UP bilang research university

N.B. – This was published in the September 10-16, 2010 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://pinoyweekly.org/new/2010/09/up-bilang-research-university/.

May 11 tumatakbo bilang pangulo ng Unibersidad ng Pilipinas (UP). Sila ay sina Consolacion Alaras, Patrick Alain Azanza, Leonor Briones, Esperanza Cabral, Sergio Cao, Benjamin Diokno, Ma. Serena Diokno, Raul Pangalangan, Alfredo Pascual, Virginia Teodosio at Luis Rey Velasco.

Para sa inyong piling-piling indibidwal na nais mamuno sa naturingang pambansang unibersidad ng bansa, sana nama’y bigyan n’yo ng kaunting importansiya ang aking saloobin na sa tingin ko’y opinyon din ng maraming kapwa guro, gayundin ng maraming estudyante, kawani at alumni ng ating pamantasan.

Batay sa inyong vision statements, malinaw ang inyong plano para sa UP. Bagama’t may pagkakaiba sa mga argumento (may nagsasabing napag-iiwanan na ang UP, samantalang may nagsasabing nangunguna pa rin ito), iisa naman ang tunguhing ninanais: Ang kaunlaran hindi lang ng pamantasan kundi ng kapakanan ng mga estudyante, kawani at guro nito.

Maraming puntong kailangang suriin, pero hayaan n’yong tutukan ko ang isang katangian ng UP na nais ninyong paunlarin at palawakin. Ilang beses n’yong binanggit ang pangangailangang maging research university ang UP.

Kung kayo ang masusunod, dapat ay bigyan ng maraming insentibo ang mga gurong katulad ko na tuluy-tuloy na magsagawa ng iba’t ibang pananaliksik. Bagama’t binabanggit ninyo ang kahalagahan ng mga pananaliksik para makatulong sa paghuhubog ng opinyong pampubliko, lumalabas na ang pangunahing layunin ninyo’y mapaganda ang katayuan ng UP kumpara sa iba pang nangungunang unibersidad sa ibang bansa.

Sa kontekstong ito, mas mahalaga para sa inyo ang mga publikasyon sa refereed journals, lalo na sa mga internasyunal na publikasyon. Ito naman kasi ang kultura sa maraming nangungunang unibersidad sa Pilipinas at iba pang bansa: Publish or perish. Ito rin ang pamantayan ng kahusayan ng mga guro – ang makapasa sa malalim na ebalwasyon ng mga referee at patnugot ng isang refereed journal. Hindi nga ba’t isa ito sa mga pangangailangan para magkaroon ng tenure?

Batay sa aking karanasan sa pagiging patnugot ng tatlong refereed journal (dalawa sa UP, isa sa labas) at referee sa napakaraming iba pa, talaga namang matindi ang pinagdaraanan ng mga artikulong nais ng mga awtor na maisama sa isang isyu ng pang-akademikong publikasyon. Masasabing may elitismo sa refereed journals, dahil sadyang napakalaki ng tantos ng hindi pagtanggap (rejection rate) sa marami sa kanila.

Hindi ko naman minamaliit ang refereed journals at alam kong magandang sukatan ito ng academic scholarship. Pero dapat nating tanggaping ang kagalingan sa pananaliksik ay kaya ring masukat sa ibang paraan, lalo na’t nais nating maintindihan kahit ng mga taong nasa labas ng akademya.

Bilang pang-akademikong publikasyon, may malaking limitasyon kasi ang refereed journals sa pagpapaabot ng mahahalagang impormasyon sa mga tao. Alam kong may pagsisikap ang maraming refereed journals (kasama na ang mga publikasyong bahagi ako) na lumabas sa maliit na mundo ng akademya.

Pero sadyang mahirap gawin ito. Pangunahin dito ang estilo ng pagsusulat ng maraming guro, hindi lang sa UP kundi sa marami pang unibersidad. Ang tono kasi ng academic writing ay hindi madaling maintindihan ng mga taong nasa labas na ng akademya.

Ano ang iba pang paraan masukat ang kagalingan sa pananaliksik? Dahil ang aking larangan ay peryodismo, ang unang-unang pumapasok sa isip ay ang pagsusulat para sa midya.

Ito kasi ay maaaring indikasyon ng kahusayan hindi lang sa pananaliksik kundi sa tono’t estilo ng pagsusulat na naiiintindihan ng maraming Pilipino. Hindi tulad ng maraming pang-akademikong publikasyon na kung saan ang awtor ay tila nakikipag-usap lang sa piling audience – at minsan nga’y tila siya lang ang nakakaintindi ng lengguwahe niya! – ang midya ay malawak ang saklaw at kailangan ng estilong kakaiba sa academic writing.

Kung ang pagsusulat para sa refereed journals ay maaaring esoteric, sa midya naman ay lubhang kailangang maging journalistic. At kumpara sa refereed journals na ang mahabang artikulo (kadalasan ay hindi bababa sa 5,000 salita) ay indikasyon ng kahusayan, ang hamon sa journalistic writing ay ang pagpapaikli ng artikulo (kadalasa’y 500 hanggang 1,000 salita) dahil kailangang maging direkta sa punto.

Kaya nga ang madalas na biruan ng mga peryodista, nakakaya nilang ipahayag sa isang pahina ang paliwanag ng akademikong umaabot sa isang buong libro. Kung ang mga propesor ay may mababang tingin sa midya dahil sa iresponsableng gawi ng ilang peryodista, ang midya nama’y hindi maintindihan kung bakit ang maraming propesor ay nagsusulat sa paraang tila walang nakakaintindi sa kanila.

Kaya nga para sa inyong tumatakbo bilang pangulo ng UP, mainam na pangunahan ninyo ang pagsasagawa ng bagong pamantayan sa academic scholarship. Hindi lang ito dapat nakatutok sa publikasyon sa refereed journals kundi sa pagpapaabot ng mga resulta ng pananaliksik sa publiko (na kadalasa’y sa pamamagitan ng midya).

Sa kabila ng maraming kahinaan ng midya, hindi natin maikakaila ang susing papel nito sa paghuhubog ng opinyong pampubliko. At dahil ayaw nating umasa lang sa mga peryodista sa popularisasyon ng mensahe, ang nararapat na hamon sa mga guro ay gamitin mismo ang midya para maiparating ang kanilang mga pananaliksik.

Tama ang binanggit ninyong ang pagiging research university ay dapat na isakonteksto sa pagiging makabuluhan ng anumang pananaliksik na isinasagawa. May maitutulong ang UP bilang research university sa pagbabagong hinahangad sa ating lipunan.

Pero ang hamon para sa lahat ng mananaliksik sa UP (na hindi lang po mga guro kundi pati na ang mga estudyante’t kawani) ay maipaabot sa publiko ang mga ito at hindi lang mag-ipon ng alikabok sa ating aklatan.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.