulitikal na pamamaslang.

Dapat bang matuwa tayo na sa sumunod na taon (2007), ang insidente ng pulitikal na pamamaslang ay umabot na ”lang” sa isa bawat limang araw? Ang sagot siyempre ay hindi, sapagkat hindi ito usapin ng mababa o mataas na bilang ng biktima ng pulitikal na pamamaslang. At lalong hindi tayo dapat maging kampanta na ang unang tatlong buwan ng 2008 ay nagpapakita ”lang” ng isang insidente ng pulitikal na pamamaslang sa bawat pitong araw.

Kahit na sabihing isang tao lang ang pinatay sa loob ng 365 araw o isang taon, may dahilan pa rin para singilin ang mga nasa kapangyarihan sa kahinaan nitong protektahan ang mamamayan nito.

Ang anumang pagsusuri ng mga estadistika ay kadalasang kinakailangan lang ng kaalaman sa simpleng matematika.

Pero sa konteksto ng datos hinggil sa karapatang pantao, ang ating pag-aaral sa mga numero ay hindi dapat mangahulugan ng pagkalimot sa mga aktuwal na biktima. Lahat sila ay may kinabukasang marahas na winakasan ng mga nagtuturing sa kanilang kaaway dahil ang kanilang pagkilos ay banta sa interes ng mga nasa kapangyarihan. Dapat ding tandaang sila ay may pamilya’t mga kaibigang patuloy na naghihinagpis at naghahanap at hustisya.

Ang ilan sa kanila ay maaaring malapit na kaibigan o kamag-anak mo, at kaisa ka sa pag-aalala sa kalagayan nila, lalo na kung sila ay dinukot at hanggang ngayon ay nawawala.

Habang binabasa mo ito, malamang na pumapasok sa iyong alaala ang ilang aktibistang pinaslang at dinukot, mga indibidwal na nakilala mo sa kung anumang kapasidad. Patuloy mong tanganan ang iyong alaala sa kanila at huwag lang magpatali sa estadistikang patuloy na lumalaki.

Totoong mang nakakalula ang estadistika, mas mapagpasya sa ating pagkilos ang datos na hinalaw mula sa karanasan ng pakikibaka kasama ang mga pinaslang, dinukot at iba pang biktima ng paglabag sa karapatang pantao.

Ang mga numero ay nagpapakitang kasama sila sa mga biktima, pero ang pagpaparami ng bilang ng mga kumikilos para sa pagbabago ay mas lalong magpapatingkad sa kanilang alaala.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Related Posts:
Matematika para sa manggagawa
Huwag ka lang sanang magsulat
Hindi pa tapos ang boksing
Inis sa buwis sa langis
Saysay ng pagtatapos (1)

Leave a Reply

You can use these tags: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>

While I am against censorship, I am forced to enable comment moderation to check against spam. If this is your first time to post a comment, I have to approve it first. Your succeeding comments will be approved automatically.