Pananahimik at pag-iingay

N.B. – This was published in the June 19-25, 2009 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://pinoyweekly.org/new/pananahimik-at-pag-iingay/.

May karapatan nga ba si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na gawing pribado ang kanyang plano sa pagtatapos ng kanyang termino sa 2010? Dapat nga bang respetuhin natin ang kanyang patuloy na pananahimik?

Ang sagot ay oo kung paniniwalaan ang pahayag ng ilang nakapaligid sa kanya – Undersecretary Lorelei Fajardo, Cabinet Secretary Silvestre Bello III at House Speaker Prospero Nograles. Para naman kay dating Pangulong Fidel Ramos, chair emeritus ng bagong koalisyong Lakas-Kampi-CMD, kailangang maging malinaw na si Arroyo kung ano ang kanyang gagawin sa 2010.

Tatakbo nga ba si Arroyo bilang kinatawan ng ikalawang distrito ng Pampanga sa House of Representatives (HOR)? Baka mas pundamental pa ang dapat na maging tanong: Magkakaroon nga ba ng eleksiyon sa Mayo 2010?

Lumalabas sa sarbey ng Social Weather Stations na isinagawa noong Pebrero 20-23 na 43 porsiyento ang hindi sang-ayon sa pahayag na ito: “Tapat si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa kanyang balak sa pagbaba sa puwesto sa 2010.” Lumalabas na 31 porsiyento lang ang sang-ayon, samantalang 26 porsiyento ay wala pang desisyon sa isyu.

Ang kolektibong pagdududa’t kawalan ng kaseguruhan ay dahil sa nakalilitong pag-iingay at nakabibinging katahimikan ng ating mga opisyal. Sa isang banda, binuo ang Lakas-Kampi-CMD noong Mayo 28 para diumano palakasin ang makinarya ng administrasyon para sa darating na eleksiyon.

Kung totoo ang mga estadistika ng bagong koalisyon, kayang-kaya nitong magpatakbo ng mga kandidato para sa iba’t ibang puwesto sa lokal na antas. Magkakaroon, halimbawa, ng 66.7 porsiyentong representasyon sa HOR kung mananalo ang lahat ng 146 kinatawan nito mula sa kabuuang 219. Mayroon din itong 58 kandidato para gobernador, o 72.5 porsiyento ng kabuuang 80 puwesto. Halos lahat ng posisyon para sa alkalde ay mayroon din itong mga kandidato sa antas ng lungsod (85 mula sa kabuuang 120) at munisipalidad (1,112 mula sa kabuuang 1,507).

Hindi rin natin dapat kalimutan ang kahandaan nitong magkaroon ng mga kandidato para sa Senado, pati na rin ang mga puwesto ng Pangulo at Pangalawang Pangulo. Isang problema nga ng Lakas-Kampi-CMD kung sino ang tatakbong Pangulo – Bise Presidente Noli de Castro, Defense Secretary Gilbert Teodoro o MMDA Chair Bayani Fernando?

At kung paniniwalaan ang pahayag ng mga nasa kapangyarihan, ang pagbubuo raw ng bagong koalisyon ay indikasyon ng pagiging seryoso nila sa Mayo 2010. Hindi raw dapat magkaroon ng pagdududa na matutuloy ang eleksiyon!

Pero ibang eksena naman ang nangyari noong Hunyo 2. Inabot ng gabi ng deliberasyon ng HOR sa House Resolution 1109 na naglalayong magbuo ng isang constituent assembly (con-ass) para baguhin ang Saligang Batas. Sa bandang huli’y naipasa rin ang HR 1109 dahil mayorya ng mga miyembro ng HOR ay panig sa administrasyon. Malinaw na malinaw ang nakasaad sa huling bahagi ng HR 1109: “Now, be it resolved, that the members of Congress be convened for the purpose of proposing amendments to, or revision of the Constitution upon a vote of three-fourths of all its members and that upon its being convened shall adopt its rules of procedures that shall govern its proceedings.”

Simple lang ang ibig sabihin nito: Lahat ay magiging bukas sa pagbabago ng Saligang Batas, pati na ang pagtatanggal ng term limits ng mga nasa puwesto at kahit ang pagbabago ng sistema ng gobyerno. At kung sakaling magkaroon ng isang parlamento, ang House Speaker ay magiging Punong Ministro.

Ang mga naging kilos-protesta ay naging dahilan ng panawagan ng Malakanyang sa HOR para huwag munang ituloy ang con-ass, pero hindi natin alam kung ano ang mangyayari sa mga susunod na buwan. At sigurado tayong hindi rin alam ng mga nasa kapangyarihan kung ano ang magiging pulitikal na sitwasyon sa malapit na hinaharap.

Hindi nakakagulat na ginagawa nito ang lahat ng mapanlikhang paraan para hindi mawala sa kapangyarihan si Pangulong Arroyo sa pagtatapos ng kanyang termino sa 2010. Habang tahimik ang Pangulo, may ingay na ginagawa ang mga tao sa paligid niya hinggil sa kanyang “pagpapakumbaba” para tumakbo bilang “simpleng” kinatawan. Ang layunin daw ni Arroyo ay para patuloy na magsilbi sa bayan. Ang kanyang sunud-sunod na pagbisita sa Pampanga ay lalong nakakadagdag sa spekulasyon ng mamamayan.

Totoo namang nasa Pangulo ang lahat ng legal na karapatan para muling tumakbo para sa mas mababang puwesto. Pero nasa atin ding lahat ang karapatan para tanungin siya kung bakit kailangan pa niyang gawin ito, samantalang ang pagsisilbi sa mamamayan (kung totoong ito ang hangarin niya) ay maaari namang gampanan kahit wala sa kapangyarihan.

Desperasyon ba sa bahagi ni Arroyo ang kanyang pagtakbo, dahil alam niyang sunud-sunod at patong-patong na kaso ang naghihintay sa kanya sa pagbaba niya sa puwesto bilang Pangulo? Malinaw ang sagot, kaya malinaw din ang pagmamatyag ng mamamayan sa mga susunod niyang hakbang.

Patuloy man siyang mananahimik, makakaasa siya sa patuloy na pag-iingay ng mga inaapi’t pinagkakaitan.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.