Pagtatrabaho, pagbabalik at paghihintay

N.B. – This was published in the December 11-27, 2009 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://pinoyweekly.org/new/2009/12/pagtatrabaho-pagbabalik-at-paghihintay/.

DAEJEON, Timog Korea – Mabagal ang oras para sa naghihintay. Mabilis ang pagtakbo ng minuto para sa taong may sanlaksang trabaho. Paano na lang kung ikaw ay katulad kong inaantabayanan ang nakatakdang pag-alis habang nakatali sa napakaraming gawaing kailangang matapos?

Sadyang kay bilis ng panahon! Ang Marsong nagdaan ay tila ilang taon na sa aking pamantayan, lalo na’t kung iisipin ang paghihirap na dinaanan ko sa pagpunta sa Korea. Ano bang mararamdamam mo kung mapadpad ka sa isang lugar na hindi naiintindihan ang wikang kinagisnan (Filipino) at natutuhan (Ingles)? Alam mo rin ba ang epekto ng lamig ng panahong bago sa iyong katawan sa panahon ng pag-iisa’t pag-aalala?

Mula Marso na siyang simula ng aking pagtatrabaho rito bilang visiting professor, binilang ko ang mga araw na nagdaan at minarkahan ko sa aking kalendaryo ang mga nakatakdang pagbisita ni Joy sa Korea, pati na ang aking mga pansamantalang pagpunta sa Pilipinas. Aba, pati ang ilang araw na pagpunta sa Indonesia para magbigay ng pananalita ay nagsilbing oportunidad para makapiling ang mahal na asawa.

Talagang hindi mapakali sa pagbibilang ng mga sandali! Pero kung dumating naman ang unang araw ng pagkikita ay tila nakikipagkarera ang mga segundo para sa mabilis na pagsapit ng gabi. Bawat araw na nagdaan ay kabawasan sa kabuuan. Hindi man ito nasayang dahil sa kasiyahang naramdaman, indikasyon pa rin ito ng katapusang may hatid na kalungkutan.

Ang 17 araw na pagbisita ni Joy nito lang Nobyembre, halimbawa, ay tila 17 oras lang sa aming alaala. Marami man kaming napuntahan at magkasamang ginawa sa muling pagkikita, may panghihinayang pa rin sa bawat araw na nabawas dahil papalapit nang papalapit ang kanyang paglisan.

At ngayong nakatakda na akong umalis sa dayuhang bansang dalawang semestreng pinagsilbihan, kapansin-pansin ang mabagal na pagtakbo ng mga minuto’t segundo tuwing iniisip ang eksaktong oras ng paglipad ng eroplanong maghahatid sa akin sa Pilipinas. Ang dapat ay maliliit na bagay na may kaugnayan sa pag-iimpake ay nagiging malaking isyu para sa akin na nagdudulot ng walang-batayang pagkainis sa hindi-mawaring konteksto.

Ang simpleng pagpili ng tatak at kulay ng packing tape ay kinailangan ko pang pag-isipan nang malalim samantalang hindi naman nagkakalayo sa presyo ang mga ito, at alam nating lahat na hindi pangunahing usapin ang kulay. Ang simpleng pagbabago sa takdang araw ng pagkuha ng jumbo box na ipapadala ko sa Pilipinas, halimbawa, ay naging dahilan ng walang-batayang pagkainis at pagkasira ng araw ko noong Biyernes. Sa totoo lang, hindi naman ako dapat mag-alala dahil kukunin din naman ito!

Kung sabagay, normal lang naman ang aking hindi-mapakaling aktitud. Sa loob lamang ng ilang araw ay iiwanan ko na ang Korea. Ramdam na ramdam ko na ang ligayang hatid ng muli naming pagkikita ni Joy, ng muli kong pagpasok sa luma kong opisina sa Unibersidad ng Pilipinas (UP), ng muli kong pakikipag-ugnayan sa mga kapwa guro’t peryodista.

Pero may komplikasyong hatid ang aking pagkabaon sa maraming gawain, na kung tatanungin ang sinumang nakakakilala sa akin ay tila bahagi na ng aking propesyunal na buhay. Dahil tapos na ang fall semester dito sa Linton Global College ng Hannam University (HNU-LGC), abala ako ngayon sa pagkokompyut ng mga grado. Kung sa UP ay komportable akong magbasa ng mahahabang papel sa wikang Ingles man o Filipino, mas mahabang panahon ang kailangang gugulin sa pagsusuri sa mga isinumiteng papel ng mga estudyante ng HNU na karamihan ay hindi pa matatas sa wikang Ingles, ang midyum ng pagtuturo sa LGC.

Bukod sa ibang sistema ng pagbibigay ng grado (ang pinakamataas na marka sa UP ay 1.0 samantalang sa HNU ay 4.5 o A+), iba rin ang kultura ng mga Koreano’t ilang dayuhan pagdating sa mga grado nila. Madalas ang kanilang pagrereklamo kung bakit mababa ang kanilang nakuha at kailangan mong bigyan ng kaukulang panahon ang lahat ng kanilang katanungan hanggang makumbinsi silang tama ang ginawa mo.

Hindi ako naiirita sa ganitong gawi ng maraming Koreano’t iba pang dayuhang estudyante ko. Sa katunayan pa nga’y natutuwa ako dahil binibigyang halaga nila ang kanilang pang-akademikong katayuan. Marami sa kanila ay may mga scholarship na kung saan kailangan nilang masigurong mapapanatili nila ang mataas na grade point average (GPA).

Sa aking palagay, wala sa bokabularyo ng mga Koreano ang sumipsip sa kanilang mga propesor para lang makakuha ng mataas na grado. Kung ayaw nila sa iyo, hindi ka nila papansinin. Pero kung gusto ka nila, handa nilang ipahayag ang kanilang nararamdaman.

Sadyang nakakataba ng puso ang mga iniwang mensahe ng mga estudyante ko sa huling semestre ko ng pagtuturo sa HNU. Halimbawa, may isa akong estudyanteng takot na magbigay ng mga sanaysay na kailangan niyang isulat dahil mahina siya sa wikang Ingles. Pinilit ko pa rin siyang magbigay ng mga kinakailangang papel, pero binigyan ko pa rin siya ng mababang marka dahil sa kalidad ng kanyang mga isinumite.

Sa halip na sumama ang kanyang loob, tinanggap niya ang kanyang grado’t nagpadala pa siya ng email sa akin. Ito ang sipi ng aktuwal na mensahe niya: “I will remember your advices that i am normal  being afraid of writing. and i will never forget even i couln’t see you again. Thank you for being my professor for last semester. I learn many things from your class. I hope you had special remembrance in Korea as well. In the future, i will see you with professional English ability.”

Puro mensahe rin ng pasasalamat ang nakuha ko sa marami pang iba: “i will miss you and i hope to say goodbye.” “You are so passionate and professional professor. I wish all the faculties were like you.” “thank you for everything and take care in the philippines.” “I’m appreciating for your teaching for 1 year.” “I learned many things. I think you are great professor.”

Ang mga ganitong klaseng pasasalamat ay nagpapaalala sa akin kung bakit nagustuhan ko na rin ang pagtuturo katulad ng pagmamahal ko sa peryodismo. Kung noon ay tiningnan ko lang ang pagiging propesor bilang pinansiyal na suporta sa aking peryodismo, ngayon ay pantay na ang pagpapahalaga ko sa dalawang propesyon.

May sinabi noon si Confucius na isinalin sa wikang Ingles: “Find a job you love and you’ll never work a day in your life.” Sa aking opinyon, hindi akma sa akin ang kasabihang ito dahil hindi ko tinitingnan ang peryodismo’t pagtuturo bilang trabahong magbibigay ng personal na kasikatan, pag-abanteng propesyunal o benepisyong pinansiyal. Para sa akin, ang epektibong paggampan ng mga ito ay maliit na kontribusyon ko sa pagkilos para sa pagbabago.

Sa madaling salita, ang aking nahanap ay hindi dalawang trabaho (sa propesyunal na pamantayan) kundi makabuluhang pagkilos. Ang peryodismo’t pagtuturo ay serbisyo sa nakararaming mamamayan, lalo na ang kabataan. Kahit kailan ay hindi usapin ang perang makukuha mula sa mga gawaing ito, dahil pangunahing salik sa mga ito ang makapagbigay ng kaalaman.

English Cafe Gate (taken by Joy Balean-Arao)
Kuha ni Joy Balean-Arao noong Marso 2009.

Sa kontekstong ito dapat maintindihan ng lahat ang desisyon kong huwag nang mag-renew ng aking kontrata sa Korea, kahit na may alok ng mas matagal na pananatili sa maunlad na bansang ito. Nariyan man ang tukso ng permanenteng pag-alis sa Pilipinas dahil sa sanlaksang problemang kinakaharap nito, ang mismong mga problemang ito ay nagtutulak sa akin para bumalik. Wala man akong susing papel sa kilusan para sa pagbabago, nais ko pa ring tumulong kahit sa pamamagitan lang ng pagtataguyod ng makabuluhang peryodismo’t pagtuturo.

Pero higit pang mahalaga ang pangangailangang makapiling si Joy, dahil ang pansamantalang paghihiwalay ay hindi maganda para sa relasyon ng mag-asawa. Hindi pa rin mapapalitan ng ilang oras na pag-uusap sa Skype ang personal na pagkikita’t pagyakap sa minamahal sa pagtatapos ng araw.

Sa panahong tulad nito, sadyang mahirap gampanan ang maraming gawain dahil patuloy ang paglalakbay ng aking isip. Kapansin-pansin ang kontradiksiyon sa ilang araw na nalalabi bago ang aking takdang pag-alis.

Nararamdaman ko kasi ang mabilis na pagtakbo ng oras sa pagsusulat ng mga artikulo, pagkokompyut ng mga grado at iba pang mahahalagang gawain. Pero sa kabilang banda, lalo na sa panahon ng pag-iisa, nariyan ang mabagal na pagsapit ng takdang oras na siyang hudyat ng aking pagdadala ng matagal nang nakaimpakeng maleta.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.