Pulitika ng sapatos at tsinelas

N.B. – This was published in the April 3-9, 2009 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://www.pinoyweekly.org/cms/2009/04/pulitika-ng-sapatos-tsinelas.

Ang dating nakatsinelas noon, nakasapatos na ngayon!

Simbolo ba ito ng iyong pag-asenso? Indikasyon ba ito ng iyong pagyakap sa kapitalismo?

Walang madaling sagot sa simpleng tanong. Puno kasi ng kompromiso ang ating mundo. Napag-iiba man ang puti at itim, mahirap namang paghiwalayin ang puti sa de-kolor, lalo na’t kung ang iba’t ibang kulay ay may iba’t ibang pakahulugan.

Tulad ko, puwedeng napaghahalo mo ang pagsusuot ng sapatos at tsinelas sa iyong araw-araw na pakikipagsapalaran, halimbawa, para makakuha ng sasakyan sa iyong pupuntahan. Kung naka-tsinelas ka, aminin mong masakit ang literal na maapakan ng kung sinumang nakasapatos na tulad mong nakikipag-unahan sa iyo.

Sa iyong pag-upo sa bus o dyip, unti-unting nawawala ang kirot ng pagkakaapak. Pero ibang sakit ang nararamdaman sa pagkakita sa duming naiwan ng matigas na sapatos na suot ng nakaapak sa iyo. Kitang kita mo ang duming dulot ng indirektang pakikisalamuha sa hindi kakilalang tao.

Pero sa kabila ng iyong pagngingitngit, isipin mong hindi naman niya sinasadya ang pangyayari, at ang duming nasa paa mo ngayon ay mula sa kalyeng kanyang nilakaran at lugar na pinagmulan. Kailangan ding tandaang madaling matanggal ang dumi sa iyong paa. Tubig o basahan lang ang katapat niyan.

Habang papunta ka sa eskuwelahan o opisinang pinapasukan, siguro’y nagsisisi ka kung bakit pinili mong magsuot ng tsinelas. Kung nakasapatos ka lang, hindi ba’t mas protektado ka sana sa nakaapak sa iyo? Pero kailangan mong maglakad nang medyo malayo para makasakay sa bus o dyip, at sadyang mahirap maglakad nang nakasapatos.

Hindi ka nag-iisa sa diskarte mo sa pagsakay at araw-araw na pakikipagsapalaran sa lansangan. Maraming gumagawa ng nakagawian mo na: Ang magsuot ng sapatos doon lang sa opisina o eskuwelahan, hindi dahil iyong kagustuhan kundi dahil kinakailangan. Itinakda ng mga nakatataas na ang pamantayan ng pormalidad ay ang pagsusuot ng sapatos, kahit na malaking pahirap ito sa paa.

Kung babae ka, mas matinding pamantayan ang itinakda sa iyo dahil kailangan mong magsuot ng sapatos na mataas ang takong na sadyang mahirap gamitin sa paglakad. Itinakda ng kasalukuyang lipunan na ang isang babae, para magmukhang disente at moderno, ay kailangang magsuot ng mga bagay tulad ng maiikling palda (at oo, sapatos na matataas ang takong) na makakapigil sa kanyang malayang pagkilos.

Hindi ba’t matinding dagok ang hatid ng kapitalismo sa ating bayan? Naitakda nito kung hanggang saan lang tayo maaaring literal na kumilos bago natin maramdaman ang sakit sa ating nakakulong na paa. Sa huling pagsusuri, hindi lang paa ang nakakulong kundi ang ating kolektibong kamalayan! Ito ba ang sinasabing epekto ng konsumerismo sa ating pag-iisip?

”Masasanay ka rin,” pinipilit mong kumbinsihin ang iyong sarili sa halos araw-araw na pangangailangang magsuot ng sapatos sa iyong trabaho o eskuwelahan. Pero pansinin mo ang tuwinang pansamantalang ginhawang hatid ng pamamahinga sa bahay tuwing Sabado’t Linggo na kung saan hindi kailangang ikulong ang paa.

Sa iyong pagmumuni-muni tungkol sa panahong lumipas, siguro’y naitatanong mo sa sarili: ”May pag-unlad ba akong nararamdaman?”

Ito ang tanong na may simpleng kasagutan, at hindi mo na kailangang tumingin sa iyong parating narurumihang paa. Ang madalas na pagkalam ng sikmura ay nagbibigay ng malinaw na kasagutan.

Sa kontekstong ito dapat intindihin ang tunggalian ng pagsusuot ng sapatos at tsinelas. Parating may bentahe ang huli dahil nagbibigay ito ng kalayaan sa ating lahat na may malayong marating. Tinatanggal nito ang pagkakakulong ng paang kailangan natin sa ating paglalakbay, isang bagay na sa kasalukuyan ay kaya lang gawin ng mayayaman.

At napag-uusapan na rin lang ang mayayaman, pansining may tsinelas din naman silang ginagamit pero ang terminong ginagamit ay flip-flop, isang salita sa wikang Ingles na ginagamit din sa isang taong pabago-bago ng isip at walang malinaw na paninindigan.

Kung paghihiwalayin naman ang termino, nakakatawang isiping ang flip ay baliw sa wikang Filipino at ang flop naman ay palpak.

Pero para sa isang nagsusuot ng flip-flop, balewala ang ganitong pagsusuri sa etimolohiya. Ang mahalaga sa kanya’y ipakita sa lahat ang kanilang mamahaling sapin sa paa na hindi kayang marumihan dahil may sarili siyang sasakyan, isang bagay na wala ang nakararaming mamamayan.

Ang desisyong kumawala sa itinakda ng mga nasa kapangyarihan ay isang indikasyon ng paglaban, isang pangako sa sariling hindi lang palalayain ang sariling paa kundi sisiguraduhin ding magiging malinis ang daraanan.

Tunay na maraming paraan para mamulat ang natutulog na isipan, at ang isa sa mga ito ay suriin ang konteksto ng maruming paa.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.