Pag-alala sa PP 1017

N.B. – This was published in the February 26-March 3, 2010 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://pinoyweekly.org/new/2010/02/pag-alala-sa-pp-1017/.

Mainam na alalahanin ang diwa ng EDSA 1 noong 1986. Pero hindi dapat mabaon sa limot ang malagim na nangyari noong Pebrero 24, 2006.

Pinatalsik ang diktador sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos mula Pebrero 22 hanggang 25, 1986. At sa pag-alala sa ika-20 anibersaryo ng nangyaring people power sa EDSA, ipinailalim naman ng administrasyong Macapagal-Arroyo ang buong bansa sa state of national emergency.

Ang dapat ay selebrasyon ng kapayapaan ay nauwi sa hindi-masukat na kaguluhan. Natatandaan mo pa ba ang nakaraan?

Malinaw ang nakasaad sa Presidential Proclamation No. 1017 (PP 1017) na mabilisang ipinatupad ng Malakanyang noong Pebrero 24, 2006: “(C)onspirators have repeatedly tried to bring down the President, (and) claims of these elements have been recklessly magnified by certain segments of the national media.”

May sabwatan diumano ang Kanan at Kaliwa, pati na rin ang ilang organisasyong pang-midya, para pabagsakin ang gobyerno. Hindi nakakagulat na sa mga sumunod na araw, inaresto ang ilang kilalang personalidad ng oposisyon tulad ng namayapang si Rep. Crispin Beltran (AnakPawis). Ang diyaryong The Daily Tribune ay ni-raid ng pulisya at ang iba pang organisasyong pang-midya ay nakaranas ng pagmamanman ng mga awtoridad.

Sa larangan ng alternatibong midya, ang blocktimer sa DZRJ (AM station) na Ngayon Na, Bayan! ay kinansela sa mismong araw ng imposisyon ng PP 1017. Kahit na sabihing pribadong pag-aari ang istasyon ng radyo, hindi maikakaila ang malapit na relasyon ng may-ari sa pamilyang Arroyo. Sa katunayan, may mga mapagkakatiwalaang impormanteng nagsabing tumawag ang Malakanyang sa may-ari ng DZRJ para kanselahin na ang programang ito.

Alam ko ang nangyari sa Ngayon Na, Bayan! dahil isa ako sa mga co-host nito. Ako po ang nakatakdang mag-board work sa mismong araw ng imposisyon ng PP 1017 na pumatak sa Biyernes. Mula sa aking opisina sa Unibersidad ng Pilipinas (UP), papunta na ako sa istasyon ng DZRJ sa Makati Avenue nang makakuha ng notipikasyon mula sa Kodao Productions (prodyuser ng nasabing programa) na kami ay hindi pinayagang mag-ere ng management ng DZRJ.

Maraming tumuligsa sa desisyon ng pamahalaang ipatupad ang PP 1017. Isa raw itong mapanlikhang paraan para magkaroon ng batas militar. Oo nga’t tumagal lang ito hanggang Marso 3, 2006 (o pitong araw), pero damang dama pa rin ang epekto ng PP 1017 sa mga sumunod na araw.

Labing-isang araw pagkatapos na ipawalang-bisa ng pamahalaan ang PP 1017, napilitang magpatawag ng isang press conference ang Kodao para ilantad ang kasinungalingang binanggit ng isang testigong iniharap ng Philippine National Police (PNP) na nagngangalang Jaime Fuentes (na hindi nagpakita ng kanyang mukha sa midya). Sinabi niya sa kanyang affidavit na nagtrabaho siya sa Kodao Productions noong 1987. Alam daw niyang ang Kodao ay isang propaganda unit ng Communist Party of the Philippines (CPP). Idinagdag pa niyang ang programang Ngayon Na, Bayan! ay bahagi ng kampanyang destabilisasyon ng CPP para pabagsakin ang gobyerno dahil sa pag-interbyu nito sa isang rebelde.

Sa isang pahayag, pinabulaanan ng Kodao na may naging kawani ito na nagngangalang Jaime Fuentes. Isa pa, binuo ang Kodao noong 2001, o 14 na taon bago ang sinabing pagtatrabaho diumano ni Fuentes sa Kodao. Bagama’t nainterbyu ng Ngayon Na, Bayan! si Gregorio “Ka Roger” Rosal na mataas na opisyal ng New Peoples Army (NPA), ito ay sa konteksto ng pagbabalita, tulad ng ginagawa ng iba pang organisasyong pang-midya.

Dahil ang Ngayon Na, Bayan! ay isang news and public affairs program, iba’t ibang tao ang naging bahagi ng programa nito – bukod kay Ka Roger na nainterbyu sa pamamagitan ng phone patch, nariyan ang isang ambassador, opisyal ng gobyerno, doktor, inhinyero, estudyante, maralitang tagalungsod, manggagawa, magsasaka at marami pang iba.

Ang akusasyong instrumento ng mga komunista ang aming programa sa radyo ay malinaw na walang batayan (lalo na’t kung iisiping umani ito ng maraming parangal mula nang magsimulang mag-ere noong 2001). Pero sa pamantayan ng mga nasa kapangyarihan, ang sinumang kritikal sa nangyayari sa lipunan ay tinitingnang subersibo. Para sa kanila, hindi dapat bigyan ng espasyo sa midya ang kanilang pahayag.

Nagsisilbing ebidensiya ang PP 1017 sa pagsupil ng pamahalaan sa batayang kalayaan ng mamamayan. Nagsisilbi rin itong babala sa ating lahat – kung walang makabuluhang pagbabagong mangyayari sa hinaharap, magkakaroon at magkakaroon ng mapanlikhang paraan ang pamahalaan para manatili sa kapangyarihan!

Ang mga nasa kapangyarihan ay patuloy na gagawa ng paraan para makinabang sa kanilang puwesto. Kasama na rito ang pagpapatupad ng mga polisiya tulad ng PP 1017 na kunwari’y naglalayong iligtas sa kapahamakan ang estado. Pero malinaw sa ating lahat na sarili lamang nila ang kanilang planong iligtas. Kailanman ay hindi nila iniisip ang abang kalagayan ng nakararami.

Sa ating pag-alala sa nangyari apat na taon na ang nakaraan, tunay na hindi na dapat maulit ang imposisyon ng PP 1017. Hindi dapat payagang manumbalik ang batas militar sa Pilipinas. Hindi dapat hayaang manatili sa puwesto ang mga hindi karapat-dapat.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.