Peryodismo at pag-eendorso sa mga kandidato

N.B. – This was published in the March 5-11, 2010 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://pinoyweekly.org/new/2010/03/peryodismo-at-pag-eendorso-sa-mga-kandidato/.

Sa panahon ng eleksiyon, nararapat bang mag-endorso ang isang organisasyong pang-midya ng kandidatong dapat iboto?

Walang pumipigil sa isang diyaryo o magasing maglabas ng editoryal tungkol dito. Puwede ring mag-ere ng isang PSA (public service announcement) ang istasyon ng radyo o telebisyon para linawin ang dahilan ng pag-eendorso kung sakali.

Kung titingnan ang karanasan sa ibang bansa tulad ng Estados Unidos, nakagawian na ng maraming organisasyong pang-midya ang pagpili ng sa tingin nila’y dapat iboto ng kanilang tagasubaybay. Para sa kanila, bahagi ito ng gawain nilang paghuhubog ng opinyong pampubliko.

Dito sa Pilipinas, ano ang pangunahing salik sa pananahimik? Madalas na argumento ang pangangailangang maging neutral sa pagbabalita, kaya hindi raw dapat pumanig sa isang kandidato o partidong pulitikal. Nawawala raw ang obhetibidad (objectivity) sa pag-uulat kung magkakaroon ng isang editoryal, halimbawa, na maglalahad ng bukas na pag-eendorso sa isang partikular na kandidato o partido.

Dalawang bagay ang dapat linawin sa puntong ito.

Una, walang lugar ang sinasabing neutrality sa pagbabalita dahil ang peryodismo ay hindi lang simpleng paglalahad ng datos kundi pagbibigay ng impormasyon. Para magkaroon ng huli, kailangan ang pagsusuri ng mga datos batay sa piniling balangkas (framework) ng isang peryodista. Sadyang hindi maiiwasan ang pagpanig sa paggamit ng balangkas. Sa isang banda, paano epektibong mailalahad ng isang peryodista ang nangyayari sa lipunan kung hindi niya kritikal na susuriin ang lahat ng datos na nakuha niya? Kailangan ding tandaang ang simpleng pagpili ng mga datos na iuulat, pati na ang pagkakasunud-sunod ng mga ito, ay nagpapakita ng pagsusuri (intensiyonal man o hindi) ng isang peryodista.

Ikalawa, ang pagiging obhetibo ay nangangahulugan lang ng pagkuha ng iba’t ibang argumento tungkol sa isyung nais ibalita. Para sa isang peryodista, kailangang maglaan ng kaukulang espasyo para malaman ng tagasubaybay ang iba’t ibang panig. Sa konteksto ng pagbibigay ng komentaryo, maaaring maglahad ng paninindigan hindi lang ang peryodista kundi ang buong organisasyong pang-midya (sa pamamagitan ng editoryal). Ang pagbibigay ng paninindigan, indibidwal man o organisasyonal, ay pangunahing katangian ng pahinang Op-Ed (opinion-editorial) ng isang diyaryo.

Sa madaling salita, may karapatan ang publikong malaman ang paninindigan ng kanilang sinusubaybayang organisasyong pang-midya. Kung walang pumipigil sa huling mag-endorso ng isang kandidato sa pamamagitan ng editoryal, halimbawa, bakit hindi pa rin nangyayari ito?

Dahil kaya ito sa kawalan ng pagkakaintindi ng maraming opisyal ng organisasyong pang-midya sa responsibilidad nila sa publiko? Ayaw kong isiping ito ang dahilan. Sa aking paminsan-minsang pakikipag-ugnayan sa ilan sa kanila, masasabi kong alam ng mga kakilala ko ang katangian ng editoryal, halimbawa, at ang kahalagahan ng komentaryo sa paghuhubog ng opinyong pampubliko.

Pero siyempre, nariyan ang pag-aagam-agam nila sa bukas na pag-endorso sa isang kandidato.

Ang simpleng dahilan ay ang kawalan ng mapagpipilian dahil na rin sa katangian ng mga partidong pulitikal. Para sa mga organisasyong pang-midya ng iba pang bansa, malinaw ang pagkakaiba ng plataporma ng mga partido. Sa Estados Unidos, may malaking kaibahan sa paninindigan ng Democrats at Republicans. Gayundin ang kaso sa Gran Britanya kung susuriin ang plataporma ng mga partidong Tory at Labour. Para sa mga bansang ito, malaking iskandalo kung magpalit ng partido ang isang pulitiko.

Kakaiba ang kaso ng mga partidong pulitikal sa Pilipinas dahil mas mapagpasya ang mga personalidad kaysa mga prinsipyo. Ito ang dahilan kung bakit ang mga pulitiko ay tila paru-parong palipat-lipat ng partido. Kahit na sinusubukan ng mga progresibong party-list group ang pagkakaroon ng isang kampanyang nakatutok sa mga isyu, patuloy pa rin ang dominasyon ng mga tradisyunal na partidong pinangungunahan ng mga tradisyunal na pulitiko.

Sa konteksto ng traditional at personality politics, mahihirapan talaga ang mga organisasyong pang-midya sa pag-endorso ng isang kandidato.

Pero may praktikal silang dahilan sa hindi pagpanig sa sinumang kandidato: Noong 2001, tinanggal na ang political ad ban. Magmula noon, naging malaking pinagkukunan ng kita ang eleksiyon dahil sa ad spots na ibinebenta ng mga organisasyong pang-midya sa mga kandidato’t partidong pulitikal. Hindi man nila tuwirang aminin, masayang-masaya ang mga may-ari ng organisasyong pang-midya tuwing may eleksiyon dahil sigurado silang kikita mula rito.

Kung magdesisyon ang isang organisasyong pang-midyang mag-endorso ng isang kandidato, malamang na makokompromiso ang potensiyal nilang kikitain. Bakit nga naman maglalagay ng mga pulitikal na patalastas ang mga katunggali kung alam nilang hindi sila ang ineendorso?

Sa puntong ito, malinaw na ang usapin sa maraming organisasyong pang-midya ay ”pera-pera,” isang sitwasyong hindi kakaiba sa kasalukuyang kampanyang sinasabing pinakamagastos sa kasaysayan ng eleksiyon sa Pilipinas. Malinaw na ang pangunahing gastusin ng mga kandidato’t partido ay ang mga pulitikal na patalastas na kung saan ang bayad ay direktang napupunta sa mga organisasyong pang-midya.

Walang masama kung kumita sila mula sa mga patalastas (pulitikal man o komersiyal) pero huwag naman sanang makompromiso ang responsibilidad nila sa paghuhubog ng opinyong pampubliko. Para mapataas ang antas ng diskurso, dapat silang maging bukas sa pag-eendorso.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

One thought on “Peryodismo at pag-eendorso sa mga kandidato”

  1. Very informative article, I really agree with everything you said. Kaya nga nakakapanghinayang kung palagi tayong ganito. Kung sana ginagamit natin ang ating kakayahan sa tamang paraan, hindi na sana tayo lalong naghihirap. We should think of our actions as solutions to our problems on a long term perspective at hindi lang ang pansamantalang kaginhawaan. Thanks for posting this, great site!

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.