Huwag ka lang sanang magsulat

N.B. – This was published in the October 24-30, 2008 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://www.pinoyweekly.org/cms/2008/10/huwag-ka-lang-sanang-magsulat.

Kahit na marunong kang bumasa, kaya mo bang umintindi? Nakakakita ka nga pero nagmamasid ka ba? Ang nasa utak mo ba’y produkto ng malalimang pag-iisip? Ang iyo bang panulat ay kayang magmulat?

Ipagpaumanhin po ang tendensiyang maging matalinghaga, pero ganito ang epekto ng kasalukuyang sitwasyon sa akin. Parating may hiwagang kaakibat ang malalimang pagsusuri ng pagkakaugnay-ugnay ng mga bagay-bagay – isang pangunahing tungkulin ng peryodista, lalo na ng isang kolumnista.

Bakit may hiwaga? Magbigay tayo ng tatlong halimbawa.

Una: Isang malaking misteryo kung bakit nagbago ng isip ang isang retiradong pulis na magpunta sa Senado para ipaliwanag kung bakit nahulihan siya ng malaking pera sa Rusya at hindi niya ito idineklara. Hindi ko rin maubos-maisip kung bakit hindi alam ng mismong pinuno ng kapulisan kung saan nanggaling ang perang hawak ng retiradong pulis na ito; hindi naman daw galing sa bangko at hindi niya pinayagan ang pagdadala ng ganoon kalaking halaga.

Ikalawa: Nakatakdang bumalik sa Pilipinas ang isang dating mataas na opisyal ng gobyernong nasangkot sa isang multi-milyong anomalya dahil hindi inaprubahan ng Estados Unidos ang aplikasyon niya para sa political asylum. Kahit sabihing sibilyan na siya’t wala nang koneksiyon sa administrasyong Macapagal-Arroyo, nagtataka ka ba sa pahayag ng isang miyembro ng Gabinete na ipapasailalim muna sa debriefing ang taong ito kaya baka manatili siya sa kalinga ng gobyerno sa loob ng isa o dalawang araw? Mabilis ding sinabi ng opisyal na itong wala nang bisa ang warrant of arrest na ipinalabas ng Senado noon dahil matagal na raw tapos ang imbestigasyon nito.

Ikatlo: Isang beteranong labor lawyer ang inaresto kamakailan dahil sa salang multiple murder. Kung isasakonteksto sa napakaraming kaso ng pulitikal na pamamaslang at pagdukot, bukod sa iba’t ibang porma ng intimidasyon sa mga kritikal sa gobyerno, hindi masisisi ang mga militanteng grupo sa panawagan nilang mag-ingat ang lahat (miyembro man o hindi) dahil may panibago na namang serye ng pag-atake sa hanay nila. Ang nakapagtataka lang: Bakit nananatiling walang pakundangan ang mga nasa kapangyarihan, lalo na ang mga pulis at sundalo, sa pagpapatahimik (permanente man o hindi) sa mga patuloy na tumutuligsa sa pamahalaan? Sa kabila ng mga batikos na nakuha ng pamahalaan mula sa mga lokal at pandaigdigang organisasyon, patuloy pa rin ang mga pulitikal na pamamaslang at pagdukot. Ang paglabag sa karapatang pantao ay umaabot din sa hanay ng midya, dahil marami na ring peryodista ang tinakot, dinemanda, ipinakulong at pinatay mula nang manungkulan si Macapagal-Arroyo noong 2001.

Aaminin kong sa simula lang naman ang hiwaga’t pagtataka, dahil makikita naman ang pagkakaugnay-ugnay sa matamang pag-iisip at pagsasakonteksto ng mga isyu. Ang simpleng paliwanag sa mga tanong ay ang patuloy na pagtatakip at pagsisinungaling ng mga nasa kapangyarihan hinggil sa napakaraming katiwalian. Ang unang dalawang halimbawa’y nagpapakita ng korupsiyon, samantalang ang huli’y nagpapakita ng pasismo (wala nang iba pang terminong magpapaliwanag sa malawakang pagpatay sa mga aktibista’t peryodista!).

Pero sa huling pagsusuri, ang malawakang pag-abuso sa kapangyarihan ay simpleng paliwanag sa tatlong halimbawang nabanggit. Malinaw ang intensiyon ng mga opisyal na samantalahin ang pagkakataon habang nasa kapangyarihan pa sila, sa porma man ng pagpapayaman sa sarili o paglikida sa mga tinitingnan nitong kaaway.

Ang kadalasang aroganteng tono ng mga nasa kapangyarihan ay repleksiyon lang ng kanilang hindi-masukat na kapangyarihan sa ating lahat, at alam na alam nila ang katotohanang ito. (Natatandaan mo pa ba ang pahayag ng isang opisyal na kay Jesus Christ na lang mag-apila ang magulang na tutol sa pagbibigay ng pardon sa pumatay sa anak nila?)

Malinaw na ang mga komplikadong paliwanag ng mga nasa kapangyarihan ay may layunin lang na hindi maintindihan ng mamamayan ang mga isyung mayroon namang simpleng paliwanag. Kapag sinasabi nilang hindi magkakaugnay ang mga isyu at dapat tratuhin ang mga ito bilang mga hiwalay na insidente, iniiwasan lang nila ang pagsasakonteksto ng kasalukuyang kalagayan.

Sa sobrang dami ng isyung dapat talakayin, talagang hindi ka mawawalan ng paksang tatalakayin kung gusto mong seryosohin ang pagsusulat. At kung mahusay kang manunulat, malamang na maraming maeengganyong sumulat din ng sarili nilang mga artikulo.

Pero sana’y hindi ka lang makontento sa pagsusulat, bagama’t importanteng gawain ito’t kaya nitong makapagmulat.

Walang pong masama sa pagsama sa mga kilos-protesta. Sa panahong ito, maaaring sabihing ang paglahok sa mga ito ay tanda ng iyong pagiging responsableng mamamayan kahit na, sa pamantayan ng mga nasa kapangyarihan, ikaw ay tataguriang aktibistang dapat na takutin o permanenteng patahimikin.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.