Usapang langis

N.B. – This was published in Vol. 7, No. 21 (June 4-10, 2008) of Pinoy Weekly (p. 5), the full text of which may also be retrieved from http://www.pinoyweekly.org/cms/2008/06/usapang-langis.

Pinoy Weekly | Konteksto (kolum ni Danilo A. Arao)Pinoy Weekly onlineHabang isinusulat ang artikulong ito, nangako ako sa aking sariling hindi gagamit ng pinakahuling datos ng presyo ng langis dahil malamang na maluluma rin ito sa ilang araw lang.

Ang karamihan sa atin ay tila nahihilo, nalulula at naluluha sa sunud-sunod na pagtaas na presyo ng petrolyo. Ang sinabi nating ”mataas” ilang buwan na ang nakaraan ay naging ”sobrang mababa” na ngayon, kung ang ating pamantayan ay ang kasalukuyang presyo. Para din itong pangkalahatang pagtingin sa diktadurang Marcos ngayon: Kumpara kasi sa kasalukuyang nakaupo sa Malakanyang, lahat ng mga nagdaang presidente ay tila santo.

Gustuhin ko mang kunin ang pagkakataong ito para ipaliwanag ang bentahe ng pagmomotorsiklo sa konteksto ng malayuang biyahe at mas matipid na paggamit ng gasolina, alam kong maraming motorista ang kokontra dahil ang sobrang taas ng presyo ng mga produktong petrolyo ay may direktang epekto na rin sa lahat ng klase ng behikulo. Kung noon, halimbawa, ay nakakaya kong magpa-full tank ng aking motorsiklo sa halagang P100 lang, ngayon ay wala pa sa kalahati ang napupuno sa halagang ito.

Kahit ang mga tinaguriang alternatibo tulad ng Auto LPG (liquefied petroleum gas) at Biogas ay apektado rin ng sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng langis. Bagama’t mas mababa ang mga ito sa iba pang produktong petrolyo, partikular ang may matataas na octane rating, nagiging masakit na rin sa bulsa ang paggamit ng mga ito, lalo na sa panahong kakarampot lang ang itinaas at inaasahang itataas sa sahod ng mga manggagawa.

Kung iisipin lang natin ang ating sarili, madaling sabihing magtipid na lang tayo sa paggamit ng mga produktong petrolyo o iwasan na ang paggamit ng mga ito. Sa halip na gamitin ang sariling sasakyan, sumama na lang sa car pool ng kompanyang pinagtatrabahuan o mag-traysikel, dyip at LRT (light rail transit). Kung malapit lang ang pinapasukan, bumili na lang ng bisikleta at gamitin ito sa pagbiyahe: Mura na, de-padyak pa at hindi pa mahirap iparada. O kung gusto mo talagang makatipid at kaya pa naman ng iyong katawan, subukin mo na lang maglakad!

Pero ang problema, hindi opsyon ang mga ito para sa mga nasa sektor ng transportasyon tulad ng mga drayber. Ang anumang pagtitipid nila sa paggamit ng produktong petrolyo ay mangangahulugan ng paglimita sa kanilang pagbiyahe, na magreresulta sa pagbawas sa kakarampot na nga nilang kita bawat araw. Kailangan nilang pumunta sa mga istasyon ng gasolina at magpakarga kung gusto pa nilang magpatuloy sa kanilang pamamasada.

Nakakadagdag sa init ng ulo ng mga drayber ang matinding trapik sa mga lansangan, dahil alam nating mas malaki ang nakokonsumong gasolina kung ang mga sasakyan ay pahinto-hinto’t mabagal ang takbo. Delikado mang gawain ito, madalas na napipilitan silang lumabag sa batas-trapiko para mas makarami ng biyahe. Dahil sa abnormalidad sa industriya ng langis at sa kultura ng lansangan, nagiging bahagi ng kanilang araw-araw na pamamasada ang swerving, speeding, beating the red light at illegal loading and unloading.

Karapatan ng mga drayber ang manawagan para sa mas mataas na pamasahe, at habang isinusulat ito’y mayroong ipinapatupad nang singkuwenta sentimos na provisional increase para sa mga dyip, kaya ang unang apat na kilometrong pagbiyahe ay nagkakahalaga na ng P8.00. Pero mapapansing ang iba’t ibang grupong pangtransportasyon ay maingat sa paggawa ng panawagang ito, hindi lang dahil maraming magagalit sa kanila kundi dahil baka mabawasan ang mga sasakay kung sa tingin nila’y sobrang mataas na ang pamasahe.

Sa gitna ng sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng langis, hindi dapat pagbanggain ang interes ng mga nasa sektor ng transportasyon at ang nakararaming commuter. Hindi po ito usapin ng kung gaano ba dapat itaas ang pamasahe o kung anong moda ng transportasyon ang mainam para sa nakararaming mamamayan. Nananatiling ugat ng problema ang deregulasyon sa downstream oil industry na nagbunga ng malayang pagtatakda ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Para sa mga nasa kapangyarihan, hindi deregulasyon ang problema kundi isang solusyon, basta’t bigyan lang ng tsansa ito. Labindalawang taon na ang nakaraan mula nang tanggalin ang regulasyon sa downstream oil industry at ito ay nagbunga lang ng sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng langis at mangilan-ngilang rollback. Ang pagpasok ng iba pang kompanya ng langis ay walang naging epekto sa kalagayan ng presyo.

Totoo namang mas mainam na magbisikleta na lang o maglakad para hindi maging alipin ng sunud-sunod na pagtaas na presyo ng petrolyo, pero may isang bagay pang magagawa ang nakararaming Pilipino. Puwede tayong sama-samang magbisikleta o maglakad papunta sa Malakanyang para iparating ang ating kolektibong hinaing, at para ihain ang solusyon – ang pagbasura sa deregulasyon.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

4 thoughts on “Usapang langis”

  1. Pingback: PinoyBlurker

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.