Makulay na pulitikal na buhay (2)

N.B. – This was published in the December 5-11, 2008 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://www.pinoyweekly.org/cms/2008/12/makulay-na-pulitikal-na-buhay-2.

(Huli sa dalawang bahagi)

Mula asul at dilaw noong hayskul, naging paborito kong kulay sa kolehiyo ang dati kong kinatatakutan: Pula.

Ano ba ang ibig sabihin ng UP na pinasukan ko? Unibersidad ng Pilipinas o Unibersidad ng Protesta?

Para sa isang gradweyt ng isang konserbatibong hayskul na katulad ko, talagang ibang-iba ang kultura sa UP. Kung anong higpit ng administrasyon ng aming eskuwelahan sa Caloocan ay siya namang luwag sa Diliman. Ang dating matataas na bakod ay napalitan ng napakalawak na lupaing kailangan pang sumakay ng dyip (o maglakad nang mahaba) para makarating sa iba’t ibang gusali.

Hinanap ko ang aking sarili at inakala kong natagpuan ito sa pagpapalakas ng aking espiritwalismo. Sa aking unang taon sa kolehiyo noong 1986, naging bahagi ako ng kilusang ”born again” dahil na rin sa imbitasyon ng isang kaibigan sa hayskul.

Sa pamamagitan ng taimtim na pagdarasal, naramdaman ko ang tila pagkawala ng mga problema at ang pangkalahatang paggaan ng pakiramdam. Hindi ito kakaiba sa naging pangkalahatang mainit na pagtanggap ng mamamayan sa bagong administrasyon ni Corazon Aquino, ang kandidatong ikinampanya ko noong hayskul.

Dahil wala na ang diktadura, tulad ng marami’y nagkaroon ako ng ilusyong maglalaho na ang mga pangunahing problema ng bansa. Basta’t suportahan lang ang administrasyong Aquino, mawawala rin ang kahirapan ng nakararaming mamamayan. Hindi maaaring magkamali ang asawa ng pinatay na lider ng oposisyon dahil hindi naman siya pulitiko. At lalong hindi ako maaaring magkamali sa pagsuporta sa kanya.

Ang aking saradong isipa’y lalo pang pinalakas ng mga pangaral ng dayuhang pastor ng Christian fellowship na kinabibilangan ko. Hindi raw dapat isipin ang pambansang kalagayan, dahil ang personal na paglilinis ng kaluluwa’y mas mahalaga. Katanggap-tanggap raw ang hindi pakikialam sa lipunan dahil ang kasamaan ay naiuugat sa tukso ng kamunduhan.

Higit sa lahat, kailangan daw iwasan ang mga pulang rebelde. Puro kahayupan diumano ang ginagawa nila sa kanayunan. Hindi lang daw pagnanakaw o pagsasamantala ang nararanasan ng masang naghihirap sa kamay nila. Ginagamit raw ng mga rebelde ang kanilang armas laban sa mga tao: Pumapatay sila nang walang malinaw na dahilan.

Naitanim sa aking murang isipan ang imahe ng mga nakasuot ng pula – nakangiti habang pinapatay ang mga ordinaryong magsasaka sa kanayunan. Para sa akin, bahagi ng kanilang araw-araw na buhay ang walang pakundangang pagpatay.

Tulad ng seryoso kong pakikinig sa mga pangaral ng dayuhang pastor, tinutukan ko rin ang aking pag-aaral sa UP sa aking unang taon. Wala akong sinalihang organisasyon sa kampus at ang silid-aklatan lang ang aking pinupuntahan kung wala akong klase.

Pero iba talaga ang epekto ng liberal na edukasyon. Unti-unti kong napansin ang malaking pagkakaiba ng mga pangaral ng dayuhang pastor sa itinuturo ng ilan kong propesor at ikinakatwiran ng maraming estudyante. Sa bawat argumento ko, may sagot ang kabilang panig. Kahit na sabihing sanay akong makipagdebate kahit noon pang hayskul, nahirapan pa rin akong ipaglaban ang aking mga pinaniniwalaan.

Hinanapan ako ng ebidensiya ng aking mga katwiran. Hindi sapat para sa aking mga katunggali ang sabihing galing ang aking mga ideya sa isang dayuhang pastor.

Ginugol ko ang aking ikalawang taon sa UP sa paghahanap ng nasabing ebidensiya. Nagbasa ako ng mga sulating malalimang tumatalakay sa kalagayan ng Pilipinas at naglalatag ng mga importanteng datos tungkol dito. Ang aking pagbabasa’y nagtulak sa akin para tingnang mabuti ang araw-araw kong nakikita – ang mga may-edad na namamalimos, ang mga batang nagtatrabaho sa murang edad, ang mga babaeng naglalako ng sarili para lang mabuhay.

Ang aking pagkamulat ay pagtanggap sa masakit na katotohanan: Kabaligtaran ng inisyal na paninindigan ang aking natagpuan. Para magkaroon ng mas matibay na paninindigan, kinailangan kong talikuran ang mga matagal kong pinaniniwalaan.

Nakita ko ang kahinaan ng dilaw, at hindi ko na kinatatakutan ang pula.

Dahil peryodismo ang aking kurso, sinubukan kong pumasok sa Philippine Collegian (opisyal na pahayagan ng mga estudyante ng UP Diliman) sa ikalawang semestre ng aking ikalawang taon.

Pinalad akong natanggap at – dahil nais kong matuto’t patibayin ang aking paninindigan – tiniis ko ang hirap ng pagbubuo ng lingguhang publikasyon. Kung saan-saan ako pinapunta para kumuha ng balita. Umaabot ako sa labas ng kampus (at paminsan-minsa’y dumarayo pa sa ilang karatig na probinsiya) para lang may maisumiteng mga artikulo sa mga patnugot.

Iba ang pamantayan ng Kule (ang tawag namin sa Philippine Collegian) sa pagpili ng mga artikulong ilalabas: Hindi lang dapat may saysay ang paksa at mahusay na sinaliksik ito. Kailangan ding malalim ang pagsusuri sa mga datos. Para maging epektibo ang aking panulat, mas lalong kinailangan ang pagbabasa’t pakikipamuhay sa iba’t ibang sektor ng lipunan.

Seryoso kong ginampanan ang aking tungkulin sa publikasyon kaya nagsilbing gantimpala ang pagbibigay sa akin ng posisyong patnugot sa balita (news editor) ng Kule. Gustuhin ko mang sumapi sa ilang progresibong organisasyon sa UP, hindi nangyari ito dahil sa bigat ng tungkulin ko sa Kule (bukod pa sa pangangailangang panatilihin ang matataas na grado sa mga pang-akademikong kurso kaugnay ng aking scholarship).

Pero bago ako nagtapos sa kolehiyo, ginawa ko ang lahat para maging aktibong kasapi ng isang pambansang organisasyon ng kabataan – ang Kabataan para sa Demokrasya at Nasyonalismo (KADENA). Dito ko mas lalong naranasan ang pakikisalamuha sa kabataang hindi nag-aaral (out-of-school youth) at makipag-ugnayan sa iba pang kapareho ng paninindigan mula sa ibang unibersidad.

Tulad ng Kule, pinalakas ng KADENA ang aking paninindigang ang progresibong pananaw sa pagbabago sa lipunan ay lubos na kinakailangan. Kahit na matagal nang nabuwag ang KADENA, gusto kong isiping ang pulang bandila nito’y patuloy kong iwinawagayway sa bawat artikulasyon ng matibay na paninindigan.

Asul, dilaw, pula. Batay sa aking pagninilay-nilay, masasabing sadyang makulay ang aking pulitikal na paglalakbay.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

One thought on “Makulay na pulitikal na buhay (2)”

  1. sinundot ako ng ‘yong post sa mga alaala nila joey flora, jean enriquez at noel medina…mahigit dalawampung taon na ang lumipas!

    Sagot: Maraming salamat. Hulaan ko: Taga-KADENA ka rin, di ba? Mabuhay ka!

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.