Gusto mo bang mag-blog?

N.B. – This was published in Vol. 7, No. 19 (May 21-27, 2008) of Pinoy Weekly (p. 5), the full text of which may also be retrieved from http://www.pinoyweekly.org/cms/2008/05/gusto-mo-bang-magblog.

Pinoy Weekly | Konteksto (kolum ni Danilo A. Arao)Pinoy Weekly onlineIsang babala: Ang sanaysay na ito ay para lang sa mga may limitadong kaalaman sa blogging. Malamang na wala kang matututuhang bago rito kung ang tingin mo sa sarili’y “eksperto.”

Kahit na limitado ang naaabot ng Internet dito sa Pilipinas, marami pa ring bentahe ang blogging.

Bilang bahagi ng tinatawag na new media, ang katangian ng pagsasama-sama ng iba pang porma ng midya (print, radyo, telebisyon) ay mapapansin sa mga blog. Ang komunikasyon sa publiko ay hindi lang limitado sa mga salita, kundi maging sa streaming audio at video.

Sa punto de bista ng isang web author, ang blog ay isang porma ng website na gumagamit ng isang CMS (content management system) na sa esensiya ay masasabing database program. Kaya nga kumpara sa paggawa ng isang “ordinaryong” website, hindi na kailangan ang kaalaman sa HTML (hypertext markup language) o web programming kung gusto ng isang taong gumawa ng blog.

Madali para sa isang blogger na iorganisa ang kanyang mga artikulo (o posts) ayon sa nais na kategorya at tag. At dahil content-based ang isang blog, na kung saan ang pinakabagong artikulo ay kaagad na makikita, madaling malaman ng isang mambabasa kung may bago bang post sa binibisita niyang blog.

Ang mga post mula sa blog ay madali ring maproseso bilang RSS (really simple syndication) feeds na maaaring basahin kahit na hindi aktuwal na bisitahin ang isang blog. Sa katunayan, posible na ngayong basahin ang laman ng isang blog na gamit lang ang isang Web-enabled na cellphone.

At kung nais mong mapaganda pa ang iyong blog sa pamamagitan ng porma at laman nito, napakaraming widgets at plugins na mapagpipilian. Kung gumagamit ka ng WordPress bilang platform ng iyong blog, malulula ka rin sa dami ng themes na puwede mong gamitin para maging kaaya-aya ang hitsura ng iyong blog.

Alam mo bang ang themes, widgets at plugins ay open source? Ibig sabihin, kung may sapat kang kaalaman sa web programming, puwede mong baguhin ang mga ito ayon sa iyong pangangailangan.

Tungkol naman sa feedback mula sa mambabasa, madali lang sumulat ng komento dahil ang kailangan lang gawin ng isang mambabasa ay sumulat sa comment fields na nasa katapusan ng isang post. Kung hindi moderated ng blogger ang pagkokomento, makikita kaagad ng mambabasa na na-publish na ang kanyang sinulat.

Madali rin para sa isang blogger na maglagay ng isang shoutbox sa kanyang blog (maraming widgets at plugins para dito) na kung saan ang isang mambabasa ay maaaring sumulat ng kahit na anong saloobin niya, o kahit makipag-chat sa blogger o iba pang mga mambabasang online.

Matapos mong malaman ang ilang batayang impormasyon tungkol sa isang blog, kumbinsido ka na bang maging bahagi ng tinatawag na blogosphere? Sana naman, bago ka mag-blog, tandaan mong ang katotohanang kahit sino’y puwedeng mag-blog ay maituturing na bentahe at disbentahe.

May kapangyarihang nararamdaman sa blogging ang isang indibidwal o institusyong nais magpalaganap ng makabuluhang impormasyon sa sinumang interesadong mambabasa. Pero ang isang indibidwal o institusyong gustong manira ng iba ay puwede ring gumawa ng isang blog.

Bagama’t may mga mambabasang kayang suriin ang mga impormasyong nakukuha nila sa Internet, nariyan pa rin ang posibilidad na may mga mapapaniwala sa isang kasinungalingan.

Ang iyong opinyon ay napakahalaga lalo na sa isang bansang naghihikahos, at maaari mong gamitin ang blog para ipalaganap ang iyong mga diskurso hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo.

Tulad ng napakaraming lansangan sa Maynila na nagkalat ang mga basura, ang tinatawag na information superhighway ay sadlak sa dumi ng misimpormasyon at iresponsableng pagsusulat. Pero kung gusto mong mag-blog, maaari kang tumulong sa paglilinis nito sa pamamagitan ng pagiging modelo ng responsableng pagsusulat.

Ang pagbasa at pag-intindi ng maikling sanaysay na ito, at pag-abot ng huling talatang ito, ay nangangahulugang may sapat kang pasensiya para sa isang makabuluhang talastasan. Sana’y gamitin mo ang disiplinang ito sa blogging, kung sakaling magdesisyon kang gawin ito.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

7 thoughts on “Gusto mo bang mag-blog?”

  1. napakaganda po ng laman ng sanaysay ninyo. nawa’y dumami pa po ang mga pilipinong katulad ninyo.. hangad ko rin pong makapagsulat ng makabuluhang mga artikulo sa pamamagitan ng blogging. sumasang-ayon po ako sa inyong sinabi na ang pagbaba-blog ay isang “kapangyarihan” na kailangang gamitin sa ikauunlad ng bayan. totoo rin po na sa panahon ngayon, marami nang paraan upang magsulong ng pagbabago at magpahayag ng opinyon. kung noon ay sa kalsada lamang ito nagagawa o nagagawa lamang ng mga taong nasa midya, ngayon nga po ay kahit sino na lang ay pwedeng magpalaganap ng saloobin, kuro-kuro o opinyon upang i-abanse ang kung anumang layunin na mayroon ang nagba-blog.. sana nga po ay mas mangibabaw ang responsable at makabuluhang pagba-blog laban sa mga masasamang propagandang may personal na interes lamang. magandang araw po. :)

    Sagot: Maraming salamat sa mensahe mo. Isa ring malaking debate sa blogging ang paggamit ng wika, dahil may mga nagsasabing mas mainam ang Ingles para maintindihan ng lahat. Pero para sa akin, depende ito sa target audience ng iyong blog: Kung ito ay para sa mga Pilipino, walang masama sa paggamit ng sariling wika. Mainam na proyekto siguro ang pagkakaroon ng widget o plugin para sa pagsasalin ng mga post na nakasulat sa Ingles sa wikang Filipino. Muli, maraming salamat at mabuhay ka!

  2. maraming salamat din po sa inyo at sa pagbisita ninyo sa aking “weblog”. sa ingles po ako nagba-blog sa ngayon para maintindihan ng lahat ngunit hangad ko rin pong magkaroon ng blog sa pilipino. sana nga po ay magkaroon na ng plugin para sa pagsasalin ng post sa pilipino. malaking ginhawa po ang maidudulot nito sa lahat ng “blogger”. mabuhay rin po kayo at maligayang araw (buwan) ng kalayaan! :)

  3. Sayang. Kung nabasa ko ng mas maaga ang post na ito, di sana’y may mas mabigat akong kontra-argumento sa post na to: http://arkangel1a.blogspot.com/2008/05/zeitgeist-why-blogging-v-traditional.html.

    (kung may oras pa po kayo, baka gusto nyo ring patulan)

    Asahang regular na maghahanap ng silahis ng Araw(/o). Padayon!

    P.S. Salamat sa link (smiley)

    Mahabang Sagot:

    Maraming salamat sa komento mo, na sa totoo lang ay ikalawang pag-post mo dahil sa aking aksidenteng pagkakatanggal ng mas mahaba-haba mong komento. Kaya dahil diyan, gusto rin kitang pasalamatan sa iyong pasensiya.

    Gustuhin ko mang pumatol sa debate tungkol sa pamantayan sa blogging at ang kasalukuyang kontrobersiyang kinakaharap ng isang dating dekano ng aming kolehiyo (UP CMC) dahil sa kanyang mga pahayag tungkol dito, ang ilan sa mga katunggali natin ay walang konsepto ng intelihenteng diskurso dahil ang ginagawa lang nila ay sensasyonal na pagsusulat na hindi naiiba sa mga tabloid. Alam mo na ang mga sangkap ng kanilang sensasyonalismo – atakeng ad hominem, argumentong non-sequitur, hasty generalizations at sweeping conclusions.

    Paano ka naman makakapag-debate sa isang blogger, halimbawa, na liberal na tinatawag na komunista ang ilang sa tingin niya’y kaaway? Delikado ang ganitong mga akusasyon, dahil alam natin ang nangyayari sa mga pinagbibintangang komunista sa kasalukuyan.

    Puwede nating palampasin ang kanilang kakulangan sa paggamit ng wikang Ingles o Filipino, pero ang laman ng kanilang argumento at ang paraan ng kanilang pakikipagtalastasan ay nakakaubos lang ng pasensiya.

    Buti na lang at ang blog mo ay maraming impormasyong magagamit ng mga mambabasa, at kahit hindi kita personal na kilala, madaling mapapansin na responsable ka sa mga sinusulat mo. Ito ang dahilan kung bakit nagdesisyon akong i-link ang blog mo sa akin.

    Muli, maraming salamat at mabuhay ka!

  4. pinatulan ko yung isang disipulo. (out of boredom, and fear na dumami pa sila) pero mukhang wala ring nangyari.

    tama naman po. nakakatakot lang isipin na may mga hangang-hanga sa ganun pag-iisip.

    sad.

    natawa rin lang ako nung hiniritan sila ni mr. marasigan. biglang tapos ang piging nila eh. panu’y nakaangkla sa ego ang mga argumento. cyber self-gratification? (mas malufet sa cyber sex? hehe)

    naku, sabi nga ng isang kanta sa lean (the musical):
    “Duon sa mundo ng mga gutom, duon tayo mag-diskusyon”

    P.S. nakakataba ng puso yung “responsable” thingie na sinasabi niyo. bagama’t di pa rin ganun ang tingin ko sa sinusulat ko, nangangako ako (, sa ngalan ng buwan) na pagsusumikapan ko patungo ruon.

    more (solar) power!

  5. salamat po sa blog na ito. impressed po ako dahil kahit propesor po kayo interesado kayo sa new technologies lalo na sa blogging. marahil marami ring mga propesor ang nagbo-blog. maganda nga ito dahil ang mga kabataang estudyante ay mahilig sa internet at computer. natuto po rin ako dito sa blog post ninyo tungkol sa blogging. meron akong blogs sa ingles at kinaray-a pero wala pa sa tagalog. salamat at natagpuan ko itong blog ninyo dahil marami akong matutunan dito.

    Sagot: Maraming salamat sa komento mo. Maganda ang blogging dahil nabibigyan nito ng oportunidad ang mga taong hindi bihasa sa web authoring na magkaroon ng sariling espasyo sa cyberspace, o blogosphere sa partikular. Mabuhay ka!

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.