Para sa matandang hindi maintindihan ang kabataang aktibista

N.B. – This was published in the December 3-9, 2010 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://pinoyweekly.org/new/2010/12/para-sa-matandang-hindi-maintindihan-ang-kabataang-aktibista/.

Kung bata ka pa, huwag mo nang basahin ito. Para lang kasi ito sa kapwa ko matanda.

At kung ikaw ay katulad kong mahigit na tatlo o apat na dekada nang nabubuhay sa mundong ibabaw, sana’y maglaan ka ng kaunting panahon sa pagbabasa ng maikling diskurso.

Kumpara sa kasalukuyang kabataan, mahaba na ang ating karanasan. Gusto nating isiping marami na tayong nagawa. Sa ating palagay, dapat lang tayong pakinggan ng maraming kabataang papunta pa lang sa ating diumanong pinanggalingan.

Dati ka bang aktibista? Siguro’y napapailing ka na lang sa napakaraming kilos-protesta ng kabataang aktibista sa ilalim ng bagong administrasyon. Napakahaba ng listahan ng reklamo nila –pulitikal na pamamaslang at iba pang paglabag sa karapatang pantao, kinaltas na badyet para sa state universities and colleges (SUCs), mataas na presyo ng mga batayang produkto’t serbisyo at kung anu-ano pa.

Reklamo rito, reklamo roon. Sa loob-loob mo, wala na ba silang ibang gawin kundi itaas ang kamao? Ano ba ang ibinubunga ng patuloy na pagwawagayway ng pulang bandila? Laos na ang aktibismo, katwiran mo. Para sa iyo, may karapatan kang magsabing lumipas na ang kultura ng protesta. Sa tingin mo’y wala nang saysay ang pakikibaka.

Hindi mo maintindihan kung bakit kailangan pang sumigaw nang pagkalakas-lakas sa mga lansangan at makaabala sa trapiko ang kabataang aktibista. Alam mong paulit-ulit na lang ang kanilang ginagawa dahil naranasan mo na rin ito. At tuwing may pagkakataon, siguro’y ipinagyayabang mo ang pagiging militante mo noong bata ka pa. Kung tatanungin ka kung bakit hindi ka na aktibista sa iyong pagtanda, simple lang ang katwiran mo: Naliwanagan ka na.

Para sa iyo, may mahinahon at mapayapang paraan para sa minimithing pagbabago. Hindi kailangang magmartsa sa kalsada dahil handa diumanong makinig ang mga nanunungkulan. Kahit na alam mong maraming problemang kinakaharap ang bayan, hindi naman malala ang mga ito. Para sa iyo, ang pangunahing problema lang ay ang mga abusadong taong nasa kapangyarihan. Sa ilalim ng bagong administrasyon ni Pangulong Noynoy Aquino, nakikita mo ang pag-asa dahil sa tingin mo’y handa siyang makinig sa hinaing ng nakararami.

Hindi ko sinulat ang sanaysay na ito para sabihan kang hayaan mo na lang ang mga batang magprotesta. Isa itong imbitasyon para muli kang makiisa.

Bakit tayo tatahimik sa panahong mas kinakailangan ang pag-iingay? Bakit hindi tayo makikialam sa panahong mas kinakailangan ang pakikilahok?

Para sa iyo, laos na ang aktibismo. Lumipas na ang panahon ng pulang bandila, pati na rin ang pagmamartsa sa kalsada. Sa puntong ito, mayroon lang akong isang tanong: Ano ba ang batayan ng pagiging laos? Baka naman ang konsepto mo ng luma ay sa konteksto lang ng pagdaan ng panahon.

Totoong ang sinisigaw mo noon ay sinisigaw pa rin ngayon. Walang argumento sa punto mong walang nagbago sa ipinaglalaban noon at ngayon. Sa katunayan, nadadagdagan pa nga ang mga problema sa paglipas ng panahon.

Hindi abusadong taga-gobyerno ang ugat ng problema dahil ito ay resulta ng isang bulok na sistema. Alam ko, gumagamit ako ng termino ng mga aktibista. Pero ano pa ba ang matatawag mo sa sistemang patuloy na nagpapahirap sa nakararami? Tunay na ipinaglalaban ng kabataan ang mga problemang mas matanda pa sa kanila (o kahit sa atin).

Kung ikaw ang tatanungin, ano ba ang nararapat gawin? Totoong nakakapagod ang kumilos para sa pagbabago. Kung sakaling nakalimutan mo na, higit pa sa pagmamartsa ang ginagawa ng isang aktibista. Maraming oras ang ginugugol para sa malalimang pag-aaral at diskusyon. Higit na mas mahabang panahon ang nakalaan sa pakikisalamuha sa iba’t ibang tao. At talagang nakakaubos din ng oras ang pag-oorganisa ng iba’t ibang aktibidad para malaman ng mas marami ang mga isyung dapat ipaglaban, pati na rin ang tamang paninindigan.

Kung aktibista ka noon, may sarili kang dahilan kung bakit mo tinalikuran ang iyong pinagdaanan. Pero wala kang karapatang sisihin ang mga aktibista sa kasalukuyan sa kung anumang kahinaan ng nakaraan. Totoong iba ang henerasyon ngayon at ipinagpapatuloy nila ang anumang tamang gawi ng nakaraan. Sa pamamagitan ng malalim na pag-aaral ng kasaysayan, ang anumang pagkakamali sa pagkilos noon ay kanilang napansin at nagkaroon na ng kaukulang pagwawasto.

Gusto kong isiping sa ating pagtanda, tayo ay naliwanagan sa katotohanang wala pa ring nagbabago sa kalagayan ng lipunan. Ang negatibo mong pagtingin sa mga aktibista ay maaaring bunga lang ng hindi magandang karanasan sa nakaraan. Pero nabubuhay tayo ngayon sa kasalukuyan at nararapat lang na isakonteksto ang ating personal na agam-agam.

Aktibista ka ba noon? Sana’y muli mong ipagpatuloy ang pagkilos ngayon.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.