Handa ka bang bumoto kay Casiño?

N.B. – This was published in Pinoy Weekly (May 4, 2013), the full text of which may also be retrieved from http://pinoyweekly.org/new/2013/05/handa-ka-bang-bumoto-kay-casino/.

Kung nagdesisyon ka nang iboto para senador si Teodoro “Teddy” Casiño, hindi mo na kailangang ituloy ang pagbabasa. Tanggapin mo na lang ang aking pasasalamat at ipasa na lang ito sa ibang botanteng hindi pa kumbinsido. At kung sakaling naniniwala kang hindi siya nararapat mahalal na senador, may simple lang akong pakiusap: Basahin mo sana ang maikling sanaysay na ito.

Hayaan mong maging direkta ang aking tanong: Bakit ayaw mo sa kanya? Naniniwala ka ba sa propagandang siya ay komunista? Kahit na ilang beses na niyang pinabulaanan ang kaugnayan niya o ng kanyang grupo sa Communist Party of the Philippines (CPP), bakit pumapasok pa rin sa utak mo ang salitang “komunista” kapag naririnig mo ang pangalan ni Casiño?

Hindi kaya’t ang pagkamuhi mo sa mga komunista ay bunga ng indoktrinasyong mas katanggap-tanggap ang kapitalismo at wala nang iba pang alternatibo? Hindi kaya’t ang galit na nararamdaman mo ay dahil sa epektibong taktika ng Red-baiting? Sa diskursong ito, simple lang ang argumento sa wikang Ingles – if it quacks like a duck, walks like a duck and looks like a duck, then it is a duck.

Sa kontekstong ito, nagiging malinaw sa iyo ang “kasalanan” ni Casiño – may pagkakapareho siya ng paninindigan sa CPP sa maraming isyu tulad ng Visiting Forces Agreement at deregulasyon ng downstream oil industry. At dahil parehong kontra ang CPP at ang grupo ni Casiño sa mga isyung ito, halimbawa, naniniwala kang iisa lang sila – siya ay komunista dahil sumasang-ayon siya sa maraming argumento ng CPP!

Napapansin mo ba ang simplistikong diskurso? Para sa isang indibidwal na ayaw ng malalimang pagsusuri, napakadaling gumawa ng desisyon batay sa tinatawag sa wikang Ingles na guilt by association. Maniwala kang ang Red-baiting ay matagal nang taktikang ginagawa ng mga nasa kapangyarihan para mawalan ng kredibilidad ang mga aktibista.

Tandang-tanda ko pa noong dekada 80 na pati ang pagkakaroon ng nunal ay nangangahulugan ng pagiging komunista. Hindi po ako nagbibiro: Simpleng nunal lamang ito. At kung susuriin mo ang kasalukuyang pahayag ng ilang opisyal sa militar, kahit ang simpleng pagtataas ng kamao ay nangangahulugan diumano ng pagyakap sa ideolohiya ng komunismo. Aba, kapansin-pansin din ang “paboritong” kulay ng mga komunista at ng mga aktibistang mula sa mga lehitimong organisasyon – hindi ba’t parehong pula ang nasa kanilang bandila?

Napakababaw ng mga argumento kung susuriin. Pero aaminin kong epektibo ang mga ito para mapaniwala ang maraming tao, hindi dahil sila ay likas na bobo kundi dahil sila ay sadlak sa kahirapan. Marami sa mga kababayan natin ay mas pag-aaksayahan ng panahon ang mapabuti ang kalagayan ng pamilya sa panahong mababa ang suweldo at mataas ang presyo ng mga bilihin. Wala na silang panahon para malalimang suriin ang diskurso kaya may tendensiya silang paniwalaan na lang kung ano ang pahayag ng mga opisyal sa gobyerno.

Sa madaling salita, marami sa mga taong naghihirap ay madaling napapaniwala dahil sa kanilang kinasasadlakan. Ito ang matagal nang taktika ng mga nasa kapangyarihan – kapag ang karamihan ay naghihirap, mas nagiging madali ang propagandang nagpapaangat sa mga taga-suporta at naglalaglag sa mga kumokontra. Malinaw na ang nakikinabang sa malawakang kahirapan ay ang nakikinabang sa kasalukuyang kalakaran.

Sa kontekstong ito, sadyang pahirapan ang kampanya ng grupo ni Casiño. May malinaw man siyang programa para sa minimithing pagbabago, ito ay hindi katanggap-tanggap para sa mga kumokontra sa kanyang kandidatura. Para sa kanila, malaki nang sakit ng ulo si Casiño sa kanyang siyam na taong panunungkulan bilang kinatawan ng Bayan Muna party-list sa House of Representatives (HOR). Kung ikaw nga naman ay nasa kapangyarihan, paanong hindi sasakit ang ulo mo sa paulit-ulit na argumento para sa pagsusulong ng tunay na repormang agraryo, pagpapatupad ng mataas na suweldo, pagbabasura sa globalisasyon at pagtataguyod ng pambansang industriyalisasyon? Kung noong wala pang Bayan Muna at iba pang progresibong grupong party-list ay madaling huwag pansinin ang mga isinisigaw sa kalye tuwing may kilos-protesta, ngayon ay mahirap huwag harapin ang mga argumentong naririnig na mismo sa loob ng HOR.

Ano na lang ang mangyayari kung sakaling maluklok sa Senado si Casiño? Mas malaking sakit ng ulo ang patuloy niyang pagdidiin sa Senado sa pangangailangang maipasa ang mga batas na magpapabuti sa kalagayan ng mahihirap. May malaking pananagutan ang mga nasa kapangyarihan kung hindi maipapatupad ang mga ito.

Sa ngayon, may dahilan para matuwa ang mga nasa kapangyarihan. Mababa pa rin ang rating ni Casiño sa mga survey ng mga kandidato para senador. Puwede mo pa ngang sabihing kung pagbabatayan lang ang mga survey, hindi makakapasok sa tinaguriang Magic 12 si Casiño sa Mayo 13. Dahil limitado ang kanyang pondo, malinaw na hindi niya kayang makipagsabayan sa milyon-milyong ginagastos ng iba pang katunggali.

Pero gusto kong isiping ang anumang kakulangan sa pondo ay kaya namang mapunuan ng puspusang pangangampanya ng mga taga-suporta niya. Maraming inisyatibang ginagawa lalo na sa social media para iparating ang mensahe ng makabuluhang pagbabago. At dahil may limitasyon ang Internet para maabot ang nakararaming botante, patuloy ang pangangampanya sa mga komunidad ng maraming grupo’t indibidwal na naniniwala sa mga ipinaglalaban ni Casiño.

Ang aking direktang pagsuporta sa kanyang kandidatura ay hindi lang bunga ng aking personal na pagkakakilala ko sa kanya mula pa noong kolehiyo. Sa aking obhetibong pagsusuri ng mga plataporma ng iba’t ibang kandidato para senador, lumalabas na si Casiño lang ang may komprehensibong pagkakaunawa sa mga problemang kinakaharap ng lipunan. Alam niya ang sitwasyon ng iba’t ibang sektor ng lipunan dahil sa kanyang karanasan bilang lider sa iba’t ibang progresibong organisasyon. Nasa posisyon siyang sabihin ang mga nararapat na baguhin sa lipunan dahil alam niya ang teorya at praktika ng pagkilos.

Komunista, Terorista, Aktibista. Isa lang sa tatlong ito ang totoo para kay Casiño. Ang dalawa pa ay mga terminong pilit na ikinakabit sa pangalan niya kahit na ang maraming mamamayan ay hindi naiintindihan ang malalim na kahulugan ng mga ito. Para sa mga nasa kapangyarihan, ang tatlong termino ay iisa lamang at dapat na matakot ang mga mamamayan kung ang mga katangiang ito ay nasa ibobotong kandidato.

Oo, aktibista si Casiño at hindi naman niya ikinakaila ito. Pero ang argumentong siya rin ay komunista at terorista nang hindi lubusang naiintindihan ang kanyang ipinaglalaban ay paghuhusga hindi lamang sa kanya kundi sa marami pang aktibistang kumikilos para sa makabuluhang pagbabago.

Huwag kang magpadala sa argumento ng mga nasa kapangyarihan. Ang aktibista ay hindi awtomatikong komunista o terorista. Kung tutuusin pa nga, mahirap nang bigyang-kahulugan ang komunismo sa iba’t ibang bahagi ng mundo. May mga komunista nang hindi nagtataguyod ng armadong pakikibaka at mayroon pa ngang yumayakap na sa ideya ng kapitalismo. Tungkol naman sa mga terorista, nananatili itong abstraktong konsepto dahil ang mga tinataguriang terorista sa isang lugar ay tinitingnan namang freedom fighters sa iba pa – isang sitwasyong hindi kakaiba sa mga Katipunero noong panahon ng mga Kastila na tinagurian ding mga tulisan ng mga mananakop at ng mga kababayan nating yumakap sa kolonyalismo.

Bilang guro ng peryodismo at komunikasyon, alam ko ang kapangyarihan ng salita dahil maaaring ito ang magtakda sa personal na katauhan at politikal na katayuan. Para sa akin, si Casiño ay totoong naninindigan para sa tinagurian niyang mga karaniwang tao, o ang mga indibidwal na naghihirap dahil sa kasalukuyang kalakaran sa lipunan. Pinipilit niyang maupo sa Senado hindi para sa personal na ganansiya kundi para mas maging makabuluhan pa ang pagsusulong ng progresibong politika.

Handa ka na bang iboto siya? Sana naman. Kung hindi ka kumbinsido sa aking argumento, walang problema dahil may panahon ka pa para magnilay-nilay. Sana nama’y maglaan ka ng panahon para pag-aralan ang kanyang plataporma. Huwag kang magpadala sa mga walang-batayang sinasabi ng mga nasa kapangyarihan.

Tandaan lamang ang simpleng bagay na ito tungkol kay Casiño: Kung siya man ay manalo o matalo sa halalang ito (at kung siya man ay iboto o ilaglag mo), asahan mong patuloy niyang ipaglalaban ang mga karaniwang tao.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.