Para sa estudyanteng ayaw magmartsa sa kalsada

N.B. – This was published in the November 19-25, 2010 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://pinoyweekly.org/new/2010/11/para-sa-estudyanteng-ayaw-magmartsa-sa-kalsada/.

Isang martsa lang siguro ang nasa isip mo ngayon. Sa pagtatapos ng iyong pag-aaral, mabagal kang maglalakad papunta sa entablado para kunin ang iyong diploma. Sa paghawak ng iyong pinakaaasam na katibayan ng iyong tagumpay, mapapatingin ka sa mga nanonood at ngingitian mo silang lahat.

Siguro’y paulit-ulit na pumapasok sa isip ang eksenang ito. Hindi tuloy nakakagulat na nagsusumikap kang makapasa sa lahat ng kursong kinukuha mo bawat semestre. Para sa iyo, magkakaroon din ng katapusan ang pagsusunog ng kilay at ang maraming gabing pinagpupuyatang gawin ang anumang kinakailangang isumite sa propesor. Apat na taon lang ang paghihirap. Pagkatapos nito, kalayaan!

Totoong mahirap maging estudyante. Pinagdaanan ko rin ito kaya alam ko ang nararamdaman mo. Pero alam mong higit pa sa pagiging estudyante ang papel mo sa buhay. Marami kang identidad depende sa iba’t ibang taong nakakasalamuha – mabuting anak para sa magulang, mabuting kapatid para sa bunsong dapat alagaan, mabuting kaibigan para sa taong may matagal kang pinagsamahan. Minsa’y nakakaapekto sa iyong pag-aaral ang problema ng iba. Hindi mo kasalanan ito. Minsan, kailangan naman talagang unahin ang kapakanan ng pamilya o kahit ng kaibigan.

Dahil sa iyong pag-aaral at iba pang personal na pinagkakaabalahan, wala ka nang panahon para sa iba pang gawain. Ang iyong konsepto ng kalayaan ay limitado lang sa pag-alis sa pamantasan. Kasabay kasi ng pagkuha ng diploma ang pagkawala ng karapatan ng iyong mga propesor para sabihan ka kung ano ang dapat mong gawin.

Pero dahil estudyante ka pa ngayon, may kaunting karapatan pa ako bilang guro para pagsabihan ka, bagama’t iginagalang ko kung anuman ang magiging desisyon mo. Walang debate sa mahusay mong paggampan sa iyong gawaing pang-akademiko dahil ito ang inaasahan sa iyo. Pero huwag mong isiping ito lang ang nilalaman ng iyong edukasyon.

Totoong maraming kaalaman ang maibibigay ng libro at napapayaman ng iyong binabasa ang talakayan sa loob ng silid-aralan. Kailangang lang linawing higit pa rito ang pag-aaral. Susi sa epektibong edukasyon ang pagpapataas ng kamulatan, isang bagay na makukuha lang kung ikaw ay makikisalamuha sa iba. Sa pamamagitan ng personal na pakikipag-usap sa mga taong may direktang karanasan sa mga pangyayari, nalalaman mo ang aktuwal na realidad. Kung makikisalamuha ka kahit sa hindi kakilala’t may malaking kaibahan sa estado sa buhay, mapapansin mo ang limitasyon ng libro’t malayang talakayan. Kahit na gaano kahusay ang libro o guro, hinding hindi matatawaran ang pakikisalamuha.

Isang katangian ng pakikisalamuha ang pakikipagkaisa. Maaaring sa porma ito ng aktuwal na pagsali sa organisasyon o simpleng pagsama sa kung anumang aktibidad ng huli. Para sa katulad mong maraming ginagawa, naiintindihan naman ang limitasyon ng maaari pang gawin kaya hindi ka inaasahang akuin ang lahat ng responsibilidad kung sakali. Hindi ka dapat matakot makipag-usap sa mga kapwa estudyanteng may mataas na antas ng kamulatan dahil alam naman nila ang pinagdaraanan mo. Kung sadyang hindi mo kayang maging aktibong aktibo, wala naman silang magagawa rito.

Pero sa aking palagay, kaya mong gawan ng paraan ang paglahok sa ilang aktibidad. Aminin mo: Kahit sa gitna ng maraming gawain ay naisisingit at naisisingit mo pa rin ang paminsan-minsang panonood ng sine o pagpunta sa anumang party. Sa madaling salita, may oras ka pa rin sa paglilibang. Kung bibilangin mo ang mga oras na ito sa isang linggo, siguro’y puwede mong ilaan ang mga ito sa mas makabuluhang paraan.

Sa konteksto ng isang kilos-protesta, ang pagmamartsa sa kalsada ay ilang oras lang. Oo, nakakapagod ang mabilad sa init ng araw at minsa’y masakit sa paa ang matagalang paglalakad. Pero nararamdaman mo lang ang mga ito kung hindi mo alam kung bakit ka nariyan. Kapag naroon ka na’t kasabay mo ang mga dati at bagong kaibigan, ang tanging mararamdaman mo lang ay ang kolektibong galit ng mamamayan habang iwinawagayway ang mga bandila’t plakard at ipinapakita sa lahat ng nakatingin ang mga nakasulat na mensahe.

Hindi tulad ng pagmamartsa sa okasyon ng iyong pagtatapos, ang isang pagkilos sa lansangan ay may magkahalong mabagal na paglakad at mabilis na pagtakbo. Nagiging makabuluhan ang pagmamartsa sa lansangan sa dalawang bagay: Una, nagbibigay ito ng ideya sa sa mga taong nakakakita tungkol sa mga isyung kinakaharap ng bayan. Ikalawa, pinapalakas nito ang adhikain ng mga lumahok na ipagpatuloy pa ang kanilang makabuluhang buhay.

Malinaw na ang pagmamartsa sa kalsada ay bahagi ng iyong edukasyon sa mas mataas na antas. Hindi tulad ng mga pang-akademikong gawain, wala kang gradong makukuha sa iyong piniling porma ng pagkilos. Pero magkakaroon ng mataas na pagtingin sa iyo ang lahat ng taong makakasalamuha mo, dahil alam nilang may isa pang katulad mong naniniwala sa minimithing pagbabago.

Nasa iyo ang desisyon sa landas na tatahakin. Sana’y piliin mo ang direksiyon tungo sa mga grupong makabuluhan, hindi ang mundo ng mga walang pakialam.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

4 thoughts on “Para sa estudyanteng ayaw magmartsa sa kalsada”

  1. Para sa estudyanteng ayaw magmartsa sa kalsada…

    Sa tuwing magkikibit-balikat ka sa mga isyung tungkol sa bayan, sa tuwing makikita ang sariling nakahiwalay sa mga pangyayari sa iyong paligid, nagdududa kung ang lahat ng bagay nga ba ay magkakaugnay…

    Sa mga pagkakataong ito, alalahanin ang mga dating estudyanteng inuna ka, inisip ka. Wala ka pang muwang noon, wala pang mukha. Isang ka pa lamang ideya na pinangarap imulat sa isang ideyolohiya at pahiramin ng ideyalismo.

    Marami sa kanila ang nagsisising hindi nakapagmartsa papuntang entablado upang abutin ang diploma. Ngayon sila’y nagdadalawang-isip kung may kinahinatnan ang pagsasantabi ng pansariling ambisyon…Lalo na’t ang tanging pangarap mo ngayon ay ang mangibang-bansa o mabilis na yumaman sa kahit anong paraan.

    Ano naman kaya ang ipaglalaban mo? ‘Maayos’ naman ang buhay mo, hindi naman nasisikil ang iyong karapatan. Ano naman ang magagawa mo? Sa mga panahong itatanong ito sa sarili, isipin silang na-teargas, nahataw ng batuta, binugahan ng water cannon, sinupil, ikinulong, naglaho, pinatay. Bigyan mo ng saysay ang kanilang sakripisyo, ipakitang may saysay ang kanilang paniniwala…sa iyo!

    Sa bawat segundong ipinagwawalang-kibo imbes na tumuligsa o umayon, lumaban o tumulong, maki-alyansa o makibaka, ay isang pagkakataong pinalalampas upang maging bahagi ng kasaysayan.

    Sagot: Salamat, Allyn, sa malalim na diskurso. Buti na lang at nabanggit mo ang mahahalagang puntong dapat na malaman ng mas marami pa.

  2. mga uto uto kasi yang pagproprotesta kuwa puro isyu wala namang solusyon….. minsan ang prinoprotesta ala na sa isyu ng kabataan… minsan VFA… misan imperyalismo….. ang lahat ng ito …. agitation lamang ng mga makakaliwa……. madaling mauto ang mga bobong estudyande….. kunyari nasyonalismo at demokrasya ang ipinag lalaban…… makailang ulit na ba tayong nakarining na namundok ang ilan at nangamatay ang ilan…. dahil sila ay mga puting papel….. madaling sulatan…..

    Ang tunay na Pilipinong kabataan… ay yaong gumugugol ng oras sa tunay napag aaral… di sinasayang ang perang pinaghihirapan ng magulang…. di sumasali sa rally na walang kabuluhan…

    Sagot: Salamat sa komento. Totoong mahalaga ang pang-akademikong gawain pero ang pag-aaral ay maraming dimensiyon, at kasama na rito ang paglahok sa iba’t ibang aktibidad tulad ng kilos-protesta. Walang masama sa pagtutol kung ito ay nasa lugar at alam ang konteksto ng pagtutol. Kung ang pagkilos ay sa porma ng pagmamartsa sa lansangan, katanggap-tanggap ito basta’t gagawin sa mapayapang paraan. Minsan, kailangang mag-ingay para iparating ang mensahe sa mga ayaw makinig. Hindi kabobohan ang kumilos sa mga panahong ito. Kung tutuusin, masasabi ngang ito ay mataas na porma ng katalinuhan.

  3. Unang-una, salamat sa makabuluhang diskursong iyong inihain.

    Tama ka’t isang uri ng mataas na porma ng katalinuhan ang pagkilos-protesta, ngunit ito ay totoo lamang kung ikaw ay naniniwala sa mga martsang iyong dinadaluhan o sinasamahan.

    Minsan, ang pokus kasi ay nasa pagkilos lamang at hindi sa pag-intindi sa mga bagay na nagbigay buhay sa nasabing pagkilos. Alam ko, bilang isang mag-aaral sa Unibersidad ng Pilipinas, na sinusubukan naman talaga ng mga aktibista na ipaintindi sa mas malaking bahagi ng Unibersidad ang kanilang mga hinaing – ngunit hindi nila ito maipapaintindi sa loob ng lima o sampung minuto lamang, o sa paghain agad ng isang “stand.”

    Ang isa pang problema ay ang pagiging “dogmatic” ng mga aktibista; ang dating kasi ay parang wala nang ibang totoo kundi ang kanilang mga paniniwala. Wala namang masama sa pakikisalamuha, o sa pakikisama sa mga kilos-protesta; ang masama ay ang paglatag ng mga “dogma” o paniniwala bago pa man nila magawa ang mga nasabi. Hayaan silang bumuo ng sarili nilang paniniwala o pagtingin ukol sa mga ganuong bagay; doon lamang nila maiintinidihan ng tunay ang sitwasyon.

    Ang punto ko lamang ay hindi limitado sa isang paraan lamang ang pagtingin sa mga sitwasyon sa lipunan. Hindi ko sinasabi na mali ang pagtingin at paniniwala ng mga aktibista; ang sinasabi ko lamang ay minsan nagmimistulang “myopic” ang kanilang pagtingin. Kung gaano man kalalim ang kanilang pagsuri sa mga isyu ng lipunan, hindi nila ito maipapaintindi sa mga mag-aaral sa agarang pagsasaksak ng nasabing kaalaman sa kanilang mga kokote.

    Sagot: Maraming salamat sa makabuluhang komento. Totoong malaking problema ang pagpaparating ng mensahe sa anumang porma ng pagkilos tulad ng pagmamartsa sa kalsada. Minsan, masyadong matapang sa paningin ng marami. Minsan naman, masyadong malalim ang mga slogan kaya hindi maintindihan ng ordinaryong mamamayan. Malaking hamon sa mga aktibista ang gumamit ng iba’t ibang mapanlikhang paraan para lubusang maintindihan ang nais nilang ipahatid. Dito siguro nagiging kapansin-pansin ang paminsan-minsang pagiging dogmatiko ng mga paninindigan. Pero kailangan din nating tingnan ang pagmamartsa sa kalsada hindi bilang lugar ng pagpapalalim kundi simpleng lugar ng pagkuha ng atensiyon ng mga tao. Ang pagpapalalim ay nangyayari sa malalimang pag-aaral at aktuwal na integrasyon sa mga lugar at sektor. Kung ang kilos-protesta sa lansangan ay ilang oras lang, sa aking palagay ay mahabang proseso ang pagmumulat ng kaisipan dahil hindi natin maaasahan ang lubusang pag-intindi ng pambansang sitwasyon sa isang upuan lamang. Muli, maraming salamat at mabuhay ka!

  4. Bilang isa sa mga estudyanteng tulad ng inyong inilarawan, inaasam kong makapagbigay ng kontribusyon sa bansa natin bukod sa pagiging mabuting estudyante. alam kong hindi sapat na magkaroon lamang ako ng opinyon tungkol sa mga isyung hinaharap namin. kailangan din ay subukin kong iparinig ang mga opinyong ito. tama nga namang kung kinakaya kong ibalanse ang pag-aaral sa org, mga kaibigan, pamilya at pag “paparty” hindi dapat ganun ka hirap maghanap ng oras para ipaglaban ang pinaniniwalaan ko. naiintindihan kong ito ay isang pagkukulang sa parte ko at unti unti ko itong sinusolusyonan.

    sa kabilang bahagi, sana ay maunawaan din ng ibang estudyante na bagamat hindi nagtatapos ang responsibilidad namin sa pag-aaral sa loob ng eskwelahan, isa pa rin itong responsibilidad. kung ang mga tulad ko ay hinihikayat na lumabas, magmartsa at tuparin ang mga responsibilidad namin sa kalsada, sana ay mag pahikayat rin ang mga nasa labas na gumawa ng paraan para sila ay bumalik at tuparin din ang responsibilidad nila sa loob ng silid aralan.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.