Usapang lasing sa pagtatapos ng semestre

N.B. – This will be published in the October 8-14, 2010 issue of Pinoy Weekly.

Sa maraming unibersidad, matatapos na ang unang semestre at may ilang linggo pa bago ang pagsisimula ng ikalawa.

Siguro’y panahon na para pansamantalang magpahinga. Nakakapagod nga naman ang semestreng nakaraan para sa mga estudyanteng patuloy na nakikibaka para makuha ang diploma. Kaya saka na muna ang pagpupunyagi. Buksan na ang alak. Tulad ng nakasaad sa patalastas, maghanda na para sa magdamagang inuman!

Sadyang madaling magpakalango dahil ito ang paraan para mawala ang mga pag-aalala. May hindi-maipaliwanag na kasiyahan sa pansamantalang pagkawala ng katinuan habang pinag-uusapan ng magkakaibigan ang mga bagay na walang katuturan. Sa paglipas ng oras, kung sakaling nagiging seryoso na ang mga tao, biglang may magpapahinto sa mataas na antas ng diskurso: “Hoy, saka na iyan. Imperyalismo? Hindi iyan usapang lasing. Back to regular programming!” Kasabay ng kolektibong pagtawa ang pagbabago ng paksa: “Alam mo bang may bago nang nililigawan si _______?”

Ah, iba talaga ang nagagawa ng alak. Biro ng iba, hindi nito kayang lunurin ang problema dahil marunong lumangoy ang huli. Pero may pakinabang ang tuluy-tuloy na pag-inom para pansamantalang takasan ang anumang bumabagabag sa isipan. Depende sa iyong iniinom, puwedeng dahan-dahan kang tatamaan o bigla mo na lang nararamdaman. Kanya-kanyang reaksiyon ang nangyayari sa tama ng alak: May dahan-dahang nahihilo, may bigla-biglang nasusuka, may basta-basta na lang tumutumba.

Anuman ang epekto ng alak, malinaw na nawawalan ka ng kontrol sa iyong katawan. Posibleng nagkakaroon ka ng tapang para sabihin ang saloobin, o gawin ang anumang bagay na ayaw mo. Sa paglipad ng diwa, maaaring nagiging mas mapanlikha dahil sa tingin mo’y mas malayo na ang naaabot ng utak. Pero ang kalaliman ng diwa’y hindi napapansin sa huntahang puno ng kababawan. Kahit simpleng biro’y nagiging katawa-tawa. Kahit ang simpleng patutsada’y nagiging mitsa ng pikunan.

Ilang beses na ba nating natunghayan sa midya ang away-lasing? Sadyang delikado ang armadong wala sa katinuan! At kahit walang baril o kutsilyo, ang boteng inorder sa ngalan ng pagkakaibigan ay naisasaksak sa katabing biglang naging kaaway.

Drink moderately. Magandang payo itong nakikita sa huling bahagi ng patalastas ng mga alak. Pero ano ba ang ibig sabihin nito? Mahirap bilangin ang tagay o boteng nainom sa paglalim ng gabi at paghaba ng huntahan. Gaya ng nabanggit kanina, minsa’y biglang-bigla na lang nararamdaman ang tama. Ang pagkahilo’y hudyat ng unti-unting pagtakas ng katinuan, at bago mo pa man maramdamang hindi mo na kaya’y huli na ang lahat.

Ang alak, ilagay sa sikmura, huwag sa utak. Magandang payo rin ito mula sa matatanda. Pero hindi ko alam kung paano ito nagagawa. Ang paglaki ng tiyan ay hindi nangangahulugang walang epekto ang alak sa utak. May tao nga bang nakagagawa ng pag-inom ng alak nang hindi tinatatamaan, kahit na gaano karami ang itumba niyang bote? Aba, kahit ang sinasabing paghalo ng asin sa iniinom ay walang garantiyang hindi ka tatakasan ng katinuan! Napapahaba lang ng asin ang kakayahan mong uminom nang mas marami sa “normal.”

Ano nga ba ang normal? Sa totoo lang, wala naman talagang normal sa larangan ng inuman. Subhetibo ang salitang ito sa konteksto ng pagkakaiba ng kalagayan ng katawan. Maraming nagsasabing ang sanay uminom ay mas maraming nakakaya, samantalang ang mga baguha’y paisa-isa lang.

Nakalulungkot lang na nagiging sukatan ng pagkalalaki ang dami ng naiinom. Kung malakas sa inuman ang isang lalaki, siya raw ay macho. Kung kaya naman ng isang babaeng makipagsabayan sa kalalakihan sa inuman, siya naman daw ay isa sa kanila (one of the boys). Sadyang kalat na kalat ang seksismo sa lipunan, at kahit sa umpukan ng magkakaibiga’y halatang halata ito!

Sa okasyon ng pagtatapos ng unang semestre, hindi na ako magugulat kung maraming estudyanteng bibili ng alak para magsaya, kahit pansamantala lang. Mula sa nakatatanda, hindi ko intensiyong payuhan kang maghinay-hinay lang sa pag-inom. Nasa iyo naman ang desisyon kung iinom ka o hindi, at mahirap bigyang-kahulugan ang mga subheting termino.

May kanya-kanya rin tayong reaksiyon sa tama ng alak. Ang aking hinihiling lang ay maging maingat lalo na’t kung ang kasiyahan ay gagawin sa labas ng bahay. Pero alam mo na rin ito.

Sa konteksto ng kinakailangang pagkilos para sa hinahangad na pagbabago (sa lipunan man o sa personal mong buhay), maaaring may nakikita kang pakinabang sa pansamantalang pag-inom. Nagbibigay kasi ito ng kaunting kasiyahan sa iyo. Kahit na ito ay magastos na bisyo (bukod pa sa nakasasama sa iyong kalusugan), nasa tamang pag-iisip ka naman (kung hindi ka parating lasing) para malaman ang kahihinatnan ng iyong madalas o bihirang pag-inom.

Kaya habang nakatingin ka sa iyong baso o bote at kinakausap ka ng iyong mga kainuman, mainam na sagutin mo ang aking ilang tanong: Ang lahat ba ng problema’y nadaraan sa “maboteng” usapan? Ano na ang iyong gagawin kinabukasan? Itutuloy mo pa ba ang pagtakas sa problema o handa ka na bang muling harapin ito?

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

One thought on “Usapang lasing sa pagtatapos ng semestre”

  1. Kaya nga ako bilib sa Eheads — dahil natalakay nila pahapyaw ang usapin ng paglalasing upang ‘lumimot’ sa problema o magsaya:

    “Wag na nating idaan
    sa maboteng usapan
    lalo lang madaragdagan ang sakit ng ulo
    at bilbil sa t’yan.”

    –‘Pare Ko,’ Eraserheads

    Ang pag-inom ay isa sa ‘unwritten privileges’ ng bawat tao. Lamang, kagaya ng punto ni Prop. Arao, dapat ay sa t’yan at hindi sa ulo/utak ang tama ng alak. Ang tunay na lalaki ay kayang kumilos at magsalita ng maayos kahit pa ilang bote na ng alak ang naitutumba.

    Ang bottom line ng lahat ng ito? ‘Wag kang iinom kung hindi mo kayang dalahin ng matino ang sarili mo sa oras na ikaw na nga ay nalasing.

    Sagot: Maraming salamat sa makabuluhang komento. Mabuhay ka!

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.